Features Lathalain

Pahina: Ang pagsupil sa espasyo ng progresibong literatura

Ni Marl Ollave at Norland Cruz

Kung mayroon mang pisikal na kasangkapan na magpapalaya sa sangkatauhan mula sa kasinungalingan at kamangmangan, isa ang mga libro sa mga konkretong patunay nito. Ngunit ang mga libro rin na ito ay nagiging instrumento rin sa paggapos at paggapi ng kalayaan ng isang mamamayang may kritikal na diwa, lalo na sa panahon ng diktadurya at pasismo. 

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ibinaba ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang memorandum na nagpapahinto sa paglimbag ng limang libro. Diumano, kinakitaan ito ng mga subersibong nilalaman at ng mga ideyang nag-uudyok na labanan ang pamahalaan. Dagdag pa rito, nilalabag din umano ng mga librong ito ang Section 4 ng Republic Act 11479 o Anti Terror Law dahil umano sa pagtatangka na maghasik ng terorismo. 

Puwang sa kalayaan at kasaysayan 

Maraming beses nang pinalaya at ginising ng mga libro ang natutulog na diwa ng masa. Kadalasan ay inilalahad nito ang mga naratibo ng mga taong biktima ng opresyon at pananamantala, gayundin ang paglalahad ng katotohanan na taliwas sa nakikita ng karamihan. Itinitulak nito ang estadong sensurahin sa takot na sumalungat ang masa sa paggising ng mga diwa nito.

Sa konteksto ng Pilipinas, tanyag ang mga obra ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo na sinensura at kinamkam ng mga Kastila. Inilahad nito ang baho at karahasan ng kolonyal na rehimen ng mga Kastila sa ating bansa. Dahil sa direktang pagtutulad nito sa mga Kastila, naging kasangkapan ito ng kanyang pagkabilanggo sa Dapitan at kalaunan ay kumitil sa kanyang buhay. 

Ilang dekada ang nakararaan, dinanas ng bansa ang pinakamatinding supresyon ng midya sa ilalim ng Batas Militar. Pangunahing tinugis ng diktaduryang Marcos ang pagsensura sa mga librong tumataliwas sa pamahalaan. Gamit ang kapangyarihang militar, ipinasara at ikinulong ang mga manunulat at mga may-ari ng mga bookstores nang walang due process. 

Isa sa naging mukha ng pagsensura ng gobyerno ang pagbabawal sa publikasyon ng librong “The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo Mijares, isang mamamahayag at tumiwalag na propagandista ni Marcos Sr.  Inilimbag ang nasabing libro taong 1976 subalit matapos ilabas sa publiko, sapilitang naglaho ang manunulat habang ang kanyang anak na si Boyet ay marahas na pinaslang ng estado. 

Bagaman ang pagkamkam at pagpupurga ng mga libro ay hindi hamak na hindi marahas sa mata ng iilan, ang pagsupil sa karapatang magsulat at magbasa ay sintomas ng nagbabadyang madugong rehimen. Gumagawa ito ng isang kulturang nagpapatahimik sa mga radikal at kritikal na paniniwala. Sinusupil din nito ang karapatan sa edukasyon dahil inaalisan ng estado ang mga nasasakupan nito ng kalayaang magbasa at matuto. 

Gaya na lamang nina Mijares at Rizal, ang pagkitil ng kanilang buhay ang kinahinatnan ng isang pamumunong may takot sa mga edukado. 

Kalagayan sa ibayong dagat 

Umusbong ang pinakamalagim na pangyayari sa kasaysayan sa anyo ng Holocaust ng Germany noong 1930’s, kung saan bukod sa pagpaslang sa anim na milyong mga Hudyo, sinunog ang 25,000 na mga librong kinakitaan ng mga pagtuligsa sa ideolohiyang Nazismo.

Naging malawak ang impluwensyang kanluranin, at naging mitsa ito sa iba pang anyo ng pag-antagonisa sa itinuturing na rebolusyunaryong mga libro at paghigpit ng pasismo sa Timog-Silangang Asya. 

Sa Thailand, pinarurusahan at kamatayan ang kabayaran ng sinumang nagmamay-ari ng mga subersibong aklat na naglalaman ng ideolohiyang Marxismo, Leninismo, at aklat na salungat sa pamahalaang monarkiya noong Panahon ng Red Scare. Isa sa mga agad na sinupil ng monarkiyang Thailand ay ang mga aklat na dumudungis sa “malinis” na reputasyon ng palasyo at ng kaharian. Kabilang dito ang “The King Never Smiles” ni Paul Handley, isang mamamahayag na naglahad ng militarisado, korap, mapang-abuso, at anti-demokratikong pamamahala sa monarkiyang Bhumibol Adulyadej noong 2006. Kalaunan ay hindi na pinayagan pang makapasok ng estado si Handley at kinasuhan naman ang taong nagtangkang magsalin ng aklat sa wikang Thai noong 2011.

Hindi rin pinalampas ng diktaduryang Pol Pot ang libu-libong mga libro sa Cambodia sa kaniyang brutal na rehimen na may malawak na propaganda, laganap na patayan, at kultura ng takot sa buong bansa. Halos 80% ng mga aklat sa Khmer ang binura sa kasaysayan simula noong taong 1975 hanggang 1979 matapos itong sirain ng administrasyon. Kasabay rin nito ang pagsunog ng iilang progresibong aklat mula mismo sa National Library ng Cambodia.

Halos walang pagkakaiba ang pagtrato ng estado ng ibang kalapit na bansa sa mga librong kanilang itinatalagang subersibo dahil lamang sa pagtatala ng pagsasalungat at pagpupuna sa pamahalaan nito – ang hamakin ang sinumang magtatangkang maging sangkot dito. Lantad ang pagpapatahimik ng pasistang pamahalaan sa mga bansang nabanggit, subalit sa halip na manatiling busal, namayani pa rin ang kolektibong pagbalikwas. Sa kontemporaryong panahon, nagkaroon ng mga arkibo at digitalisasyon ng mga kopya ng mga libro— bagay na sinisikap ding isensura ng bagong pamahalaan sa kanyang makapangyarihang makinarya. 

Premonisyon ng kasaysayan

Matapos mapatalsik sa kapangyarihan si Marcos Sr. noong 1986, matagumpay na nakabalik bilang pangulo ang kanyang anak na si Bongbong Marcos Jr., at hindi malabong maulit muli ang lagim ng kasaysayang sinapit ng bansa noong Batas Militar. Kung ganap na supresyon ang tugon ni Marcos Sr. upang supilin ang kalayaan, pahakbang na represyon naman sa anyo ng makinaryang disimpormasyon ang kasangkapan ni Marcos Jr. upang mapabango ang pangalan ng kanyang pamilya. 

Malaki ang kapangyarihan hawak ng pamilya sa espasyo ng social media dahil nasa likod nila ang mga sistematikong trolls na lumilikha ng kasinungalingan. Naging paraan ito upang ipagbawal ang mga nilalamang taliwas sa gobyerno. Kamakailan lamang noong Hunyo, ipinagbawal na gawing aksesible ng National Telecommunication Commission (NTC) ang mga alternatibong midya tulad ng Pinoy Weekly at Bulatlat sa paghihinalang kabilang umano ang mga ito sa teroristang organisasyon. Mahahalaw dito na maging sa digital na espasyo, sinisikil pa rin ang kalayaan sa pagpapahayag. 

Mistulang panimulang bati pa lamang ng administrasyong Marcos ang inilatag na memorandum ng KWF, dahil kung ikukumpara ang mga susunod na nangyari sa ibang bansa sa Timog-Silangang Asya, tiyak na namayagpag ang pasismo at diktaduryang rehimen.

Taong 2006 din sa bansang Thailand ay nagkaroon ng coup d’etat ang pwersa ng monarkiya laban sa gobyerno ni Prime Minister Thaksin Shinawatra. Bilang isang kritiko ng hari at sangkot na rin sa napakaraming katiwalian, naging matagumpay ang monarkiya na makuha ang suporta ng mamamayan kahit na ang mismong monarkiya rin ay may palasak na korapsyon at anti-demokratikong mga polisiya. Sa panahon din na kasabay ng pagsensura ng mga libro ay umusbong ang mga anti-demokratikong gawain na nagpapataihimik sa sinumang pumupuna.

Maraming buhay ang kinitil noong panahon ng demokratikong Kampuchea na pinamumunuan ni Pol Pot. Karamihan ay namatay dulot ng malawakang taggutom dahil sa pwersadong pang-aalipin at genocide na umabot sa humigit-kumulang 1.5 hanggang 2 milyong mamamayan. Kasabay ng pagpapatahimik sa mga librong nagsisilbing naratibo ng mga mamamayan ay ang pagpaslang din sa nasasakupan nito na kabilang sa isang pangkat-etnikong Vietnamese, Chinese, at Muslim noong taong 1975 hanggang 1979.

Hindi lamang imbakan ang libro ng mga kasaysayan, istorya, naratibo at iba pang mga pagtatala, kundi saksi at kasangkapan rin ang mga ito sa pag-aanalisa ng isang nagbabadyang malagim, awtoritaryan at pasistang estado. Ang pagsusupil sa produksyon ng isang progresibong aklat ay nangangahulugan din na paglabag sa karapatang pantao, pang-aabuso, at pagpapatahimik sa mga mamamayan na nasa ilalim ng pamamahalang tulak ng pansariling interes.Sinesensura at pahina nang pahina man ang mga librong itinuturing na subersibo ng mala-rehimeng pamahalaan, palakas nang palakas naman ang bawat paglaban ng mga iskolar at masa para sa malayang pagpapahayag at pagsasapublikasyon ng mga librong rebolusyonaryo. Sa huli, ang pagbuklat ng bawat pahina ng libro ay hindi lamang pag-alam sa mga ideolohiya kundi pagkamulat tungong radikal na pagbabago ng lipunan at paghulma sa kritikal na kamalayan ng masa— kasangkapang mas makapangyarihan sa anumang uri ng dahas na maaaring ibato ng represibong estado. [P]

1 comment on “Pahina: Ang pagsupil sa espasyo ng progresibong literatura

  1. Pingback: TNPicks: Our Appreciation List for 2022 – Tinig ng Plaridel

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: