Matapos ang dalawang taong remote learning dahil sa pandemya, naisagawa ulit ang face-to-face graduation para sa mga nagsipagtapos para sa taong 2022, 2021, at 2020. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng sangkaestudyantehan sa nagdaang akademikong taon. Kagyat nito ang hamon ng krisis sa kalusugan, ekonomiya, at edukasyon.
Kasabay ng daing ng mga mag-aaral ukol sa mabigat na academic workload, mahinang Internet connection, at kakulangan sa mga kurso, nariyan pa ang mabigat na dagok ng mga sakuna sa mga nakalipas na buwan. Nanalasa ang Typhoon Odette, sumabog ang Mt. Bulusan sa Sorsogon, at kamakailan lang ay niyanig naman ng lindol ng Abra (BASAHIN: UPLB students, faculty confront persisting challenges 2 years into remote learning; Nagkakaisang daing sa lumalalang sitwasyon ng online learning).
Bagaman may mga pinansyal na tulong na ipinamahagi sa mga mag-aaral katulad ng Student Learning Assistance System (SLAS), hindi maipagkakaila na hindi lahat ng mga nangangailangang mag-aaral ay nagagawaran ng nasabing tulong dahil sa mga limitasyon ng programa. Nararapat na isaisip na hindi naigagawad ang kabuuan ng proposed budget ng Unibersidad. Sa katunayan, nasa kalahati lang ng proposed budget ng UP ang average o kabuuan ng naaprubahan ngayong dekada. Sa gitna ng mga isyu ng korapsyon sa pamahalaan, malinaw na hindi nakalinya ang mga prayoridad ng gobyerno sa kung ano ang talagang kinakailangan ng bansa, partikular sa sektor ng edukasyon.
Kaugnay nito, patuloy ang pagtindig ng kabataan laban sa alyansang Marcos-Duterte na nagwagi sa isang madungis na halalan, sapagkat mababatid ang banta sa integridad ng edukasyon sa bansa. Talamak ang pagbaluktot sa kasaysayan upang pabanguhin ang masangsang na pangalan ng mga pamilya nina Marcos at Duterte. Samantala, sa gitna ng mabibigat na problema ng mga mag-aaral, nariyan pang isinusulong nina Marcos at Duterte ang pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang mandatory na asignatura.
Subalit sa kabila ng mga suliraning kinaharap ng mga mag-aaral, nararapat ding kilalanin ang mga tagumpay ng sangkaestudyantehan. Kabilang na riyan ang pagbasura sa Student Academic Information System (SAIS) matapos ang anim na taon, at ang pagpapatuloy ng kampanyang #OccupySU (BASAHIN: Glitch in the system: A history of SAIS and the six-year clamor for its junking; UPLB student leaders recount student militancy leading to victory of #OccupySU campaign).
Samantala, bagaman may ilang mga alalahanin at isyu tungkol sa kalusugan, pinansiya, at academic workload, maituturing na ring isang tagumpay ang pagbabalik-eskwela matapos ang dalawang taong online learning. Subalit hindi rito natatapos ang ating kampanya – kailangan nating patuloy na tiyaking ligtas, abot-kaya, at de-kalidad ang edukasyon sa bagong moda ng pag-aaral na ating haharapin.
Sa mga nagsipagtapos, lalong mas mabigat ang tungkulin na paglingkuran ang sambayanan paglabas ng Unibersidad bilang hinahamon tayo ng panahon at hinahamon tayo ng kasaysayan. Higit na kinakailangang maging mapagbantay – buksan ang mata at isip, lalo na’t nakaupo sa Malacañang ang pinakamalaking banta hindi lang sa kinabukasan natin, kundi pati sa kinabukasan ng bayan. Kaya naman, nagpapatuloy at walang humpay ang panawagang itakwil ang huwad na pamumuno ng rehimeng Marcos-Duterte.
Sa kabila ng idinaos na pagkilala ng Unibersidad sa mga nagsipagtapos para sa taong 2022 noong Agosto 6, hindi dapat ipagkibit-balikat ang nangyaring pagharang sa mga kawani ng UPLB Perspective upang magcover at iulat ang mga kaganapan, gayong noong mga naunang taon ay iniimbitahan mismo ang publikasyon upang makiisa sa nasabing programa.
Naulit muli ito kinabukasan sa graduation program ng mga nagsipagtapos para sa taong 2020 at 2021. Kahit na may media pass na ang mga kawani ng publikasyon, pilit pa rin silang hinarang at pinigilang makapasok.
Bagaman kalauna’y pinayagan at pinapasok din ang mga kawani ng [P] sa venue matapos ang ilang oras na paghihintay, nakababahala ang pag-ipit sa karapatan ng mga estudyanteng mamamahayag para iulat ang mga pangyayari sa mga nasabing programa. Testamento ang mga pangyayaring ito na lalong kinakailangang tumindig para sa kalayaan sa pamamahayag kahit mismo sa loob ng pamantasan.
Mariin ring kinukundena ang pagputol ng mga livestream ng college testimonies lalo na kung may graduation rally sa huling parte ng programa na syang nagpapahayag sa pagpapatahimik sa mga progresibong nagsipagtapos. Ngayong taon, nagkaroon ng mga lightning rally sa mga college testimonies bukod sa pangkalahatang pagtatapos na ginanap noong ika-6 at 7 ng Agosto. Ang pagsasagawa ng lightning rally tuwing graduation ay isang tradisyon na isinasagawa pagkatapos ng “UP naming mahal”, subalit noong 2019, pinatayan ng mikropono ang mga nagsipagtapos at pilit na pinutol ang programa.
Ngayong taon, naging sentro ng programa ang paalalang hindi natatapos ang tungkuling paglingkuran ang sambayanan sa loob ng paaralan. Hinamon ng mga tagapagsalita ang mga nagsipagtapos na patuloy na makibaka.
“Pakatatandaan natin na ang pagkimi at pagwawalang kibo sa harap ng inhustisya ay pagpaling lamang sa mga nang-aapi. Hinahamon tayo na patuloy na tumindig at makibaka para sa lipunan kung saan pantay ang lahat ng kasarian; lipunan kung saan may lupa ang mga magsasaka, may nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa; lipunan na ginagalang ang mga karapatang pantao; at Lipunan na matatawag nating tunay na malaya,” pahayag ni Jainno Bongon, ika-41 na tagapangulo ng UPLB University Student Council (USC) (BASAHIN: Dating USC Chair Bongon sa UPLB graduates: ‘Tumindig, makibaka laban sa mga inhustisya sa lipunan’).
(MGA KAUGNAY NA BALITA: Class Valedictorian Angelamae Morales calls graduates to forge unity in society through honor and excellence; Hamon ng mga nagsipagtapos na lider-estudyante: ‘Isulong ang interes ng masa; itaguyod ang malayang lipunan’)
Lalong umiigting ang panawagang makiisa sa pagsulong ng makabayan, siyentipiko, abot-kaya ng lahat, at demokratikong edukasyon na ang pagtanaw ay ang paglilingkod sa bayan. Hindi natatapos dito ang ating mandato bilang mga Iskolar ng Bayan na sumama sa pagtindig para sa panawagan ng masa, kundi ito pa lang ang simula.
ISKOLAR NG BAYAN, PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN! [P]
0 comments on “Iskolar ng bayan, patuloy na tumindig para sa sambayanan”