Opinion

Bilanggong kaisipan, palayain!

Mga salita ni Aira Angela Domingo

Minsang sinabi ni Renato Constantino sa kanyang akademikong papel na Ang Lisyang Edukasyon ng mga Pilipino na “ang pinakamabisang paraan ng paglupig sa isang bansa ay ang pagbihag sa kaisipan nito”. Sa papel na ito ay tinalakay niya kung paanong sinakop ng mga Amerikano ang ating bansa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng kanluraning edukasyon sa isip ng mga katutubo. 

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagkulong sa kaisipan ng mga Pilipino nang i-redtag ng ilang mga hosts ng Sonshine Media Network International (SMNI) at ng ilang mga komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ilang mga aklat at awtor dahil sa ‘di umanong pagiging subersibo at kontra-gobyerno ng mga nilalaman nito.  

Bayan ko, binihag ka

Sa isang memorandum na ibinaba ng mga komisyoner ng KWF na sina Carmelita  Abdurahman and Benjamin Mendillo Jr. noong Agosto 9, 2022, ipinag-utos nito sa mga paaralan, silid-aklatan at Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ang pagpapatigil ng mga piling aklat na naglalaman ng “politikal, subersibo at malikhaing akdang may subliminal na ideyolohiyang nanghihimok at/o nakapag-uudyok na labanan ang pamahalaan…”.  

Ang listahan ng mga librong ipinapatigil ay ang mga sumusunod: Teatro Politikal Dos ni Malou Jacob, Kalatas: Mga Kuwentong Bayan At Kuwentong Buhay ni Rommel B. Rodriguez, Tawid-Diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979 ni Dexter Cayanes, May Hadlang ang Umaga ni Don Pagusara, at Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro ni Ruel M. Agila. 

Kasabay ng paglabas ng memo mula sa KWF ay ang pangre-redtag ng tatlong mga hosts ng SMNI sa kanilang segment na laban kasama ang bayan, isa rito ay ang dating spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Lorraine Badoy. Ayon sa kanila, ang mga piling aklat na nakasaad sa memo ay mayroong reference materials at attributions na nagmula sa CPP-NPA-NDF kagaya nina Amado Guerrero, Joma Sison, Juliet de Lima Sison, Alice Guillermo at ang national artist na si Bienvenido Lumbera. 

Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak

Hindi na nakakagulat ang censorship na ginagawa sa ilang mga aklat at mga awtor dahil nitong taon lang din ay ni-redtag ang Adarna House nang mag-anunsyo itong magkakaroon ng book bundle sale sa mga librong may kinalaman sa Martial Law. Matatandaan din na noong panahon ng Espanyol ay nakaranas din ng matinding censorship ang mga likha ni Dr. Jose Rizal dahil sa anti-kleriko at kontra-gobyerno nitong nilalaman.  Bagamat hindi na bago ang ganitong pag-atake, nakakabahala pa rin dahil ipinagkakait nito ang karapatan ng publiko sa malaya at kritikal na pag-iisip ukol sa kanyang lipunan. 

Maitatanong kung ano ba ang basehan ng gobyerno para tatakang subersibo ang isang akda. Kung babalikan ang kasaysayan, ipinatupad ni dating pangulong Carlos Garcia ang Republic Act No. 1700 o ang Anti-Subversion Act. Sa ilalim ng batas na ito, idineklarang iligal at subersibo ang Communist Party of the Philippines (CPP). Ayon sa dating batas, kahit maituturing na isang pulitikal na partido ang CPP, isa raw itong conspiracy para pabagsakin ang pamahalaan ng bansa. Matatagpuan din sa Presidential Decree No. 1834 ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang salitang sedition. Ipinapahayag ng batas na ito na “any person or persons who shall utter seditious words or speeches, write, publish, or circulate scurrilous libels against the Government of the Philippines”. 

Mapapansing ikinakabit ng gobyerno ang salitang subersibo sa ideya ng komunismo at sa anumang gawaing may mariing pagtutol sa pamahalaan. Ang mga ganitong uri ng batas ay salungat sa konstitusyonal na karapatan natin bilang malayang mamamayan. Ayon sa Article 2, Section 4 ng konstitusyon noong 1987, “no law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” 

Litaw na litaw mula sa mga nasabing batas na takot ang gobyerno na makalampag ng mga kritikal na kaisipan. Kaya’t dinadamitang “subersibo” ang mga akdang nangangahas na obhektibong suriin ang kalagayan ng bayan. Subalit sa isang lipunang puspos ng mga dambuhalang bulok na sistema, hindi kailanman maituturing na subersibo ang mga akdang nagpapahayag lamang ng katotohanan. Lalong hindi subersibo kung matutuklasan ng malayang kaisipan ng masa na ang mga pagdurusang nararanasan nila ay nagmula sa mga mapang-abusong mga taong hawak sa leeg ang lipunan.

Bilang isang mamamayan, mayroon akong mga sawing karanasan kasama ang lipunang aking ginagalawan. Mula sa mga kasawiang ito ay lumilitaw ang napakaraming tanong. Halimbawa nito ay bakit mas nakakaangat sa lipunan ang mga kalalakihan? Kasalanan ba talaga ng kababaihan kung bakit kami nababastos?

Napakaraming pananaw ang ihahain sa atin ng mundo subalit malinaw ko lang na naunawaan ang ugat ng suliraning ito nang pag-usapan na ang kasaysayan. Personal kong nakadaupang-palad ang mga sulatin ni Alice Guillermo nang ibahagi sa’kin ng aking kaibigan ang isa sa kanyang mga libro na The Covert Presence. Dito ay tinalakay niya ang pyudalismo at patriyarkal na sistemang itinanim sa atin noong panahon ng Espanyol. Ipinaliwanag niya ang sosyo-ekonomiko at kultural na aspeto kung paanong ginamit na instrumento ang opresyon ng kababaihan upang masigurado ang pananakop sa bansa. 

Ang daantaong hindi pagkakapantay-pantay sa kasarian ay isang uri pala ng pang-aalipin. May dahilan pala kung bakit mas maraming pribilehiyo ang kalalakihan kumpara sa kababaihan at sa LGBTQIA+. Hindi pala batay sa suot ang dahilan kung bakit nababastos dahil ito lamang ang itinatag na kaugalian sa atin ng mga mananakop. 

 Lahat tayo ay may pinagsasaluhang hindi makatarungang karanasan kaya’t karapatan din nating magkaroon ng maraming tanong. Bakit napakataas ng presyo ng gasolina at bilihin? Bakit mahirap pa rin kami kahit dose oras nagtatrabaho ang mga magulang ko? Lahat ng mga tanong na ito ay may karapatang masagot ng iba’t ibang ideyolohiya. May karapatan at tungkulin tayong sumipat ng malawak na kaisipan, ito ma’y matatagpuan sa aklat o sa labas nito, dahil hindi pwedeng habambuhay tayong bilanggo sa hindi makatuwirang lipunan.

Aking adhika, makita kang sakdal laya

Isang uri ng brutal na pasipikasyon ang sinusubukang ipatupad sa atin ng kasalukuyang sistema kung saan tinatangka nitong lumikha ng mga mamamayang tagasunod lamang ng kung anumang pamumuno ang kanilang ipatupad. Nagtatago ito sa mapanlinlang na mga batas at “disiplina” na kung walang sasalungat sa pamahalaan ay magiging maunlad ang bansa. Kabalintunaan nito ang katotohanan dahil walang paglago sa isang lipunang hindi alam kung paano humarap sa mga kontradiksyon. Sa oras na ito ay ituring na normal sa sistema, dinudungisan nito ang demokratiko nating mga karapatan para maging malaya at mapagpalaya ang ating kaisipan. 

Malinaw na ang mga akda ay hindi subersibo kundi paggiit ng ating kalayaan mula sa mapanupil na sistema. Marami nang tumutol na organisasyon at nagpahayag ng kanilang pagkundena sa censorship sa mga nakasaad na aklat at awtor sa memo. Naninindigan ako kasama nila upang kolektibong ingatan at ipaglaban ang akademikong kalayaan, malayang pamamahayag at mapagpalayang kaisipan. 

Sa kantang Bayan Ko, inilarawan ang ating bansa bilang mayaman na lupain subalit ikinulong at ngayo’y tumatangis ng kalayaan. Tunay na binihag tayo ng Espanyol, Amerikano, at Hapones subalit bilanggo pa rin ang ating kaisipan hanggang ngayon. Hindi dahil mayroon tayong krimen kundi dahil pilit tayong ikinukulong ng sistema. Mapanganib kung patuloy na mabibihag ang ating kaisipan, kaya’t patuloy natin itong ipaglaban. [P]

0 comments on “Bilanggong kaisipan, palayain!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: