News News Feature Southern Tagalog

Araw ni Bonifacio, sinalubong ng pagtagumpay sa CBA ng unyon sa Laguna

Ilang araw bago ang pag-alala sa kaarawan ng Bayani ng Uring Anakpawis, tagumpay ang Technol Eight Philippines Workers Union sa pagkamit ng Collective Bargaining Agreement matapos ang ilang buwang paggiit ng kanilang karapatan.

Mga salita nina Robbie Alcibor at Alex Delis

Ilang araw bago ang pag-alala sa kaarawan ni Andres Bonifacio, Bayani ng Uring Anakpawis, nagkamit ng malaking tagumpay ang mga manggagawa at unyonista ng Timog Katagalugan.

Nitong ika-24 ng Nobyembre, sa tanggapan ng National Conciliation Mediation Board (NCMB) sa Calamba City, nakamit ng Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU) ang Collective Bargaining Agreement (CBA) na kanilang tatamasain sa loob ng dalawang taon.

Ito ay matapos ang walang humpay na paggiit ng kanilang karapatan sa porma ng paghingi ng dagdag sweldo at benepisyo, kasabay ng sunod-sunod na kilos-protesta at pagtindig sa kabila ng pambabarat at panghaharas sa kanilang unyon. 

Ilan sa napagkasunduan sa nasabing negosasyon ay ang pagbibigay ng dagdag sahod na P50 kada araw sa una at ikalawang taon; lump sum na aabot sa P30,000 mula sa pinagsamang P12,500 signing bonus at P17,500 retroactive pay; 124 araw na union leave sa unang taon at dagdag na 130 araw sa ikalawang taon; at marami pang iba.

Ayon sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), mapakikinabangan ng mga manggagawang saklaw ng Appropriate Bargaining Unit (ABU) ang lahat ng benepisyo at dagdag sahod na nakasaad sa CBA. 

Pagkilos ng TEPWU.
Larawan mula sa PAMANTIK-KMU.

Pakikibaka para sa karapatan

Matatandaang hindi naging madali ang naranasan ng mga unyonista bago makamit ang kanilang karapatan para sa CBA. Bago makamit ng unyon ang tagumpay, umabot ng ilang buwan ang pakikibaka dahil sa pambabarat ng kumpanya, maging ang panghaharas ng mga pwersa ng estado sa mga kasapi ng unyon.

Simula pa noong unang linggo ng Abril, naghain na ang unyon ng proposal sa kumpanya para sa nasabing CBA na kanilang isinusulong. Nakipagpulong din ang pamunuan ng TEPWU noong ika-22 ng Mayo upang pormal na simulan ang kauna-unahang pulong ng Ground Rules bago magsimula ang mismong negosasyon sa CBA.

Sa kabila ng mga preparasyong ito, naging mabagal umano ang pag-usad ng negosasyon, kasabay ng walang habas na panghaharas sa mga unyonista. 

Dahil dito, nagsagawa ang unyon ng isang piket-protesta noong ika-5 ng Hulyo kasabay ng pagdinig sa inihain nitong preventive mediation laban sa Technol Eight. Ang paghahain ng preventive mediation sa NCMB ay daan para magkaroon ng pormal na tagapamagitan ang negosasyon at mapigilan ang tuluyang paglala ng mga isyu at hindi pagkakasunduan ng dalawang panig.

“Nag-ugat ang isinampang preventive mediation dahil wala na sa kapasidad ang sugo ng kapitalistang Technol Eight para makapagdesisyon sa nagaganap na Collective Bargaining negotiation, binabarat ang usapin sa sahod at tila moratorium sa iba pang mga benepisyo,” pahayag ng Defend Technol Eight Workers Union.

Nagpatuloy ang negosasyon hanggang umabot sa ika-16 anim na beses ang pag-uusap at wala pa ring napagkakasunduan ang dalawang panig. Dahil dito, tuluyang nauwi sa deadlock o hindi pagkakasundo ang negosasyon sa CBA. Dagdag pa ng PAMANTIK-KMU, dulot ito ng “pagmamatigas” ng Technol Eight na isara sa P24 ang dagdag na sahod kada araw.

“Dahil mulat ang manggagawa sa kakayanan ng kapitalista at sa kanilang kagyat na pangangailangan, nilabanan nila ang pambabarat kung kaya’t nauwi sa deadlock [o hindi pagkakasundo] ang huling negosasyon sa plant level,” saad pa nila.

Ayon sa Defend Technol Eight Workers Union, napakalayo umano ng P24 na dagdag sahod na alok ng pamunuan ng Technol Eight sa hiling ng unyon na P120 upang makatugon sa pangangailangan ng mga manggagawa. Dagdag pa nila, hindi natapatan ng naturang alok ang P70 na dagdag sahod na ipinatupad ng Wage Board sa CALABARZON noong Hulyo. 

“Sa harap ng walang patid na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at konsumo, makatuwiran ang ating kahingian na P120 dagdag sa sahod,” ani ng Defend Technol Eight Workers Union.

Sa datos na inilabas ng Umento – Ugnayan ng Mga Manggagawa Para sa Dagdag Na Sahod Timog Katagalugan (TK), tinatayang P1,055 ang kinakailangang sahod ng manggagawa sa CALABARZON sa loob ng isang araw upang mapunan ang pangangailangan ng pamilyang mayroong limang miyembro. Ito ay malayo sa kasalukuyang minimum wage sa naturang rehiyon na pumalo lang sa P327-432, na sinabayan pa ng paglobo ng inflation rate nitong nakaraang buwan. 

Dahil dito, nagsagawa ang mga manggagawa ng kumpanya ng sunod-sunod na protesta mula Nobyembre 8 hanggang 10 upang kundenahin ang pambabarat sa kanila ng CBA at ang patuloy na serye ng red-tagging sa kanilang unyon.

Paglaban sa panggigipit

Sa gitna ng pambabarat sa mga benepisyo, kaliwa’t kanan din ang panggigipit at panghaharas sa mga lider at miyembro ng TEPWU habang gumugulong ang negosasyon para sa kanilang CBA. Nito lang ika-16 ng Agosto, binantaan at tiniktikan ng hindi kilalang armadong lalaki ang lider ng unyon na si Mario Fernandez (BASAHIN: Harassment, death threats alarm union leader ahead of CBA negotiations). 

Mayroon nang mahabang kasaysayan ang panggigipit at intimidasyon na naranasan ng mga unyonista ng Technol Eight sa kamay ng mga pwersa ng estado bago pa man magsimula ang pakikibaka para sa karapatan sa CBA. 

Mula pa noong Marso, nagkaroon na ng serye ng pagmamatyag at pagpunta sa bahay ng mga lider ng unyon ng TEPWU sa magkakaibang pagkakataon. Hinahanap kalimitan ng mga pwersa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga lider ng unyon.

Nitong Nobyembre 9, nagtangkang pumasok ang ilang pulis sa pabrika ng Technol Eight. Ayon sa Defend TEPWU, hinarang ito ng guwardiya ng pabrika dahil wala umanong mission order ang mga ito at nabanggit na kukuhanan lamang ng mga litrato ang kanilang logbook

Bukod pa rito, kinukundena rin ng unyon ang paglabag ng kumpanyang Technol Eight sa Data Privacy Act matapos umanong ibigay ang personal na impormasyon ng mga unyonista sa NTF-ELCAC.

The NTF-ELCAC themselves have said that Technol Eight has been providing them private information about union members such as their full names and home address – an obvious violation of the Data Privacy Act,” pahayag ng Defend-TEPWU.

(“Sinabi mismo ng NTF-ELCAC na binibigyan sila ng Technol Eight ng mga pribadong impormasyon ng mga miyembro ng unyon kabilang ang kanilang buong pangalan at tirahan – isa itong malinaw na paglabag sa Data Privacy Act.”)

Ayon sa inilabas na pahayag ng KMU, tahasang nilalabag ng mga pwersa ng estado ang karapatan ng mga manggagawa sa malayang pag-uunyon at asosasyon sa pamamagitan ng patuloy na panggigipit at pang-re-red-tag sa mga ito. 

“Tahasang nilalabag ng NTF-ELCAC, AFP [Armed Forces of the Philippines], at PNP [Philippine National Police] ang batayang karapatan ng mga manggagawa sa malayang asosasyon at pag-uunyon. Nag-uunyon ang mga manggagawa dahil ito ang kanilang pangunahing sandata upang ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, regular at disenteng trabaho, at iba pang batayang karapatan. Ngayon, higit kailanman, malaki ang papel ng mga unyon sapagkat tumitindi ang krisis at ang panggigipit ng estado,” pahayag ng KMU.

Sa ilalim ng Artikulo 263 ng Labor Code of the Philippines, nakasaad ang karapatan ng mga manggagawa na bumuo at sumapi sa mga legal na labor organizations at unyon. 

Pagtindig ng uring manggagawa

Sunod-sunod na panghaharas din ang naranasan ng iba’t ibang mga kasapi ng labor unions sa Timog Katagalugan nitong mga nakaraang buwan. 

Noong ika-6 ng Agosto, binisita ng mga elemento ng AFP and PNP ang kabahayan ng mga lider-manggagawa ng Daiwa Seiko Philippines Corp. at Gardenia Bakeries, kung saan kinuwestyon ng pwersa ng estado ang kasaysayan ng unyon. 

Inimbitahan ang lider ng unyon ng Gardenia Bakeries na si Rodel Marte sa isa umanong “pagpupulong” sa Brgy. Pooc, Sta. Rosa, Laguna upang pag-usapan ang mga isyu sa barangay. Nauwi ang pagpupulong ito sa isang “awareness seminar” kung saan inudyukan nina S/Sgt. Edson Valdez, mga opisyal ng 2nd Civil-Military Operations (CMO) Battalion, at NTF-ELCAC ang unyon na kumalas sa kanilang pagsapi sa KMU.

Matapos nito, inilathala sa Facebook post ng isang nagngangalang “Ed Val” noong ika-2 ng Oktubre ang pekeng balitang nakipagtulungan umano sa NTF-ELCAC ang pangulo ng Unyon ng Panadero. 

Nasundan ang panghaharas na ito sa pangulo ng unyon noong ika-28 ng Oktubre matapos puntahan ng mga pwersa ng estado ang kanyang bahay, kung saan tahasan siyang inakusahang tagasuporta ng New People’s Army (NPA). 

Kasapi ang Unyon ng Panadero ng Gardenia Bakeries sa Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (OLALIA) ng KMU, na patuloy na nagsusulong ng mga karapatan ng mga manggagawa at unyonista. 

Isa ang KMU sa mga organisasyong nakaranas ng sunod-sunod na panghaharas at panre-red-tag mula sa NTF-ELCAC. Isa sa pinakamalaki sa mga kasong ito ay ang pagpatay kay Ka Dandy Miguel, dating pangalawang-pangulo ng PAMANTIK-KMU. 

(KAUGNAY NA BALITA: Lider manggagawa Dandy Miguel, patay matapos pagbabarilin sa Calamba; Nexperia union officers harassed by AFP-PNP and NTF-ELCAC, forced to disaffiliate from labor center).

Inilapit ng mga unyonista ang mga isyu ng red-tagging at panghaharas sa mga ahensya ng gobyerno upang matigil ang patuloy na pag-atake sa kanila.

Noong ika-31 ng Agosto, nagpatawag ng press conference ang mga lider ng unyon mula sa OLALIA-KMU, PAMANTIK-KMU, National Office ng KMU, at Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) upang kondenahin ang mga naturang pag-atake sa hanay ng mga unyonista. Kabilang din sa kanilang panawagan ang pagbuwag sa NTF-ELCAC na patuloy ang panghaharas sa mga manggagawa. 

“Tila plano lang talaga ng administrasyong Marcos Jr. na ipagpatuloy ang mga programa ni Duterte. Sa 2023 national budget, dumoble pa ang pondo ng Barangay Development Fund ng NTF-ELCAC. Mula P5.6 billion ay naging P10 billion ito. Samantala, ang pondo para sa mga manggagawa ay hindi man lang aabot sa 1% ng kabuuang proposed national budget,” giit ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. 

Idinulog din ng mga unyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) Office of the Secretary ang kaso ng panghaharas sa mga manggagawa.

“Kinilala rin [ni] DOLE Sec. Bienvenido Laguesma ang karapatan ng mga manggagawa sa asosasyon at nangakong ipapatigil noon ang pagbabahay-bahay ng AFP at PNP sa mga manggagawa. Tila patraydor na binali ng AFP at PNP ang komitment na ito sa paggamit ng mga rekurso at opisina ng mga barangay, pang-iistorbo sa pila ng manggagawa sa shuttle, at iba pang mga pamamaraan upang takutin ang mga manggagawa sa pagsapi sa mga pederasyon,” paliwanag ng PAMANTIK-KMU.

Samantala, noong Setyembre, naghain ng resolusyon sa Kongreso ang mga unyonista mula Timog Katagalugan, Kabataan Partylist, at Makabayan Bloc upang imbestigahan ang mga naganap na serye ng intimidasyon at panghaharas sa mga kasapi ng unyon sa Laguna nitong mga nakaraang buwan.

Kaugnay naman ng paggunita sa Kaarawan ni Bonifacio, naglunsad ng mga kilos-protesta sa buong bansa ang hanay ng mga manggagawa at iba pang sektor Miyerkules, ika-30 ng Nobyembre. Sentral na tema sa programa ay ang pagtindig laban sa panghaharas sa mga unyonista at ang panawagang “Sahod itaas, presyo ibaba!” [P]

0 comments on “Araw ni Bonifacio, sinalubong ng pagtagumpay sa CBA ng unyon sa Laguna

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: