Editorial

Militanteng paglaban para sa Malayang Pamamahayag!

Higit na 13 taon na ang nakalipas mula nang naganap ang Maguindanao massacre, isa sa mga pinakamadugong karahasang may relasyon sa eleksyon, at pinakakarumaldumal na karahasan laban sa mga mamamahayag. Tinatayang 58 na indibidwal ang pinaslang, kabilang ang 32 na mamamahayag. Sangkot ang pamilya Ampatuan, isa sa mga pinakamakapangyarihang angkan sa Mindanao, pati na ang kaalyado nito na si noo’y pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Bagamat may naibaba nang hatol ang korte laban sa 200 na sangkot sa kaso, bigo pa ring makamit ang hustisya at panagutin ang 80 pang mga pinaghihinalaang kabilang sa nasabing krimen

Sa pag-alala ng Maguindanao massacre ay kagyat ang pangangailangan para sa militanteng pakikibaka, upang ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag. Ang tunay na hustisya para sa mga biktima ay hindi lang dapat matapos sa paggunita ng kanilang kasawian, bagkus ay patuloy na igiit at palakasin ang panawagan para makamit ang tunay na hustisya, at pagtutol sa kultura ng impyunidad sa likod ng naturang insidente. Kaugnay nito, marapat ring ipagpatuloy natin ang pagdepensa sa kasalukuyang lagay ng malayang pamamahayag sa bansa. 

Sa kasalukuyang pulitikal na estado ng lipunan, mas pinalala ng nagdaaang rehimeng Duterte, at kasalukuyang pamahalaan nina Marcos at Duterte ang atake laban sa mga mamamahayag. Isa na rito ang Anti-Terrorism Law na ipinatupad sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ginawang instrumento ang batas upang bigyang lehitimasyon ang pananakot at intimidasyon sa mga indibidwal na nagtatanggol para sa katotohanan.Isa pa sa mga kasalukuyang panggigipit ng estado sa midya ay ang pagsasampa nito ng kasong libel sa kumpanya ng Rappler. Malinaw na ginagawang daluyan ang libel para atakihin ang mga mamamahayag. Dagdag pa rito ang hindi pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN na isa sa mga pangunahing pinagkukuhanan ng balita ng masang Pilipino. Mas tumitindi rin ang pagkatakot ng mga alternative media, mga maliliit na organisasyon at publikasyon na manindigan laban sa kabangisan ng pamahalaan dahil sa kultura ng pang-aabuso at impyunidad na nagpatuloy sa pagbabalik ng Marcos sa pamahalaan. 

Sa loob ng 100 araw na pamumuno ng anak ng diktador, dalawa na agad ang kinitil na mamamahayag. Ang isa sa mga kilalang kritikal na brodkaster at kolumnista na si Percy Lapid ay bigla na lamang ipinapatay nang magsimulang kumalat sa social media ang kaniyang programang pumupuna sa mga anomalya nina Duterte at Marcos Jr. Samantala, pinagsasaksak naman si Rey Blanco, isang radio anchor sa Negros Oriental. Lalong hindi rin nakatakas ang mga hindi gaanong kilalang mamamahayag sa pagmamalupit ni Marcos Jr. Binaril si Benharl Kahil, isang guro na madalas maglabas ng kaniyang mga kritisismo laban sa tambalang Marcos-Duterte sa pamamagitan ng editorial cartoon. Dagdag pa rito ang pambabastos at pananakot ng mga pulis sa mga mamamahayag kung saan nilulusob ang kanilang mga pribadong tahanan nang walang permiso, tulad na lamang ng nangyari kay GMA Reporter JP Soriano kung saan bigla na lamang siyang binisita ng mga taong nagpakilala bilang pulis kahit na hindi ito nakauniporme.

Ayon sa  Committee to Protect Journalists (CPJ), the Pilipinas ay isa pa rin sa mga pinakadelikadong bansa para sa mamamahayag na nasa ikapitong baitang sa buong mundo. Dalawmpu’t pitong mamamahayag ang pinatay noong 2021, na dalawampu’t isa dito ay pinatay dahil sa laman ng kanilang pinapahayag. Dalawampu’t dalawa ang pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte at nakapaloob rito ang labing tatalong pagpatay na hindi pa nareresolba. 

Sa ilalim ng huwad na pamahalaang Marcos, posible pang dumilim ang daang tatahakin ng mga mamamahayag sa susunod na anim na taon, gaya na lamang ng masamang kapalarang hinarap ng mga mamamahayag sa ilalim ng diktadurya ng kaniyang ama. Subalit, kasabay ng pagbabalik ng mga Marcos sa gobyerno ay ang pagpapatuloy ng pagdaluyong ng tapang sa mga alagad ng midya upang ipagtanggol ang katotohanan. Ang mga nabiktima sa Ampatuan massacre ay magsisilbing mitsa sa pag-alab ng panawagan ng midya na makamit ang malayang pamamahayag.

Ang tunay na malayang lipunan ay matatamasa lamang kung hindi ipinagkakait sa sambayanan ang katotohanan at kung hindi dinadahas ang mga mamamahayag. Lalo na ngayong patuloy ang manipulasyon sa sambayanang Pilipino, hindi na tayo dapat pumayag sa pamamasismo at impyunidad ng estado! Patuloy nating gunitain ang alaala ng mga biktima ng Ampatuan massacre sa pamamagitan ng paglaban para sa malaya at mapagpalayang pamamahayag. Lumahok sa paglaban para sa hustisya at katotohanan! [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Militanteng paglaban para sa Malayang Pamamahayag!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: