Marcos at Martial Law.
May iba’t ibang opinyon ang mga Pilipino kapag inihain sa kanila ang mga salitang ito. May mga natutuwa dahil “Golden Age” ang unang pumapasok sa isip nila, ngunit may mga kumukunot naman ang noo dahil “torture” ang kasunod na katagang ikinakabit nila sa mga ito. Magkakaiba man, isa lang ang ibig sabihin nito: malaki ang papel ng mga Marcos at ng Martial Law sa ating kasaysayan at maging sakalagayan ng bansa ngayon. Isang manipestasyon na rin nito, kung tutuusin, ang malaking kaibahan sa kaalaman ng mga mamamayan sa Batas Militar.
Makalipasang 50 taon mula noong idineklara ito, nananatili pa ring lito ang marami sa atin kung bayani o kalaban ang mga Marcos. Bakit nga ba laging binabanggit ang mga Marcos sa usaping Martial Law? Ngayong isang Marcos na naman ang nakaupo sa pinakamataas na pwesto, babalik ba ang Pilipinas sa dati?
Ang mga pamanang sala ng ama
Una pa lamang, hindi na una sa listahan ang Pilipinas sa prayoridad ng mga Marcos. Hindi mauungusan ng mga Pilipino ang interes ng mga imperyalistang bansa. Sa ilalim ng Batas Militar o Martial Law, pinaigting ni Ferdinand Marcos Sr. ang pagiging depende ng bansa sa importasyon kaysa sa sariling ani. Ito ang isa sa mga naging rason sa pagkakabaon natin sa utang. Samakatuwid, ang ating lokal na industriya ang tinamaan ng mga neoliberal at malapyudal na polisiya noon ni FM Sr. na nagresulta rin sa cheap labor export o ang pagtatrabaho ng mga Pilipino sa ilalim ng ibang bansa kapalit ng maliit na sweldo.
Una rin ang interes ng mga kapitalista kaysa sa mga mamamayang Pilipino noong panahon ni Marcos Sr. Isang kasumpa-sumpang halimbawa nito ay ang crony ni FM Sr. na si Roberto Benedicto, kaklase at kasama sa fraternity noong siya’y nag-aaral pa lang sa UP Law School. Ginawang chairman ni FM Sr. si Benedicto ng Philippine National Bank kung saan ginamit niyang panggatong ang mga pondo na ninakaw para sa kaniyang mga negosyo. Harap-harapan din ang pandarambong ni Benedicto sa industriya ng asukal kung saan bibilhin niya ng napakamura ang asukal mula sa mga magsasaka at dadagdagan ang presyo nito para mas mahal na maibenta sa ibang bansa.
Hindi rin nabigyan ng laya noon ang mga mamamahayag. Ang mga katagang “the freest press in Asia” ay minsan nang dinikit sa tabi ng mga peryodista ng ating bansa, ngunit sa ilalim ng Batas Militar, ang malayang pamamahayag ang una nilang tinira. Sa pagbabalik tanaw ng Committee to Protect Journalists (CPJ), binanggit nila na ang naging estratehiya ni FM Sr. ay ang pagpapasara at pagpapatahimik sa lahat ng mga estasyon ng radyo, telebisyon, at dyaryo maliban sa iilan na ipinagkatiwala naman niya sa kamay ng mga crony niya. Striktong pagpapatahimik ang ginawa ni Marcos sa mga kabilang sa midya at ang resulta nito ay maraming mamamahayag ang iligal na dinakip, kinulong, at tinortyur.
Kung susuriin ng mabuti, hindi ba parang pamilyar ang mga palakad na ito?
Ipagpapatuloy ng anak
Marami nang pagkakataon kung saan ipinakita ng anak ng diktador na hindi siya iba sa kanyang ama wala pang isang taon ang nakakalipas matapos niyang umupo.
Kamakailan lamang sa Batangas, pinaslang ng 59th Infantry Battalion sa Calaca (IB) si Maximino Digno, isang magsasakang may diperensya sa pag-iisip at si Kyllene Casao sa Taysan na siyam na taong gulang lamang. Kwento ng 59th IB ay kasapi sa New People’s Army o NPA si Tatay Maximino at biktima naman sa engkwentro nila si Kyllene. Ang mga organisasyong Tanggol Batangan at Mothers and Children for the protection of Human Rights na mismo ang nagsabing kasinungalingan ang mga bintang ng 59th IB.
Bukod sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng Pangulo upang palakasin ang pwersa ng militar laban sa taumbayan, pareho si Marcos Jr. at ang kaniyang diktador na ama sa aspetong layon nilang patuloy na isulong ang neoliberalismo sa bansa.
Sa planong inilatag ni Marcos Jr. sa kaniyang unang SONA, kung saan idinidiin parin niya ang mga neoliberal na mga proseso, naroon ang pangamba na ang masa ulit ang sasalo sa magiging epekto.
Sinabi rin niya na kaniyang ipapasa sa pribadong sektor ang pagpapatayo ng iba’t ibang imprastraktura sa kaniyang administrasyon. Ngunit ang pagbibigay kapangyarihan at laya sa mga kumpanya’t korporasyon ay nangangahulugang ang kapitalista pa rin ang kanilang uunahin. Ibig sabihin, kaya nilang patawan ng presyo ang lahat ng itatayong imprastraktura kung saan ang mga Pilipino ang magbabayad nito, sa paraan man ng mas mataas na buwis o tahasang korapsyon.
“Kung titignan natin, ang gagawa niyan ay private. Uutangin yan. Ang presyo na iluluwal ng imprastrakturang iyan ay medyo mahal. At sa naging karanasan natin, dehado ang mamamayan,” sabi ni Teddy Casiño mula sa isang panayam ng Alter Midya.
Bukod pa rito, hindi pa rin malaya ang mga mamamahayag ngayong rehimen ng isa pang Marcos. Makikita natin na parehas ang taktikang ginagamit ni Marcos Jr. para patahimikin ang mga manunulat na tumitindig laban sa kanilang pamamasista.
Hirap ang Bulatlat na isulong at patakbuhin ang kanilang website na pinipigilan mabuksan alinsunod sa utos ng NTC noong ika-8 ng Hunyo 2022 kahit na ipinagkaloob ng isang korte sa Quezon City ang kahilingan ng Bulatlat na itigil ang pagharang ng NTC sa kanila. AniAssociate Justice Dolly Rose R. Bolante-Prado ukol sa isyu, “there is violation or curtailment of plaintiff’s right to free speech and of the press when its publisher’s and readers’ access to its website was limited.”
Nauulit nga ba ang kasaysayan o sadyang inuulit ng mga makapangyarihan?
Parehong Pilipinas, bagong mukha
Hindi babalik sa dati ang Pilipinas ngayong isang Marcos na naman ang nakaupo dahil hindi naman ito nagbago.
Sa ulat ng Martial Law Museum, sa bawat 10 na pamilya ay anim ang salat pagkatapos ng rehimeng Marcos Sr. Ang kita naman ng mga manggagawang agrikultural ay malubhang bumaba, pareho sa kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa sa kalunsuran. Sa panghuling dekada ng batas militar ay naging triple ang presyo ng mga kalakal mula P100 noong 1978 naging P350 pagdating ng 1986. Ngayon naman, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pati na ang langis. Ang pinaka apektado rito ay ang mga Pilipinong manggagawa pati na ang mga magsasaka. Kitang kita na lalong humihirap ang mga mahihirap, at patuloy na nagpapayaman ang mga mayayaman. Ginto lamang ang parehong rehimen ng mga Marcos para sa kanila at sa kanilang mga kaalyado. Hinding hindi naging “ginto” o maayos ang lagay ng buong bansa bagkus pinataba lang nila ang kanilang kaban at kinitil ang taumbayan.
Sa paghahalintulad na ito, maliit na porsyento lamang ang nailarawang kasalanan ng mga Marcos na nagawa nila at maaaring magagawa palang nila. May kapangyarihan silang gamitin ang mga koneksyon kasama ng mga kapitalisang negosyante at politiko upang siguraduhing sila-sila pa rin ang aani at makikinabang sa tyagang itinanim ng mga magsasaka, mangingisda, at manggagawang Pilipino.
Ang mga Marcos, bilang mga mandarambong ng kaban ng bayan at pahirap sa masa, ay parte ng mga naghaharing-uri ng bansa; kung tatalakayin ang paksang class interest, ang itataguyod na kapakanan ng mga nasa tuktok ng lipunan ay ang interes lang din nila. Kaya natin nakikita na ang mga polisiyang sinusulong ng administrasyong Marcos Jr. ay, kung susuriin, kapaki-pakinabang sa iilan lamang at hindi sa malaking porsyento ng populasyon. Katulad ng pagkait sa mga magsasaka ng lupang sinasaka nila. (BASAHIN: 93 pesante, food security advocates, iligal na inaresto sa Tarlac)
Sa madaling salita, nagbabago lamang ang umuupo sa tuktok pero hindi ang bulok na sistema ng bansa. Ang pamamalakad ay nananatili pa rin sa kamay ng mga imperyalista, kapitalista, at pasista; hinding hindi para sa mga Pilipino. Ang mga may kapangyarihan ay patuloy na naninigurado sa kanilang pananatili sa itaas. Hindi kailanman naging prayoridad ni Marcos Sr. at magiging prayoridad ni Marcos Jr. at ng kanilang administrasyon ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino. Ang tradisyon na ipinasa at pinalagom ni Marcos Sr. sa kaniyang pamilya ay tradisyon ng pagsisinungaling sa Pilipinas at pagkapit-bisig sa naghaharing-uri. [P]
0 comments on “Marcos noon, Marcos ulit ngayon: Ang pag-uulit ng kasaysayan ng mga makapangyarihan”