Ngayong ika-30 ng Agosto ipinagdiriwang ang Araw ng Malayang Pamamahayag o National Press Freedom Day. Isa sa mga dahilan ng pagpapatupad ng panukalang ito ay ang pag-alala sa propagandistang si Marcelo H. Del Pilar, isa sa mga nangunang itaguyod ang pahayagan noong panahon ng pananakop ng Espanyol. Sa kabila ng selebrasyon sa kagitingan ng mga bayani para ipagtanggol ang malayang pamamahayag, patuloy pa rin ang karahasang nararanasan ng mga tao sa midya kahit higit tatlong daang taon na ang lumipas.
Isang kabalintunaan ang pagpirma ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11699 na nagdeklara at nagsusulong sa kalayaan ng mga mamamahayag samantalang siya ang pasimuno sa panggigipit at pagpapahirap na makamit ito.
Matatandaang isang linggo bago matapos ang kanyang termino, inamin ni Duterte ang paggamit sa presidential powers upang maipasara ang ABS-CBN.
Unang taon ng pandemya noong 2020 nang atakihin ng nakaraang rehimen ang malayang pamamahayag kaugnay ng cease and desist order galing sa National Telecommunications Commission (NTC) na nagpawalang-bisa sa prangkisa ng ABS-CBN.
Dagdag pa rito, iba-ibang porma ng karahasan din ang naranasan ng mga mamamahayag bunsod ng walang habas at sunod-sunod na pag-atake sa midya ng rehimeng Duterte.
Pinaslang ng mga miyembro ng militar ang isang freelance journalist na si Ronnie Villamor mula Masbate noong Nobyembre 2020 sa tabing ng isang pekeng engkwentro. Pinabulaanan naman ito ng National Union of Journalists of the Philippines at nilinaw na nagbabalita si Villamor tungkol sa isang alitan sa lupa nang siya ay paslangin.
Pebrero 2020 nang iligal na ikulong at kinasuhan ng gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms and explosives ang executive director ng Eastern Vista na si Frenchie Mae Cumpio dahil umano sa pagiging high-ranking officer ng Communist Party of the Philippines.
Sa pamamagitan ng Eastern Vista, nag-ulat si Cumpio ng mga paghihirap ng mga biktima ng sakuna pati na rin ng iba-ibang paglabag sa karapatang-pantao na nasaksihan sa mga komunidad ng Samar kasunod ng pagpapadala ng mga tropa ng militar sa lalawigan.
Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, halos 100 na atake sa midya ang maiuugnay sa mga ahente ng estado simula ng termino ni Duterte bilang pangulo ng bansa.
Natapos man ang termino ni Duterte, pinalitan naman ito ng anak ng diktador na nagpapatuloy ng pagsupil sa katotohanan para sa politikal at sariling ganansya.
Ilang araw bago umupo sa pwesto si Marcos Jr, hinarang ng NTC ang akses sa website ng mga alternatibong pahayagan na Bulatlat at Pinoy Weekly, kasama ng ilang progresibong grupo kagaya ng Pamalakaya, Save Our Schools Network, at AMIHAN.
Matapos ang halos dalawang buwan, iniulat ng Bulatlat ang muling pagiging accessible ng kanilang website isang araw matapos nilang maghain ng contempt charges laban sa NTC nitong ika-26 ng Agosto.
Ika-25 ng Agosto nang maghain ng petisyon ang Bulatlat dahil patuloy na pagharang ng NTC sa kanilang website sa kabila ng pagbayad ng P100, 000 na bond na kondisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 306 para ibigay ang writ of preliminary injunction.
Bago muling mabuksan ang website ng Bulatlat, una nang sinabi ng human rights group na Karapatan na tila pambungad sa isang digital martial law ang nangyaring pagpapasara sa dalawampu’t walong websites ng mga progresibong organisasyon at midya.
Kinokondena ng UPLB Perspective ang patuloy na pag-atake sa mga peryodista at mamamahayag. Kasabay nito, maaasahan din ang mapagpalayang pagbabalita na nananatiling kritikal at militante para sa mamamayang api. Labanan ang pilit na pagbabaluktot ng katotohanan. Isulong ang tunay na malaya at mapagpalayang pamamahayag. Tumindig laban sa huwad na tambalang Marcos-Duterte! [P]
0 comments on “Ang laban para sa malayang pamamahayag”