Bago ideklara ang Batas Militar 50 taon na ang nakakaraan, sumiklab na ang student movement o kilusang estudyante noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Tinawag na First Quarter Storm (FQS) ang sunod-sunod na protestang inorganisa ng mga mag-aaral, na naglalayong kalampagin at singilin ang administrasyon para sa reporma ng Konstitusyon. Subalit hindi naman natapos ang kadiliman na dinaranas ng mga Pilipino kaya nagpatuloy ang pagkilos ng mga estudyante sa mga sumunod pang taon.
Ang mga kilos-protestang ito ay hindi lamang para kondenahin ang pananamantala at pamamasista ng administrasyon, kundi para mas palakasin ang boses ng mga nasa laylayan at ninakawan ng karapatan. Ito ang nagsisilbing daan para tumindig kasama ng mga masang api, kaugnay ng pagkilala sa kanilang mga ipinaglalaban – mula sa pagkakait sa kanila ng kalayaan at katarungan hanggang sa walang habas na pagpaslang sa kanilang mga buhay. Kaya naman sentro ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pag-alala sa Batas Militar ang pagkilala sa kilusang bayan bilang “gintong tanglaw” sa gitna ng madilim at madugong kasaysayan ng diktadurya.
Sa gitna man ng diktadurya at pasismo, nagsilbing tahanan ng aktibismo ang UPLB. Kasama sa mga tumindig laban sa diktadurya ang mga bayaning desaparecidos na tinaguriang “Southern Tagalog 10.” Kabilang sa mga ito sina Rizalina Ilagan, Gerry Faustino, Jessica Sales, at Cristina Catalla, na pawang mga mag-aaral at guro ng pamantasan. Ang Southern Tagalog 10 ay itinuturing na “pinakamalaking kaso ng involuntary disappearance” na ginawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong panahon ng Batas Militar (BASAHIN: Taking up space: Honoring the women of Southern Tagalog).
Maging ang UPLB Perspective ay naging bahagi rin ng mga pagkilos noong panahon ng diktadurya. Ito ang kinilalang unang pahayagang pangkampus na umusbong sa gitna ng Batas Militar. Naging aktibo ang mga kasapi ng publikasyon, kasama ang mga miyembro ng sinundang pahayagan ng UPLB Perspective na Aggie Green and Gold, sa pagpapaingay sa kabi-kabilang inhustisya at iba pang mga kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Kabilang dito sina Manuel Bautista, mag-aaral ng BS Economics na napatay sa isang engkwentro sa Tagkawayan, Quezon noong 1976, at si Leticia Ladlad, isang mag-aaral ng agricultural chemistry at kauna-unahang babaeng patnugot ng Aggie Green and Gold, na huling nakita noong 1975 (BASAHIN: Recalling UPLB in Martial Law).
Umusbong ang student movement dahil sa pananamantala sa kapangyarihan ng mga pinuno, katulad ng diktador na si Marcos Sr. Ngayong ang anak naman niya ang nakaupo, ang pagkilos na ito ay dapat na mas lalong paigtingin. Ang patuloy na pagtindig sa mga kilos-protesta ay ang paglaban sa pagpapatuloy ni Marcos sa nasimulang pangangamkam at pananamantala ng kaniyang ama. Kahit halos dalawang buwan pa lang sa puwesto ang bagong rehimeng Marcos, lubhang lumala ang iba’t ibang krisis ng estado.
Kabahagi lamang ang mga ginagawang pagkilos ng mga estudyante sa mas malawak pang pagtindig upang isulong ang pambansang demokrasya. Katuwang ng mga pagkilos ng estudyante’t masa ang pagtanaw ng ginintuang lipunan na may kalayaan mula sa kontrol ng ibang bansa, may kapangyarihang panagutin sa batas ang pamahalaang mapang-abuso, at may pantay-pantay na kinatatayuan sa lipunan.
Sa ika-50 taon ng Batas Militar, nararapat lamang na ipagpatuloy ng bawat isa ang pakikilahok sa mga pagkilos kaugnay ng pagkondena sa mga inhustisyang ginawa ni Marcos Sr. noon, na ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. sa kasalukuyan, upang itaguyod ang kanilang pansariling interes.
Higit sa lahat ng panahon, ngayon natin kinakailangang makibahagi sa pagtindig laban sa pasistang rehimen at makiisa sa gintong tanglaw sa madilim nating kasaysayan. Kolektibo nating alalahanin ang mga sakripisyong ibinuhos at mga buhay na nawala noong panahon ng Batas Militar. Sama-sama tayong makibaka tungo sa pambansang demokrasya.
Tibayan ang hanay. Palakasin ang pagkilos. Gapiin ang bulok na sistema. Pagningasin ang gintong tanglaw sa madilim na panahon.
Never again, never forget! [P]
0 comments on “Tibayan ang hanay, palakasin ang pagkilos”