Mga salita ni Ali Pine
Marahil ay kung tatanawin ang kasalukuyan mong estado, bukod sa ating pamilya at mga mahal sa buhay, babalikan ng iyong alaala ang mga aral na naituro ng iyong mga naging guro. Mapapangiti at aalalahanin ang mga panahong mangmang pa sa mundo at ang tapik nilang sadiyang nakapanglalakas ng loob. Ika nga ay mga panday ng kaalaman, mga saklay na umaalalay, at mga pusong handang yumakap mapa-espesyal man ang kalagayan.
Ganiyan kung ituring ng nakararami ang mga Gurong Pilipino.
Kilala ang propesyong ito bilang pundasyon ng ano mang propesyon sa bansa. Subalit lingid sa ating kaalaman, hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala ang mga gurong pinipiling magtawid ng mga batang may espesyal na kondisyon. Bukod sa mapanghusgang mundong ating ginagalawan sa ngayon, may mas mabigat pang problemang kinahaharap ngayon ang mga gurong may espesyal ding puso sa pagtuturo. Mga gurong tila nagsisilbing saklay sa mga batang pilit inaagawan ng mga karapatan at pag-uri ng magulong mundo, mga matang mapanghusga, at ng gobyerno.
Isa na nga marahil sa mga gurong ito si Ginang Rhea Barboza, kasalukuyang guro at District Coordinator ng Special Education Program (SPED) sa Los Banos National High School- Poblacion (LBNHS- Polacion) na nag-iisang high school sa Los Banos na mayroong transition program para sa mga learners with disabilities.
Espesyal na puso sa pagtuturo
Bilang isang gurong 16 taon na sa serbisyo, ang puso ni Ginang Barboza sa pagtuturo ang patuloy niyang pinanghahawakan upang makapagbigay serbisyo sa mga mag-aaral na Pilipino. Higit sa lahat ay ang mga mahal niyang estudyanteng may espesyal na kondisyon na para sa kaniya ay hindi dapat ituring na kaiba sa mga regular na estudyante.
Bago pa man siya maging isang guro sa SPED, naging isang regular na guro muna siya na nagtuturo ng Math and Computer sa anim na taon niya sa pampribadong paaralan at Technology and Livelihood Education (TLE) naman simula nang pumasok siya sa public school, sampong taon na ang nakaraaan at sa loob nito ay walong taon naman siyang guro ng special education simula taong 2014.
Isa sa mga problemang kinahaharap niya sa ngayon at ng iba pang guro ng special education sa bansa ay ang kakulangan ng mga trained teachers an siyang aalalay sa mga estudyante dahil patuloy na dumarami ang bilang nito ngunit tila hindi nadaragdagan ang mga guro sa nasabing sangay. Bilang isang special education teacher, bukod pa ang kakayanan nilang magturo bilang isang regular na guro. Ani Ginang Barboza, “Kami ay kaya naming mag-handle ng regular but not all regular teachers ay kayang maghandle ng learners with disabilities kasi kailangan mo ng training dahil kung hindi tama ang paghandle mo sa bata, hindi magiging maganda ang kaniyang education experience.”
Kung kaya’t malaking bahagdan ng kanilang mga kinahaharap na suliranin ngayon ay ang malaking pagkakalayo ng bilang ng mga mag-aaral na may espesyal na kondisyon sa mga gurong trained at kayang humawak sa kanila. 15:1 (15 is to 1) ratio ayon sa DepEd Order No. 77 s. 2010 hangga’t maaari ang dapat sundin sa setting ng mga guro at mag-aaral sa special education habang 25:1 (25 is to 1) naman sa mga regular na setting.
Subalit sa noon pa mang kalagayan ni Ginang Barboza ay halos doble o triple ang nadadagdag na bilang sa dapat sana ay 15 na mag-aaral lamang dahil wala rin sa puso at pagmamahal niya sa pagturo ang pagtanggi sa mga estudyante. Kasalukuyan siya ngayong may hinahawakang 52 na mga mag-aaral na may espesyal na kondisyon kasama ang isa pang guro. Ngunit hindi pa ito full time na nakapagtuturo sa SPED dahil kinakailangan pa rin nitong magturo sa regular.
Pinalala pa ito noong pumutok ang pandemiya dahil nakarehistro na sa mga utak ng kaniyang mga estudyante na ang pag-aaral ay sa loob ng eskwelahan lamang. Lahat ng routines at structure ng classroom setting na kaniyang naituro sa mga bata ay naapektuhan dahil sa biglaang paghinto at tila pagtigil ng mundo para sa ilang mag-aaral. Taliwas pa rito ang hirap ng online class na hindi hawak ng mga guro kung ano lamang ang kaya at mayroon ang kanilang mga estudyante kung kaya’t naging suliranin niya ang pagbibigay ng modules para sa kanila kung saan nakadepende sa learning needs ng bawat bata.
“ Kahit marami kaming challenges na kinakaharap, we try as much as possible to provide what our learners need dahil siyempre ito yung sinumpaan naming tungkulin na kahit mahirap, basta masaya ka sa iyong ginagawa ay you will try to find means and ways para maka-survive o makasubok,” saad pa niya.
Ngayong unti-unti nang bumabalik sa face-to-face setup ang bawat mag-aaral, nangangailangan ng mas tutok na pagkalinga ang bawat isa dahil sa napinding pisikal na interaksyong kanilang kinasanayan. Magkakaiba man ang kondisyon at learning needs ng kaniyang mga anak-anakan, puspusan niyang pinagsusumikapang gawing iisa ang uri ng kanilang learning experience, isang puno ng espesyal na pagmamahal.
Sapilitang pag-agaw sa saklay
Noong ika-11 ng Marso, taong kasalukuyan, pinirmahan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang Republlic Act (RA) 11650 o tinatawag na “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act” na naglalayong sa mga pampublikong paaralan na tukuyin ang mga learners wth special needs upang mabigyan sila ng free and quality education. Kaugnay nito ay ang mandato sa bawat munisipalidad at mga siyudad na magtayo ng kahit isa man lang na Inclusive Learning Resource Center (ILRC).
“The DepEd [Department of Education] shall be the lead agency in the implementation of this Act and shall ensure that learners with disabilities are guaranteed their right of access to free public early and basic education services,” ayon sa pagkakalapat ng mga salita sa batas.
Kamakailan ay ipinahayag ng Department of Education (DepEd) kung bakit walang nakalaang budget para sa Special Education Program (SPED) para sa susunod na alokasyon ng national budget dahil hindi raw naiksondera ang proposed P532 millon budget sa National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2023 sa ilalim ng Department of Budget and Management (DBM).
“Despite our earnest efforts to advocate for learners with special needs, it was not considered in the National Expenditure Program,” pahayag ng DepEd.
Ayon naman sa DBM ay walang sapat na mga dokyumento na nagsasaad ng mga tiyak na pangangailangan, kompyutasyon ng mga data, parameters, at maging layunin nito. Bwelta pa ng ahensiya na hindi nagbigay ng komprehensibong report ang DepEd sa kung ano ang kalagayan sa ngayon ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRC) na kasama sa budget para sa Fiscal Year 2021 at 2022 General Appropriations Act (GAA).
Kaugnay nito, nananatiling ang DepEd ang siyang may pinakamalaking budget cut sa proposed P5.268 trillon GAA para sa Fiscal Year 2023. Tumaas nang 8.2% ang proposed budget na P852 billon para sa susunod na taon kumpara sa P788.5 billon budget ng DepEd ngayong 2022. Sa parehong taon ng 2022 rin nagkaroon ng pagtaas sa budget ng SPED mula sa halagang P297 millon ay naging P560 millon ito ngunit tila kakikitaan pa rin na hindi ito prayoridad ng gobyerno.
Pahayag ni Ginang Barboza, sila ay lubos na nalungkot na walang nakalaang budget para sa susunod na taon at hindi rin naging maayos ang pagpapatupad ng RA 11650 dahil sa kakulangan ng alokasyon ng budget para sa kanila.
“Ang pagkakaroon ng ILRC ay napakagandang hakbang tungo sa inclusive education. Ngunit sa kasamaang palad, hindi naman siya naipatutupad sa mga munisipalidad. Ang alam ko lang na may ILRC dito sa Laguna ay sa Cabuyao pa lang. Mayroong sariling building doon ang mga SPED. May iba’t ibang rooms para sa mga bata,” aniya.
“Maganda talaga siya ngunit kailangan nito ng pondo kasi gagawin mo siyang lugar kung saan mahahasa ng mga bata ang kanilang mga skills at dapat ito ay maraming resources. Malaking problema kasi ay ‘yung kakulangan ng pondo para makapagpagawa ka ng mga pasilidad kagaya nito. Paano ka makakagawa ng ganoon kung ang mga classroom nga kulang eh, walang canteen, walang faculty room. So how will you have an ILRC na inclusive if you do not address other needs like shortage ng classroom?” sunod niyang pahayag.
Giit pa niya ay isa pa sa mga pinagkakagastusan ng mga guro ng special education gamit ang SPED fund ay ang mga educational assessment, psychological test, at IQ test. Kung saan ito ay ang mga tinatawag na standardized test na ibinibigay sa mga bata para makita kung sila ba ay umuusad. Dahil ayon sa kaniya ay iba ang educational approach at intervention na kanilang ginagawa dahil kung sakaling hindi tugma ang pagtuturo, sa pamamagitan ng assessment malalaman kung hindi ba tugma ang kanilang mga itinuturo sa educational needs ng mga batang kanilang tinuturuan.
“Paano natin maisasakatuparan ang education for all kung mayroong sektor na hindi mo bibigyan ng pondo?” dagdag pa niya.
Kaugnay nito ay ipinahayag ni Vice President Sara Duterte at ngayong nakaupo bilang DepEd Secretary na masosolusyonan daw ng ahensiya ang mga isyu ng edukasyon sa bansa sa loob ng anim na taon kung madaragdagan ng P100 billion extra budget ang kasalukuyang P710 billion budget ng DepEd sa ilalim ng NEP.
“We talked to the President and told him that, ‘if you give me 100 billion, I will solve all the problems of basic education.’ And that is what I want to reiterate as well, to Congress and the House of Representatives, if you give me, give us, the people here sitting in front of you, P100 billion, we will be able to solve the problem in six years,” ani Duterte noong House budget deliberations nitong ika-14 ng Setyembre.
Ngunit magpasahanggang ngayon ay wala pa ring ibinababang konkretong plano para sa sektor ng edukasyon maliban sa pagpapatuloy ng Basic Education Development Plan (BEDP) 2030 na programa rin ng nakalipas na administrasyon kung saan makikitang tila walang pagbabago at pag-angat sa estado ngayon ng edukasyon sa bansa sa likod ng mga nagdaang pamumuno. Ito rin ang kauna-unahang ibinabang plano ng DepEd bilang isang long-term na resolusyon sa matinding problema sa sektor ng edukasyon.
Isa na marahil sa mga problemang ito ay ang kakulangan sa mga silid-aralan at ang unti-unti ngayong paglipat at pagbabalik ng face-to-face classes. Sa likod ng mga suliraning ito at kung papaano ito pinalala ng pandemiya ay isang tagumpay kung ituring ni VP Duterte ang pagbubukas ng ngayong taong panuruan kahit pa man hikahos ang mga guro sa maagang pagbubukas nito.
“Kung sa regular ay kulang sila, what more pa sa amin. Sa school ko kasi ay swerte pa ako dahil nabibigyan pa ako ng classroom, marami sa aking mga kasamahan ay kung saan-saan lamang sila nilalagay. Uunahin muna ang mga regular na mabigyan ng classroom, kumbaga kung may corner doon na hindi nagagamit ay doon na lang ang SPED,” ani Ginang Barboza sa sitwasyon ng kakulangan ng mga silid-aralan.
Ang nagsisilbing temporaryong saklay
Ayon kay Ginang Barboza, maihahalintulad ang special education sa isang taong pilay o isang musmos na batang may kapansanan kung saan nangangailangan sila ng saklay upang makatayo at makarating sa kanilang nais paroonan. Masasabing ang saklay na iyon ay ang pondo na siyang kasalukuyang ipinagkakait ng mga namumuno. Upang makatayo ang pilay, kailangan niya ng saklay na siyang makatutulong sa kaniya upang magpatuloy sa buhay.
“Sa pagkawala ng budget sa SPED, nagmistulang inagawan ng gobyerno ng saklay ang pilay. Paano siya makakatayo at makakarating sa nais niyang puntahan? Maaari siyang gumapang, puwede naman siyang gumapang ngunit mas mahirap iyon at mas matagal makararating sa kaniyang paroroonan. Ganiyan yung nakikita ko sa sitwasyon ng aking mga mag-aaral na labis kong ikinalulungkot talaga,” saad niya.
Noon pa man aniya ay naging madiskarte na siya sa kung papaano makapaghahatid serbisyo para sa mga mag-aaral na Pilipino sa kabila ng maliit na sweldo at mga benepisyong kanilang natatanggap bilang isang guro. Na tila kahit ano pa mang ibinababang polisiya ay hindi malulutas ang mga suliranin kung puro naggagandahang mga salita na lamang ang pinapanakip-butas sa matagal nang malalang sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
“Kaya kaming mga guro, kailangan na namang maging resourceful. Kumbaga anong gagawin ko ngayon? Maghahanap ba ako ng kahoy o magtatabas ba ako ng kahoy? Tapos iyon ang ibibigay ko sa estudyante ko na pansamatala niyang maging saklay para hindi naman siya nakalugmok lang sa sahig at hinihintay na may magbigay ng saklay sa kaniya. That’s how I picture the current situation is,” dagdag pa niya.
Matatandaan ding may nakalaang P500 millon confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP) at P150 millon confidential funds naman sa DepEd na parehong hawak ni VP Duterte. Ayon sa kaniya, ang mga pondong ito ay gagamiting bukod ng dalawang ahensiyang kaniyang hawak para sa hanggang ngayon ay hindi malinaw na mga paglalaanan nito.
“Medyo nalulungkot ako na there are funds, may available funds pala na puwede mong i-allot sa iba pero di mo pa sinasabi kung saan mo siya gagastusin, parang ganoon kasi yung dating sakin. Ganoon yung confidential funds pero I am not in the position to ask questions dahil sino ba naman ako para magsabi sa isa sa mga nakatataas sa akin. So for me, it’s enough na I have aired my voice na hindi naman ‘yon para sa akin kundi para sa mga bata. Kasi estudyante rin sila,” pahayag ni Ginang Barboza ukol sa kawalan ng budget para sa SPED ngunit may confidential funds na nakalaan sa ahensiya.
Bukod pa rito ay ang matagal nang mga panawagan at protesta ng hanay ng mga gurong Pilipino ukol sa mababang sweldo at kakarampot na mga benepisyong hindi makatao kung susumahin ang serbisyong inaalay lingid pa sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.
Ipinahayag din ni Ginang Barboza na sa pagkakatanggal ng budget, hindi niya na rin alam kung papaano pa niya mapa-pa-assess ang kaniyang mga anak-anakan dahil educational assessment lamang ang serbisyong sakop niya. Dahil aniya ay wala silang nakukuhang libreng medical assessment kung hindi sa Philippine General Hospital (PGH) lamang. Kung saan nahihirapan din silang sabihin sa mga magulang ng mga bata na bumyahe pa roon upang madala sa libreng hospital ang bata.
“Paano ko mapa-pa-assess ang aking mga learners, kasi iyon ang pinakamahalagang paraan para mataya ko kung ano ba talaga ang development at kailangan nila. Dahil wala ngang pondo, malamang sa mga magulang na ang shoulder non o hindi naman kaya ay tutulungan namin silang maghanap ng sponsor. Hindi ko kayang i-shoulder dahil kaming mga teacher ay pamilyadong tao rin, we could only do so much,” malungkot niyang pahayag.
“Bawat bata kasi ay mayroon tayong tinatawag na IEP o Individualized Education Plan na kung saan ang mga miyembro noon ay karaniwang allied medical professionals like speech therapies, mga doctors na nangangalaga sa kanila bukod pa doon ang parents, school principal, at guidance counselor. Kaya ang pagtuturo ng SPED ay hindi siya iyong ordinaryo lamang. Kailangan ay mayroong collaboration na nagtutulong-tulungan upang maging maganda iyong education excperience ng mga bata,” paliwanag pa niya.
Ibinahagi rin niya na bukod sa mga ito ay ginagamit din nila ang SPED funds para sa mga modules na nakadepende sa learning needs ng bawat isang bata at kanilang mga laruan at kagamitan kung saan palaging kapos sa bulsa dahil sa kakulangan nito. Aniya ay noong nagsisimula pa lamang siyang magturo ay educational toys pa ng kaniyang mga anak na pinaglumaan at mga lumang furnitures sa bahay ang kaniyang dinadala sa paaralan dahil literal na nagsimula siyang walang gamit na nakalaan.
Tila maging sila ay napipilayan na rin sa pagkawala at hindi maayos na alokasyon ng SPED budget dahil ang mga module na kanilang ipinamamahagi ay isang gamitan lamang dahil dito mismo nagsasagot ang kaniyang mga estudyante, kumpara sa mga module ng regular na puwede pang ipamigay para sa mga susunod na mag-aaral.
“Parang kami ay mapipilayan at napapaisip kami. Parang kami ulit mga teachers ang gagawa ng paraan para lang maitulay ang pag-aaral ng aming mga estudyante,” saad niya.
“Salamat, Maestro at Maestra”
Sa ngayong selebrasyon ng Buwan ng mga Guro na may temang “Gurong Pilipino, Dangal ng Sambayanang Pilipino,” isang taos pusong pagpupugay para sa mga gurong patuloy na inilalaan ang mga puso para sa propesyong kanilang sinuong na higit pa sa kanilang mga sinumpaang tungkulin ang sakop nito.
“Ako bilang isang guro na taos pusong naglilingkod para sa mga mag-aaral na Pilipino, nais kong iparating sa ating Pangulo at Pangalawang Pangulo na nawa’y bigyang pansin ang aming mga pangangailangan at huwag iiwan ang sektor ng special education. Sila kasi ay mga mamamayang Pilipino rin,” panawagan ni Ginang Barboza.
Dagdag pa niya ay hindi nararapat na isipin agad na kawawa ang kaniyang mga estudyante. Nangangailangan lamang sila ng karagdagang pagkalinga at pagpapatibay ng loob upang kanilang maramdaman na hindi sila kaiba. Makikita natin hanggang sa ngayong tila hindi pa rin bukas ang pag-iisip ng iba sa mga Persons with Disability (PWD).
“We need to have more awareness na these people are also people and they are just like us na mayroon ding same aspirations in life. Isa sila sa mga sektor sa ating lipunan na puwede nating maipagmakaki, mabigyan lamang sila ng tamang pansin at tamang pagkakataon, ” pagbibigay-diin pa niya.
Kung kaya’t hinihikayat na palawigin ang pang-unawa at pagmamahal para sa bawat isa lalo higit para sa mga mag-aaral na may espesyal na kondisyon. Dahil bukod sa kanilang propesyon, maaaring maging kaagapay din ang lahat tungo sa isang inklusibong komunidad.
Sa hirap na dinaranas sa sitwasyon ngayon at sa bawat araw na inilalaang serbisyo ng mga guro upang humubog ng mga pagkatao, kaisipang mapagpalaya, at magsilbing saklay sa mga mag-aaral na tila inaagawan ng gobyerno ng mga karapatan at kakayahang pausbungin ang kanilang mga kaalaman, ang kanilang tiyaga ay sadiyang hindi matatawaran. Dahil hindi lamang sila isang guro kundi isang ina o ama, isang anak, at pamilyang tila isang masigasig na saklay na siyang gabay mo sa tuwing pakiramdam ay napipilayan sa buhay na iyong tatanawin kailanman.
0 comments on “Higit pa sa sinumpaang tungkulin”