Features

Nang Malunod ang Rosario

Mga salita ni Marl Ollave at Giancarlo Morrondoz

Tubig ay buhay, at ang aberya sa katubigan ay maaaring manlumos ng pangarap, kabuhayan at buhay ng mga mamamayang nakapaligid dito — gaya ng Rosario.

Sa kalayuan pa lamang ay tanaw na ang mga along humahampas sa mga kabahayang sinubok na ng panahon, gawa man ang karamihan sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy, kasing tibay naman nito ang kolektibong samahan at pagkakaisa ng mga mamamayan dito. Kahit na tirik na tirik ang araw ay hindi alintana ng mga mamalakaya ang init maibilad lang ang mga daing at maiayos lamang ang mga lambat na gagamitin sa paglalayag.

Kasing lalim ng karagatang pumapalibot sa Rosario, Cavite ang pangarap ng mga residente ng Brgy. Muzon II. Mithiin na maiahon mula sa pagkakalunod ang kanilang pamumuhay kung hindi lamang dahil sa mga polisiya at panlalamang na pilit na lumulunod sa kanilang pag-asa.

Kabilang ang Brgy. Muzon II sa iilang mga barangay sa Rosario ang nakatirik sa dalampasigan —  kung kaya’t pangunahing hanapbuhay dito ang pamamalakaya at pagdadaing na pangunahing pinagkukunang yaman ng komunidad dito. Ngunit ang noong masaganang pangingisda ay unti-unting tumutumal dahil sa mapagsamantalang hakbang ng industriyalisasyon.

Ayon kay Aries Soledad , residente ng Muzon II at provincial coordinator ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), sapat ang kita sa pagdadaing at sagana ang pangingisda noon bago nagkaroon ng dredging project —  produkto ng industriyalisasyon na naging balakid sa kanilang araw-araw ng pangingisda.

Ang dredging ay ang lantarang paghahalukay sa ilalim na bahagi ng  isang anyong tubig gaya ng dagat, ilog, lawa, at iba pa. Ang nakukuhang mga likas-yaman dito ay ipinagbibili sa mga malalaking kumpanya na ginagawang kasangkapan sa pagtayo ng mga imprastruktura. 

Sa malawakang banta ng industriyalisasyon, isa ang dredging sa nagsisilbing angkla ng mga mamamayan ng Muzon II. Hindi dahil tinutulungan silang umangat, bagkus ito ang lumulubog sa kanila – sa hanapbuhay, kalikasan, at kalusugan.

Lagay ng Alon

Higit pa sa banta ng dredging na tuluyang sumira ng kanilang pangunahing pangkabuhayan, maraming kadahilanan ang pilit inilulubog ang masa ng Muzon II. Mula sa panggigipit ng gobyerno at ilang personalidad, banta ng pagpapalayas, at kakulangan sa alternatibong pangkabuhayan, Ito ay ugat sa kawalan ng prayoridad ng pamahalaan sa laylayan at burkrata-kapitalismo.

Ayon kay Aries, matagal nang pinapalayas ng gobyerno ang mga mamamayan kapalit ng suhol na pabahay at kakarampot na salapi.  Naghihikahos man sa buhay, hindi magawang tanggapin ng mga residente ang lagay na naglalaro sa P10,000-20,000 dahil mas magiging malala umano ang kahihinatnan sa paglisan sa kanilang pangunahing pinagkukunan ng salapi. Aniya, lalo lang silang mapapalayo sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pamilihan, paaralan, at ospital na dagdag pasakit pa sa kanilang mabigat na suliranin.

Tila nakaangkla rin sa panahon ang swerte ng mga mamamayan dahil signo ng kamalasan ang dulot ng ulan sa kanila. Hindi makalayag ang mga mangingisda dahil sa banta ng panganib tuwing umuulan. Sa pagdadaing na lamang kumukuha ng alternatibong kita ang mga residente ngunit walang “dadaingin” kung walang isdang mahuhuli. Ang pagsugpo sa kakulangan ng alternatibong pangkabuhayan ang nakikita pa ring solusyon ng mga gaya ni Aries.

Bilang naninirahan sa tabing-dagat, hindi rin nawala ang banta ng land reclamation, panununog at pagpapaalis sa mga residente. Ayon sa mga residente, ang pangunahing salarin sa pagpapaalis sa kanila ay ang mga korporasyon gaya ng San Miguel Corporation, Bulacan Metropolis, at iba pang mga kumpanya na nangangasiwa sa pagpapatayo ng mga island resorts at opisina ng mga POGO.

(BASAHIN: Fisherfolk, residents protest potential loss of livelihood; DENR neglects calls to junk demolition move)

Upang makahanap ng mas mainam na huli ay lumalayo ang mga mangingisda sa nakagawiang mga ruta, ngunit sila rin ay sinasalubong ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabawal sa kanila lumabas dahil di umano’y “nakatakdang ruta” para sa kanila.

Kamakailan lamang ay pinagbantaan si Aries ng mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) at binalak pasukin ang pamamahay nito. Kilalang militante ang PAMALAKAYA sa pagsulong ng mga karapatan ng mangingisda. Sa panibagong kasong ito, tila dagdag ito sa mga aalalahanin ng mga mamamayang nagsusulong lamang ng kanilang mga karapatan. 

Pagtagas sa iba’t-ibang direksyon

Black sand talaga ang kinukuha nila dito sa Rosario pati sa Tanza at Naic kasi yun ang pinakamahal ibenta sa Bulacan Metropolitan Corporation.”  wika ni Aries. Habang kumikita ang mga korporasyon ay tuluyan namang napipinsala ang kabuhayan, kalikasan, at kalusugan ng mamamayan dito. Dagdag pa ng mga residente, tila wala itong konsultasyon sa mga naninirahan dito.

Ayon sa mga mangingisda, ang dredging project ang pangunahing dahilan ng kawalan ng huli at kabuhayan sa kanila dahil pineperwisyo nito ang palaisdaan at iba pang yamang-dagat. 

“Mahigit isang taon na kaming walang huli simula noong dumating ‘yung dredging na ‘yan.” 

Ang balakid na dulot ng dredging sa pangkabuhayan ay mauugat sa pinsala nito sa aspeto ng kalikasan at ecosystem ng palaisdaan. Ayon sa Environmental Bureau Management (EMB), ang mga dredging projects ay nag-iiwan ng mga kemikal at nagpapababa ng lebel ng oxygen sa katubigan na siyang pumapatay sa mga lamang-dagat gaya ng mga isda.

Ang makinarya ng mga dredging vessel ay hindi lamang pumipinsala ng natural na istruktura ng katubigan, bagkus ay nagdudulot din ito ng noise pollution na  nakakaistorbo sa mga isda at nakakahadlang sa kanilang pagdami. Ayon kay  Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng PAMALAKAYA, lumalayo ang mga isda tuwing mayroong paghalukay sa lupa dahil sa dulot nitong gambala.

Mistulang nilulunod ang mamamayan ng Rosario ng banta ng industriyalisasyon at land reclamation upang tuluyan nang hindi makaahon sa kanilang mas pinahihirap na estado dulot ng dredging.

Salarin ang mga reclamation project sa Cavite sa pagkakaroon ng mga dredging project. Ayon sa PAMALAKAYA, mahigit kumulang 26,000 na pamilya ang magiging biktima ng hindi makakalikasan at kontra-mahirap na epekto ng  mga napipintong dredging projects.

Ngunit hindi lamang palasak sa Rosario at bayan ng Cavite ang perwisyo ng mga land reclamation at dredging projects — sakop nito ang buong Pilipinas.

Matatandaang nagkaroon din ng dredging sa kontrobersyal na “Dolomite Beach” sa Maynila upang “pagandahin” ang nasabing baybayin. Hinaing din ng mga mangingisda sa Aparri, Cagayan ang  pagpapatupad ng Cagayan River Restoration Program. Iba man ang lugar ng panghahalukay, iisa ang nagiging resulta sa mamamayan — matumal na pangingisda at pagkamkam ng likas-yaman.

Huwad na salva-vida

Ang mga residente ng Muzon II ay isang malinaw na halimbawa ng pagwawalang-bahala ng gobyerno sa mga mangingisda na nagbibigay ng alternatibo, makamasa, at mas murang pagkain sa hapag.

Kung babalikan ang sinabi ni Marcos sa kaniyang nagdaang SONA, “pangarap” niya ang isang bansa na ‘wala ng gutom na Pilipino’. Mahigit 100 araw na ang nagdaan, wala pa ring konkretong plano kung paano pabubutihin ang lagay ng mga mangingisda sa bansa. 

Ang ating produksyon ng isda ay nakatuon sa ating local na konsumpsyon, kaya ang malubhang pagbaba ng produksyon ng isda ay direktang nakaaapekto sa mga mamimili at mangingisda. Ngayong January 2022, nag-import ang Pilipinas ng 60,000 MT ng galunggong, at noong 2020 pa umaasa ang Pilipinas sa importasyon ng isda. Nadagdagan ng 13.6 bilyon na dolyar ang importasyon natin kumpara sa huling taon.

Ang kawalan ng soberanya sa pagkain ay siya ring gumugutom sa mga mamamayan nito. Ngunit hindi rin magawang tangkilikin ng mga Pilipino ang sarili nating mga produkto kung ang produksyon nito ay nahahadlangan dulot ng pinsala sa katubigan gaya ng mga land reclamation at dredging.

Sa kabila ng banta ng pagpapalayas, hinaing ng mga mamamayan ay ang angkop na lilipatan at alternatibong pagkukunan ng pagkain ng kanilang mga pamilya. Hindi sapat ang mga pabahay, marapat din silang mabigyan ng tahanan na malapit sa mga pangangailangan at oportunidad sa trabaho upang makapagsimula muli.

Pinapalibutan ang Pilipinas ng dagat, karamihan sa mga Pilipino ang umaasa sa yamang-dagat ng Pilipinas upang mamuhay, kahit mga Pilipinong hindi nakatira sa tabing dagat ay nanginginabang rin sa likas yaman ng dagat. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang karaniwang Pilipino ay kumakain ng 98.6 grams ng isda o mga produkto galing sa isda kada araw. Sa kabila ang industriya ng pangingisda ay isa sa mga hindi nabibigyan ng sapat na suporta mula sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, hindi ang mga maiingay na makinarya ng industriyalismo ang totoong nagpapahirap at nanlulunod sa mamamayan ng Rosario, kung hindi ang burukrata kapitalismong polisiya na “Build, Build, Build” Program ng gobyerno.

Ang dredging project ay isa lamang armas ng industriyalisasyon sa pagpapahirap sa mga mangingisda at mga mamamayang nakatira sa tabing-dagat. Gaya ng iba’t-ibang epekto ng dredging sa ekonomiya, kalikasan, at kalusugan, sandamakmak din ang negatibong epekto ng hungkag na programa ng gobyerno upang isaayos ang imprastraktura ng buong bansa.

Hindi alintana ng pamahalaang Marcos-Duterte ang mga mamamayang lumulubog na sa hirap ng buhay, dahil mistulang ang mga dayuhan at mayayaman ang pilit pinapaangat kahit wala nang sapat na programa para sa mga marginalisado gaya ng mga mangingisda sa buong Pilipinas.

Higit 36,000 kilometro ang haba ng baybayin ng Pilipinas, ngunit sa kasalukuyang estado ng mga katubigan, kasinglawak din nito ang posibilidad na mababad ang buong bansa sa hirap at pang-aalipusta. 

Nalunod man ang Rosario sa kapabayaan ng pamahalaan, sabay-sabay na aahon ang mga mangingisda at mamamayan sa tulong ng kolektibong panawagan. Marapat lamang na sila ay bigyan ng suporta at palakasin ang kanilang tinig na matagal nang inilulubog. [P]

A freshman currently taking Bachelor of Science in Mathematics and Science Teaching at the University of the Philippines Los Baños.

0 comments on “Nang Malunod ang Rosario

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: