Mga salita ni Rainie Edz Dampitan
“Lupa, ayuda, at hustisya” ang mga panawagang patuloy na bitbit ngayong Buwan ng mga Pesante – ang unang komemorasyon nito sa ilalim ng tambalang Marcos-Duterte.
Sa mobilisasyong ikinasa noong ika-20 ng Oktubre, binatikos din ng mga organisasyon at indibidwal ang militarisasyon sa kanayunan at panghaharas sa hanay ng mga pesante. Sa halip na militarisasyon, panawagan ng mga magsasaka ang pamamahagi ng sapat na ayuda at pagkilala sa kanilang karapatan sa lupa, lalo na sa gitna ng matinding taas-presyo at kakapusan sa pagkain.
“The solution to food shortages is free land distribution to farmers, followed by aid such as P15k to recover from previous disasters and the pandemic, and supporting farmers by providing farming inputs such as tractors, fertilizers, and pesticides,” ani ng Tanggol Magsasaka-Timog Katagalugan (TM-TK).
(Ang solusyon sa kakapusan sa pagkain ay libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, kasabay ng tulong katulad ng P15k na ayuda para makaahon ang mga magsasaka mula sa mga nakalipas na kalamidad at sa pandemya, at pagsuporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitan katulad ng traktora, fertilizers, at mga pestisidyo.)
Sa gitna naman ng patuloy na panghaharas sa hanay ng mga pesante, nangako ang sektor na patuloy silang titindig upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
“Kung sa tingin ni Marcos [ay] magpapatakot ang mga Pilipino at mga magsasaka sa administrasyong ito, hindi makakapayag ang kabataan at mga magsasaka. Kokomprontahin natin sila, tama ba?” ani Kabataan Partylist 2nd Nominee Angelica Galimba.
Mga pesante sa gitna ng krisis
Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), kulang na kulang ang aksyon ng administrasyong Duterte sa pagresolba sa pandemya na malubhang nakaapekto sa mga pesante.
“Farmers, peasant women, agricultural workers, fisherfolk, and indigenous people are the primary victims of the lockdown’s risks, including loss of livelihood, bankruptcy, pennilessness, and distress. While the prices continuously hike, farmers are left with little to no money as they struggle to divide their small earnings to the farm inputs like seeds, fertilizers, pesticides, etc.,” pahayag ng KASAMA-TK.
(Mga magsasaka, babaeng pesante, manggagawa sa agrikultura, mangingisda, at mga katutubo ang mga pangunahing biktima ng lockdown, kabilang ang pagkawala ng hanapbuhay, pagkalugi, kawalan ng salapi, at pagkabahala. Habang patuloy na nagtataasan ang presyo, naiiwan ang mga magsasaka na may kakarampot na salapi habang naghihirap silang ibahagi ang maliit na kita sa mga pangangailangan sa pagsasaka katulad ng binhi, fertilizer, pestisidyo, at iba pa.)
Sa katunayan, sa nakaraang anim na taon o sa ilalim ng rehimeng Duterte, ang poverty incidence rate ng mga magsasaka at mangingisda na nasa 31.6% at 26.2% ay mas mataas sa national poverty incidence rate average na nasa 16.7%, ayon sa IBON Foundation. Ibig sabihin, mas mataas ang antas ng kahirapan para sa mga magsasaka at mangingisda kung ikukumpara sa average na antas ng kahirapan para sa buong bansa.
Nasa 328,000 na trabaho rin sa agrikultura ang average na nawawala taon-taon mula 2017 hanggang 2020, na patunay sa patuloy na lumalalang krisis sa sektor ng agrikultura ng bansa.
“Sa nakaraang anim na taon sa ilalim ng administrasyong Duterte ay walang kaginhawaang naranasan ang mga magsasaka. Nagpatuloy ang mga matatagal nang kaso sa lupa sa ahensya ng pamahalaan tulad ng DAR [Department of Agrarian Reform]. Lumala ang kahirapan at kagutuman sa palpak na pagharap sa panahon ng pandemya at walang ayuda sa magsasaka para muling makabangon mula sa nagdaang kalamidad,” pahayag ni Ka Orly Marcellana, rehiyonal na tagapag-ugnay ng Tanggol Magsasaka – Timog Katagalugan (TMTK).
Kaya naman sa ilalim ng bagong administrasyong Marcos, panawagan ng mga pesante ang pamamahagi ng P15K farm and fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Subalit ani Ka Orly, walang malinaw na plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para paunlarin ang agrikultura sa bansa, sa kabila ng pagtakda niya sa kanyang sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
“Malinaw na walang plano si BBM [Marcos Jr.] [kung] paano pauunlarin ang agrikultura, paano makakamit ang pangako niyang P20 kada kilo ng bigas, at paano matitiyak ang kasiguraduhan at katiyakan ng pagkain ng ating mga mamamayan,” ani Ka Orly.
Matatandaang isa sa mga plataporma ni Marcos Jr. noong siya ay tumatakbo pa lang sa pagka-presidente ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Gayunpaman, dapat isaisip na ang average farmgate price ng palay kada kilo ay nasa P17.85 noong Hulyo 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Matatandaang ipinangako ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pagbibigay ng farm inputs nang bultuhan sa mga magsasaka. Subalit ayon sa Altermidya, ang mga pahayag ay kulang sa konteksto, at hindi nilinaw ni Marcos Jr. kung saan kukunin ang pondo para rito.
Ilan pa sa mga nabanggit na plano ni Marcos Jr. sa kanyang nagdaang SONA ay ang pagbibigay ng isang taong moratorium sa land amortization at interest payments sa mga benepisyaryo ng lupa at pamamahagi ng mga agrikultural na lupain sa mga magsasaka.
Gayunpaman, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), habang maganda ang planong pagsuspinde sa mga bayarin ay maaaring kulang pa rin ang isang taong moratorium na ito. Nais din nilang linawin ng presidente ang plano nito ukol sa pamamahagi ng mga lupain sa mga magsasaka, sapagkat marami sa mga lupang kanilang sinasaka ay pagmamay-ari ng mga malalaking korporasyon at panginoong maylupa.
Dagdag ding pahirap para sa mga pesante ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin at materyales na kakailanganin nila sa pagtatanim at maging sa pangingisda.
“With the alarming series of oil price hikes, the livelihood of the fisherfolk are also deeply affected as their fishing vessels operate with fuel,” pahayag ng KASAMA-TK.
(Dulot ng nakaaalarmang serye ng taas-presyo ng langis, ang kabuhayan ng mga mangingisda ay malubhang naaapektuhan sapagkat ginagamit nila iyon sa pangingisda.)
Salamin ng dahas
Samantala, animo’y salamin ng rehimeng Duterte, patuloy pa rin ang mga insidente ng panghaharas at pagpatay sa mga pesante sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Noong ika-26 ng Hulyo, pinatay ng mga elemento ng 59th Infantry Battalion (IB) ang magsasakang si Maximino Digno sa Batangas (BASAHIN: Magsasakang si Maximino Digno, batang si Kyllene Casao, pinaslang sa militarisasyon sa Batangas).
“Itigil ang red-tagging at buwagin ang NTF-ELCAC [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] na naglalagay sa panganib ng buhay ng mga magsasaka na nananawagan lamang ng tulong at paglutas sa kanilang mga suliranin… at parusahan ang mga militar at pulis na sangkot sa mga kaso ng pagpatay at sapilitang pagpapasuko sa mga magsasaka,” giit ni Ka Orly nang tanungin ukol sa mga kaso ng panghaharas na patuloy na nararanasan ng mga pesante.
Dagdag pa niya, ang hindi pagkakaresolba ng malalaking kaso sa lupa ay ebidensyang nabigo ang nagdaang rehimen sa pagdinig ng daing nilang mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, noong araw ng mobilisasyon para sa Buwan ng mga Pesante, hinarang ng 201st Infantry Battalion (IB) at Philippine National Police (PNP) ang 11 magsasaka habang papunta sa DA para makipag-diyalogo sa mga opisyal ng ahensya. Apat na oras bago tuluyang pinalampas ng mga pwersa ng estado ang mga delegado.
Pamilyar ang mga ganitong insidente sa sektor ng mga pesante sapagkat madugong anim na taon ang naging marka ni Duterte sa mga magsasaka. Nariyan ang pagpaslang sa lider-pesanteng si Randy Echanis; pagpatay sa mag-asawang mangingisdang sina Chai at Ariel Evangelista noong Bloody Sunday massacre; pagkitil sa buhay ng dalawang sibilyang magsasakang sina Jorge Coronacion at Arnold Buri sa Quezon. Sa datos ng KMP, mahigit 300 pesante ang naging biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Mga panawagang bitbit
Patuloy ang panawagan ng mga pesante para sa pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at pagsuporta sa lokal na industriya ng pagsasaka. Kasabay naman ng kanilang mga hinaing ang panawagang ibasura ang Rice Tariffication Law (RTL) at itigil ang malawakang land use conversion.
Sa mobilisasyon sa Buwan ng mga Pesante, nanawagan din ang mga mobilisador sa gobyerno na sa halip na karahasan ay ituon ang pansin sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagsuporta sa lokal na industriya nito at pagpasa ng GARB.
Ang GARB ay isa sa mga panukalang batas na noon pa inihahain ng mga progresibong partylist sa Kongreso na layong makamit ang tunay na reporma sa lupa. Kasama sa mga probisyon nito ang libreng pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka at mangingisda, pagtanggal ng screening na nakahahadlang sa iba upang mabigyan ng lupain, at pagbabawal ng pagpapalit-gamit ng lupa. Layunin din nitong magbigay ng pinansyal na suporta sa mga pesante para sa kanilang kagamitan, pataasin ang kanilang kinikita, at pagpapaunlad ng lagay ng kanilang trabaho.
“We stand and actively campaign for the Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) which calls for the abolishment of the land monopoly between the landlords and giant local and foreign corporations and free distribution of the lands to our farmers,” pahayag ng KASAMA-TK.
(Tumitindig kami at aktibong nangangampanya para sa GARB na nananawagan para sa pagpapawalang-bisa ng monopolyo ng lupa sa pagitan ng mga panginoong maylupa at higanteng lokal at dayuhang korporasyon, at para sa libreng pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka.)
Kasabay rin nito ang panawagan sa pagbabasura sa RTL na isinabatas sa ilalim ni Duterte noong 2019 at binatikos ng mga magsasaka dahil sa mga probisyon nitong mas naglubog sa kanila sa kahirapan.
Dahil sa RTL, nalugi ang mga magsasaka ng P67.6 bilyon noong nakaraang tatlong taon. Bumaba rin ang halaga ng produksyon ng palay na mula P385 bilyon noong 2018 ay bumagsak sa P333 bilyon na lang pagsapit ng 2021.
Nagpatawag na si Marcos Jr. ng pagrerebyu sa RTL, subalit hindi pa malinaw kung babaguhin ang batas o tuluyan itong ibabasura.
Sa usaping ayuda at suportang pinansiyal ng gobyerno, ipinaliwanag niyang kailangan ng mga magsasaka ng makabagong makinarya, binhi, at iba pang kagamitan para sa pagtatanim.
Noong araw ng mobilisasyon, sa pangunguna ng KASAMA-TK, idinaing nila ang patuloy na pag-aangkat ng gobyerno ng mga sangkap gaya ng asukal, bawang, at bigas na lalong nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka na kumita.
Sa kabila ng mga suliranin, sinisi pa ni DA Undersecretary Domingo Panganiban ang mga magsasaka dahil sa pagkakaroon ng labis na suplay ng bawang at repolyo, na sinabing dapat ay magplano muna ang mga magsasaka upang maiwasan ang pagkakaroon ng labis na suplay ng mga produkto.
Binatikos ng mga magsasaka sa Batanes at Benguet ang panayam na ito ni Panganiban, sapagkat ayon sa kanila ay mahirap ang transportasyon ng mga produkto mula sa mga sakahan patungo sa trading posts, at wala namang natatanggap na subsidiya para sa langis ang mga magsasaka.
Ayon pa sa gobernador ng Batanes na si Marilou Cayco, ang sanhi ng labis na suplay ay ang patuloy na pag-aangkat ng bansa ng bawang na mas nakakapagpahirap na ibenta ang mga lokal na produkto ng mga magsasaka.
Samantala, patuloy ring nangangampanya ang Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) na ipamahagi sa mga magniniyog ang P105-bilyong coco levy funds. Ang pondong ito ay pwersahang kinolekta mula sa mga magsasaka noong rehimen ni Marcos Sr. para sa pagpapaunlad umano ng industriya ng niyog, ngunit napunta lang ang pondo para sa personal na interes ng pamilyang Marcos at kanilang mga kaalyado.
(MGA KAUGNAY NA BALITA: The land plunderer: Harrowing ghost of Danding Cojuangco; Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon)
Ngayong umupo bilang presidente at kalihim ng DA ang anak ng dating diktador, nababahala ang mga magsasaka na tuluyan nang hindi maibibigay sa kanila ang nasabing pondo.
“Ipamahagi sa mga magsasaka sa niyugan ang bilyong pondo ng Coco Levy sa pamamagitan ng mga proyektong pangsakahan, libreng [edukasyon at] scholarship sa anak ng mga magsasaka sa niyugan, at libreng gamot sa mga may karamdaman na magsasaka sa niyugan,” panawagan ni Ka Orly. [P]
Larawan mula sa KASAMA-TK / Facebook
0 comments on “‘Lupa, ayuda, hustisya’, panawagan ng mga pesante sa gitna ng taas-presyo, kakapusan sa pagkain”