Culture

Naghahabi, namamayani, natatangi

Ni Kyle Ramiel Dalangin

Trigger warning: Violence, Rape

Kapag nagbukas ka ng telebisyon o radyo, bihira ang mga pagkakataon na makakarinig ka ng balita tungkol sa mga katutubong kababaihan. Sa PAHAYAG 2022 First Quarter Survey, nakita na ang CNN at GMA-7 ang pinaka pinagkakatiwalaang news outlets ng mga Pilipino. Kung pupunta ka sa kanilang website at i-search ang mga salitang “IP women”, “katutubong kababaihan”, o “indigenous women”, wala kang makikita kundi isang artikulo hinggil sa mga katutubong babae sa Canada o kaya nama’y ang pagsuot ni Bise Presidente Sara Duterte ng katutubong kasuotan. Mabibilang lamang sa daliri ang mga ulat na patungkol sa mga tunay na katutubong kababaihan sa Pilipinas. Sa kasamaang palad, hindi sapat ang mga daliri ng sampung katao para bilangin ang kalupitang naranasan nila sa kamay ng mga naghaharing-uri. 

Noong ika-15 ng Hunyo taong 2021, nangyari ang isa sa mga kagimbal-gimbal na kaso ng pag-atake sa mga kababaihang Lumad. Kasama ang kanilang pinsan na si Willy Rodriguez, ang magkapatid na sina Lenie at Angel Rivas ay pinatay ng mga sundalo habang nagsasaka sa Lianga, Surigao del Sur. Iginiit ng mga militar na ang 12-taong-gulang na si Angel ay isang “NPA child warrior.” Bukod sa halos hindi na makilalang katawan, ang kanilang mga ari ay winasak, hudyat na ginahasa pa ang mga ito. 

Isa lamang ito sa sandamakmak na karahasang dinanas ng mga kababaihang katutubo sa ilalim ng pasistang rehimen at macho-pyudal na lipunan. Katulad ng mga kasong ito, hindi rin nabibigyang pansin ang laban ng mga babaeng katutubo at ang kanilang kakayahang tumindig para sa kanilang kultura, lupang ninuno, karapatang pantao, at karapatang mabuhay.

Ang bahid ng kanluran

Hindi mababa ang tingin ng lipunan sa mga babae bago nangyari ang pananakop. Higit pa nga silang tinitingala dahil sa kanilang kakayahan sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Kung susuriin ang kasaysayan, makikita na ang mga katutubong kababaihan ay nasa mas mataas na posisyon sa lipunan kaysa sa mga lalaki noong bago dumating ang mga Kastila. 

Unang una sa listahan ng mga tungkulin ng kababaihan ay ang pagiging babaylan. Ang babaylan ang nagsisilbing tagapagpagaling ng mga may sakit. Bukod pa rito, pinaniniwalaang may kapangyarihan sila upang maging tagapamagitan sa mundong ispiritwal at materyal. Ang babaylan ang nagsisilbing manggagamot, pari, mandirigma, at propeta ng kanilang komunidad.

Kayang-kaya ring gampanan ng mga katutubong babae ang ngayo’y tinuturing na trabahong para lamang sa mga lalaki. Nagsilbi silang tagapagpayo ng mga datu pagdating sa politikal na usapin. Malaki rin ang kontribusyon nila sa pagpapanatili ng tradisyon ng kanilang tribo. Sila ang nagsasagawa ng mga ritwal para sa kalikasan at kasaganahan ng komunidad. 

Maituturing din silang tagapangalaga ng kalikasan. Sa isang pag-aaral na pinamagatang “Roles of indigenous women in forest conservation: A comparative analysis of two indigenous communities in the Philippines,” napag-alaman na mas malaki ang nangyayaring pagkasira sa kalikasan ng mga katutubong komunidad na patriyarkal. Pinapakita nito na mas nasusuri ng mga katutubong kababaihan ang ugat ng problema ng pagkasira ng kalikasan kaysa sa mga lalaki.

Matapos sakupin ang ating bansa, nag-iwan ng bakas na patriyarkal ang mga mananakop sa Pilipinas. Ngayon, marami ang naniniwala na mas angat ang mga lalaki kaysa mga babae, lalong lalo na sa usapin ng paggawa sa komunidad. 

Mula sa pagiging pinakamakapangyarihan at pinaka nirerespetong miyembro ng komunidad, naging mga taong-bahay at tagapag-alaga ng bata ang tingin ng mga Pilipino sa mga babae. Mahina at sunud-sunuran nalang ang trato sa mga kababaihan. Ang pinaka malungkot sa lahat ay maski ang karamihan sa mga babae ay naniniwalang hanggang doon na lang ang kaya nila.

Nakita sa pag-aaral na Overcoming the Barriers to Women’s Economic Empowerment in the Philippines” ang apat na hadlang sa pakikilahok ng mga kababaihan sa paggawa sa Pilipinas. Dalawa dito ay dahil sa responsibilidad sa anak at ang paniniwala ng lipunan sa kung anong nararapat na trabaho sa mga babae. Sa kanilang sarbey, naipakita na 80% ng mga babaeng respondente ay naniniwalang ang mga lalaki dapat ang nagtatrabaho at ang mga babae ay tagapag-alaga ng bahay at pamilya. 

Dito makikita kung papaano naitahi ng mga kanluranin ang kanilang ideolohiya sa Pilipinas. Ito rin ang isa sa mga dahilan ng mabagal na pag-unlad ng bansa. Ayon sa World Bank, ang pakikilahok ng mga babae sa pagkilos ay isang paraan upang mapaunlad ang ekonomiya. Ang pagtaas ng 0.5% sa kanilang pakikilahok kada taon ay magreresulta sa pagtaas din ng gross domestic product (GDP) ng humigit-kumulang 6% sa 2040 at 10% sa 2050. 

Tindig ng katutubong kababaihan

Matapos ang ilang dekada ng pananakop at sa gitna ng pang-aapi sa kanilang sektor, nananatili pa rin sa mga katutubong babae ang pagtupad sa tungkulin sa kanilang komunidad. Sa katunayan, walo sa labing-anim na kinilala bilang Manlilikha ng Bayan o National Living Treasures of the Philippines ay mga katutubong babae. Sila Lang Dulay, Salinta Monon, Darhata Sawabi, Haja Amina Appi, Magdalena Gamayo, Ambalang Ausalin, Estelita Bantilan, at Yabing Masalon Dulo ay ginawaran ng nasabing parangal dahil sa kanilang natatanging kahusayan sa paghahabi. Kinilala rin sila sa kanilang tagumpay na pagpapasa ng kultura at sining sa sumunod at kasalukuyang henerasyon. 

Malaki rin ang naiambag ni Whang-od Oggay hindi lang sa pangangalaga ng kultura ng kanilang tribo, kundi pati na sa pagpapakilala nito sa buong mundo. Siya ang pinakamatandang mambabatok ng tribo ng Butbut sa Busculan, Kalinga. Umaabot sa 60 katao ang bumibisita sa kanya, Pilipino man o dayuhan, upang magpatatu sa kabila ng halos 10 oras na byahe paakyat ng bundok. Dahil dito, ginawaran si Whang-od ng Dangal ng Haraya noong 2018.

Bukod pa rito, maituturing pa rin na tagapangalaga ng kalikasan ang mga katutubong babae ngayon. Ang pinuno at babaylan na si Bae Inatlawan, o Adelina Tarino, ay patuloy na nagbabantay at dumedepensa sa 47,270-ektarya ng Mount Kitanglad Range Natural Park kasama ang kanyang tribo ng Daraghuyan-Bukidnon sa Hilagang Mindanao. 

Hindi rin nawawala sa mga babaylan ang kanilang dugong mandirigma. Ngayon, ang mga babaylan ay namumuno ng mga mobilisasyon laban sa mapang-aping estado. Sila ang tumitindig kasama ng kanilang mga ka-tribo upang depensahan ang kanilang lupa, karapatan, at buhay. 

Isa ring pinuno ng tribo na tumitindig para sa kanyang komunidad ay si Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay ng tribo ng Manobo. Siya ay isa sa mga tagapagtanggol ng Pantaron Mountain Range sa Davao del Norte, ang natitirang buong rainforest ng bansa. Siya rin ang tagapagtatag ng Sabokahan: Unity of Lumad Women, isang organisasyon para sa mga babaeng Lumad na lumalaban para sa kanilang lupaing ninuno at karapatang magpasya at mabuhay.

Sila, kasama ng marami pang mga katutubong kababaihan, ang nagpapatunay na malaki ang kontribusyon ng mga babae sa lipunan. Ipinapakita nila na walang kasarian ang kahit anong tungkulin ng bawat miyembro ng isang komunidad. Sa kabila ng tila walang-katapusang banta sa kanilang kultura at buhay, namayani sa kanila ang tapang na tumindig para sa kanilang karapatan bilang katutubo at bilang mga babae. 

Ngayon, higit kailanman, dapat suportahan at paingayin ang laban ng mga kababaihang katutubo sa patriyarkal, macho-pyudal, at pasistang lipunan. Ang pagsuot ng katutubong kasuotan habang nakikibahagi sa patuloy na pag-atake sa mga taong naghahabi nito ay hindi pagsuporta kundi pagbabalatkayo. Ito ay pagkukunwari upang makahakot ng palakpak sa mga taong nakabarong at saya. Ang tunay na pagsuporta sa mga katutubong Pilipino ay nasa pagtindig kasama nila sa gitna ng mga pagtapak sa kanilang karapatan at ang pagsamang palakasin ang kanilang mga sigaw para sa kapayapaan. [P]

0 comments on “Naghahabi, namamayani, natatangi

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: