words by Sam Delis
Ang tanging markang maiiwan ng rehimeng Duterte sa mga manggagawang Pilipino ay ang pinakamababa at pinakakaunting beses na wage hike makalipas ang 36 na taon matapos ang rehimeng Marcos. Tanging 9.4% lamang ang itinaas ng minimum wage sa bansa sa buong anim na taong administrasyong Duterte, at dalawang beses lamang nagkaroon ng nasabing hike. Malayo pa rin ito kumpara sa sumunod na pinakamababa, ang administrasyong Estrada, na may 26.3% na dagdag lamang.
“Filipino workers [and] Filipino people deserve better from this administration.”
Ito ang mga salitang binitawan ni Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), ukol sa kasalukuyang mandato ng dagdag sa minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa. Ang EILER ay isang labor non-governmental organization na ilang dekada nang nakikibaka para isulong ang labor standards at genuine trade unionism sa bansa.
Sa anim na taon ni Duterte, noong 2018 pa ang huling pagtaas ng minimum wage sa bansa. Isa itong malaking sampal sa mga manggagawang ilang dekada nang nakikibaka para sa isang patas na pasahod. Sa pagbagsak ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang dagok ay pasan ng mga minimum wage earners sa bansa.
Hanggang saan nga ba ang mararating ng kakarampot na dagdag sa minimum wage?
Sa usaping kilometro at antas ng trabaho
Nito lamang ika-13 ng Mayo, inisyu ang Wage Order No. NCR-23 na nagmandatong itaas ng 33 pesos ang minimum wage sa kalakhang Maynila. Buhat nito, umakyat sa 570 pesos ang pinakamababang sahod para sa mga nasa sektor ng non-agriculture. Samantala, nakatakda naman sa 533 pesos ang minimum wage para sa iba pang mga sektor na nasa NCR. Ang 33-peso increase ng minimum wage sa NCR ay bunga ng mga kilos-protesta at panawagan ng iba’t ibang mga labor groups, labor organizations, at iba pang mga sektor.
Makalipas naman ang halos isang buwan, nagtakda ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng dagdag-sahod sa labing-tatlo pang mga rehiyon sa bansa. Tinawag ang wage board na ito na tripartite dahil kinakatawan ito ng tatlong sektor: ang gobyerno, mga manggagawa, at mga kapitalista. Ang bawat RTWPB ng kada rehiyon ay binubuo ng: (1) mga pang-rehiyon na direktor ng Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA), at Department of Trade and Industry (DTI) na kumakatawan sa sektor ng gobyerno; (2) dalawang kinatawan ng mga manggagawa, at; (3) dalawang kinatawan ng mga employer sector. Ipinatupad ito taong 1989 sa ilalim pa rin ng R.A. 6726 o Wage Rationalization Act.
Sa kasalukuyang ipinatupad ng RTWPB na minimum wage hike sa mga rehiyon sa labas ng NCR, ang CALABARZON ang may pinakamalaking halaga. Sa itinakda ng RTWPB na Wage Order No. IVA-19, nahahati sa dalawang tranche ang dagdag sahod ng mga manggagawa sa Rehiyon IV-A (CALABARZON). Sa unang tranche, makakatanggap ng 3-49 pesos na dagdag-sahod kada araw ang mga manggagawa; samantala, sa pangalawang tranche (anim na buwan pagkalipas ng unang tranche) naman ay makakatanggap ng 48 pesos na dagdag sahod kada araw. Sumatotal, 470 pesos ang bagong minimum wage para sa mga extended metropolitan areas sa Timog Katagalugan kagaya ng Bacoor, Dasmariñas, Biñan, Taytay, at Antipolo. Samantala, 429 pesos naman ang itinakda para sa component cities at first-class municipalities. Mas maliit pa rito ang natatanggap ng mga nasa agrikultural na sektor at lower-class municipalities.
Kung mapapansin, ang 470 pesos na bagong minimum wage para lamang sa mga extended non-agricultural metropolitan areas ng CALABARZON ay may isang daang pisong pagitan sa kaparehong sektor na nasa Metro Manila. Kung susumahin ang average, wala pang isang daang kilometro ang pagitan ng NCR sa mga lalawigan ng CALABARZON; ngunit pagdating sa sahod, isang daang piso ang pagitan.
Kung distansya mula sa kalakhang Maynila lang din ang basehan, hindi maipagkakaila na mas dehado ang iba pang mga rehiyon. Isa itong mapait na patunay na ang sistema ng pagpapasahod ay monopolisado at nakadepende pa rin sa antas o sektor na kinabibilangan sa lipunan.
Rehiyonalisado o neoliberalisado?
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) at National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang mandatory minimum wage set ay itinatakda base sa apat na salik. Ang unang salik ay ang; “pangangailangan ng manggagawa at kanilang pamilya” kung saan nakapaloob dito ang cost and standards of living sa kada rehiyon sa bansa. Ani DOLE, kailangang isaalang-alang ang magkakaibang cost of living sa kada rehiyon sa pagtakda ng halaga ng minimum wage. Samantala, ang ikalawang salik ay ang kapasidad ng mga employer na pasahurin ang kanilang mga manggagawa base sa produktibidad. Ang dalawa pang salik na tinukoy ng DOLE at NWPC ay ang comparable wages and incomes at mga pangangailangan para sa pagpapaunlad ng ekonomiya at lipunan.
Sa kabila ng mga nabanggit na salik ng DOLE at NWPC na diumano ay dahilan ng pagkakaiba ng minimum wage sa kada rehiyon, naniniwala ang mga labor groups and organizations na ang neoliberalisasyon ang dapat iturong salarin. Wika ni Porras, “Malaking factor dito [sa regionalization ng minimum wage] ‘yung implementation ng neoliberal policies. Ito ‘yung talagang nag-deregulate ng wages sa ating bansa, at mula nang i-implement ‘yan, bumaba talaga ‘yung wages in different parts of the Philippines.”
Ayon sa isang artikulo ni Walden Bello, isang aktibista, propesor, at dating kandidato sa pagka-bise presidente, patuloy na ginagawang kampeon ng neoliberalismo ang ang mga kapitalistang may kontrol sa merkado. Kadalasang naiaakibat ang ideolohiyang ito sa pagpapatakbo ng ekonomiya na siyang dahilan ng pagkiling sa interes ng mga kapitalista.
“That is by, you know, the very premise of self-serving interest of the few elite at the expense of the collective rights of the marginalized, specifically of the workers. (…) Mayroon tayong mga administration, past and present, na talagang ang interes na binibitbit ay nagle-lean towards sa kanila [mga kapitalista] (…) instead na i-lift ‘yung welfare of workers by passing pro-worker [and] pro-people laws and policies, they are instead prioritizing anti-worker policies.”, saad ni Porras.
Para sa EILER at iba’t ibang mga grupo ng manggagawa, ang rehiyonalisadong pagpapatupad ng minimum wage ay bunga ng mga neoliberal na polisiya na pumapabor sa interes ng mga bilyonaryo at kapitalista. Giit ng mga grupo ng manggagawa, partikular na ang Kilusang Mayo Uno (KMU), naging instrumento ang RTWPB sa pagpapaliit ng sistema ng pagsahod sa bansa dahil naging monopolisado ito. Sa kabila ng tripartite mechanism na ginawa umano sa Wage Board upang mapakinggan ang boses ng bawat sektor – gobyerno, kapitalista, at manggagawa – tila ang interes ay nakapabor pa rin sa mga kapitalista.
National minimum wage, ipaglaban!
“Napakalaking pangangailangan. This is the high-time na muling ipatupad ‘yung national minimum wage.”, determinadong saad ni Porras.
Mula nang naisabatas ang R.A. 6727 (Wage Rationalization Act) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino, lalong naging dehado ang sektor ng mga manggagawa. Hindi patas ang batas na ito sapagka’t nakaayon sa heograpikal na lokasyon, uri ng trabaho, at sektor na kinabibilangan ang sahod na matatanggap ng isang manggagawa.
Dalawang buwan pa lang makalipas ang pag-upo ni Duterte noong 2016, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nais ng dating pangulo na ipatupad ang national minimum wage. Dagdag pa ni Bello, “The government is considering a national minimum wage law as it consolidates measures in Congress seeking salary adjustments.”
[“Pinag-aaralan ng gobyerno na magpasa ng batas para sa national minimum wage sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa Kongreso para sa mga salary adjustments.”]
Tapos na ang termino ni Duterte, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin standardized ang minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ilang taon nang nakikibaka ang iba’t ibang mga labor groups na isabatas ang P750 national minimum wage sa bansa, na kung tutuusin ay kulang na kulang pa rin kung ikukumpara sa presyo ng mga bilihin sa kasalukuyan. Taong 2018, matatandaang naghain ng House Bill 7787 ang Makabayan bloc para sa P750-national minimum wage, ngunit hanggang ngayon, patuloy pa rin itong iniipit. Dagdag pa ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Ka Bong Labog, ang panawagan sa 750 peso-national minimum wage ay wala pang 70 porsiyento ng family living wage ng isang pangkaraniwang pamilyang Pilipino.
Gaano ka-bare minimum ang minimum wage sa bansa?
Ayon sa independent research think-tank na IBON Foundation, pumapalo na sa 1,093 pesos ang family living wage ng isang pangkaraniwang pamilyang Pilipino. Ito ay bunsod ng walang-tigil na pagtaas-presyo ng mga bilihin. Samakatuwid, hindi magiging sapat ang dagdag sa minimum wage na hindi pa umabot sa limampung piso.
Dagdag pa ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) at Kilusang Mayo Uno (KMU), “mumo” lamang ang wage increase na ito sapagka’t hindi pa rin ito sapat upang makarekober ang mga manggagawa sa nagdaang krisis.
“At papasok tayo ngayon sa real value ng [minimum] wages ay hindi na mataas dahil sa increasing prices ng basic goods and commodities. (…) In short, kulang, hindi ito sasapat (…) The wage increase, hindi pa siya ‘yung significant amount that we need to cope up man lang dun sa krisis that we’re experiencing right now.” Dama ang bigat ng mga salita ni Porras sa pag-giit na hindi pa rin sapat ang nangyaring wage increase kung ikukumpara sa gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Tinatawag na real minimum wage (RMW) ang “tunay na halaga” ng sahod na natatanggap ng isang manggagawa sapagka’t kaakibat na nito ang iba’t ibang salik kagaya ng inflation rate. Sa madaling salita, ang RMW ang dapat suriin dahil ito ang “tunay” na natatanggap na halaga ng isang manggagawa.

Datos mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) at PSA-Consumer Price Index
Ayon sa ulat ng Phlippine Statistics Authority, pumalo na sa 6.1% ang inflation rate nitong Hunyo 2022. Ito ay tinawag na “three-year high” magmula pa noong buwan ng Oktubre at Nobyembre noong 2018 – isang manipestasyon na hindi na sasapat ang minimum wage na natatanggap sa kabila ng pagdagdag dito. Hindi matutugunan ng dagdag sa minimum wage ang pang-araw-araw na gastusin ng isang pamilyang Pilipino, sapagka’t bumagsak na rin ang presyo ng real minimum wage bunsod ng inflation rate. Makikita sa datos ng NWPC na humigit-kumulang P100 ang pagitan ng minimum wage at real minimum wage sa kada rehiyon. Samakatuwid, ang “halaga” ng minimum wage ay hindi na kailanman magiging sapat.
Ang inflation rate na ito ay hindi lamang sa NCR dama, sapagka’t lahat ng rehiyon ay nagdudusa sa patuloy na paglobo ng mga bilihin. Nito lamang nakaraang Abril, naghain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines na itaas ang minimum wage sa CALABARZON ng 828 pesos kada araw. Ngunit sa kasalukuyang inisyung mandato ng RTWPB, naglalaro lamang ito sa 350 hanggang 470 pesos. Dagdag pa ng TUCP, mula 279 hanggang 371 pesos lang ang naiuuwi ng isang minimum wage earner mula sa CALABARZON dahil sa mga kinakaltas sa sahod. Samakatuwid, “below poverty threshold” na ang minimum wage ng isang manggagawa mula sa Timog Katagalugan.
Ayon sa isang pag-aaral ng Oxford Business Group, isang key industrial region ang CALABARZON na binubuo ng kalakhan ng manufacturing activity sa bansa at saklaw rin nito ang 14.5% ng economic output ng bansa. Para sa TUCP at mga grupo ng manggagawa sa Timog Katagalugan, hindi makatarungan ang isangdaang pisong pagitan ng minimum wage ng rehiyon kumpara sa NCR.
Hindi lang ito angkop sa Timog Katagalugan, kundi maging sa lahat ng rehiyon sa bansa. Ang isang standardized na minimum wage ay parte ng karapatan ng manggagawa; kung tutuusin, kakarampot na kahilingan lamang ito kumpara sa dapat na sinasahod ng isang manggagawang Pilipino. Bukod sa hindi makatwirang halaga ng minimum na pasahod sa bansa, ang diskriminasyon na umiiral ay isa ring usapin na dapat bigyang-pansin. Simula nang ipatupad ang R.A. 6727 (Wage Rationalization Act), nakaangkla sa ilang mga salik ang natatanggap na sahod ng isang manggagawang Pilipino.
Hindi kilometro, antas ng trabaho, o sektor na kinabibilangan ang dapat na magtakda sa sahod na dapat natatanggap ng isang manggagawa. Kung tutuusin, bare minimum ang pagbibigay ng tama at pantay-pantay na pasahod sa mga manggagawa – isang bagay na hindi pa rin naipapatupad sa kabila ng ilang dekadang kilos-protesta at mga panawagan. Hangga’t pinapatakbo ng neoliberalismo ang ekonomiya ng bansa, mananatiling ang interes ay nakakiling sa mga nasa itaas ng tatsulok.
Sa paglobo ng inflation rate sa bansa, ang real minimum wage ay patuloy na bumabagsak. Hindi kung hanggang saan ang mararating ng minimum wage hike ang dapat na itanong. Dahil sa rumaragasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasabay ng patuloy na pagbagsak ng ekonomiya, ang nararapat na itanong: May mararating pa nga ba ang kakarampot na dagdag sa minimum wage? [P]
Pingback: Unions demand justice, pro-worker reforms for the upcoming ILO-HLTM – UPLB Perspective