News

Kakulangan ng relief assistance sa gitna ng sakuna, daíng ng mga taga-Balabac, Palawan 

Maliban sa agarang pagresponde, panawagan din ng mga taga-Balabac ang pagpapatigil sa illegal logging, pagmimina, at pangangamkam ng mga lupa upang tayuan ng mga estruktura.

Mga salita ni Saulo Paul Bautista

Pinuna ng tribong Molbog ng Brgy. Catagupan sa Balabac, Palawan ang kakulangan ng relief assistance mula sa pamahalaang lokal at nasyonal, matapos ang pag-ulan at malawakang pagbaha na bunsod lamang ng Low Pressure Area (LPA) at shear line sa Southern Palawan. 

Ayon sa Palawan NGO Network, Inc. (PNNI), isang environment conservation organization, tanging ang Diyos Mabalos Foundation lamang ang agarang nakapagpahatid ng rasyon ng bigas sa 50 pamilya ng Molbog tribe.

Nakahiwalay sa mainland Palawan ang bayan ng Balabac, kung kaya’t ito ang nakikitang sanhi sa kawalan ng agarang aksyon mula sa mga kinauukulan. Bukod sa mabilisang pagresponde sa oras ng sakuna, panawagan din ng mga taga-Balabac ang pagpapatigil sa mga gawain katulad ng illegal logging, pagmimina, at pangangamkam ng mga lupa upang tayuan ng mga estruktura. Pinaniniwalaang ang kabi-kabilang illegal logging at pagmimina ang nagbunsod ng malawakang pagbahang hindi karaniwan sa Palawan. 

Dagdag pa rito ang maaaring banta sa tribong Molbog dahil sa napipintong pagpapatayo ng isang airport sa Brgy. Catagupan. Inaprubahan ito ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) matapos mabigyan ng Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance ang proyekto, ayon sa PNNI

Batay sa isang ulat, tatawaging Balabac Air Base (BAB) ang sinasabing paliparan at itatayo sa 300 ektaryang base militar ng Philippine Air Force (PAF) sa tulong ng lokal na pamahalaan. Ito ay sa bisa ng isang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng dating PAF Chief Lt. Gen. Galileo Gerard Kintanar Jr. at dating Palawan Governor Jose Alvarez. 

Ayon kay Alvarez, kontribusyon umano ng lalawigan ang paglalaan ng lupain sa Balabac para sa nasabing proyekto upang maproteksyunan ang West Philippine Sea (WPS) at mapalago ang ekonomiya ng Southern Palawan. 

Ngunit matapos madiskubre ang proyektong ito noong Setyembre 2020, nagbabala ang PNNI sa PCSD tungkol sa pagbibigay ng SEP Clearance nang walang kaukulang konsultasyon at pag-aaral. Dagdag pa rito ang patuloy na pagpapagawa ng proyekto sa kabila ng kawalan ng Environment Compliance Certificate (ECC), Free Prior and Informed Consent (FPIC), at SEP Clearance noong 2020. 

Ngunit nang tanungin ukol sa clearance ng proyekto, nilinaw ni Tactical Operations Wing West Public Information Officer First Lt. Rufina Phainaa Sabello na benepisyaryo lamang ang PAF sa proyektong ito. Depensa niya, Department of Public Works in Highway (DPWH) ang implementing agency nito. 

Dahil sa nararanasang epekto ng proyekto sa kanilang lugar, patuloy na tinututulan ng tribong Molbog sa Balabac ang pagpapatayo ng paliparan at industriyalisasyon sa kanilang lupa na nagiging sanhi ng mga malawakang pagbaha sa lugar.

Pinsala sa Palawan 

Ang archipelagic municipality ng Balabac, na tinitirhan ng tribo ng Molbog, ay binubuo ng mga likas na pananim, mga kagubatan, mayamang coral reefs, maging ang mga endangered wildlife species, at pinalilibutan ng mga bakawan. 

Batay sa Balabac Municipal Agricultural Office (MAO), pangingisda at pagsasaka ng palay sa halos 360 ektaryang lupang taniman ang mga pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Molbog. Sumasapat lamang ang mga ito sa pangangailangan ng mga residente rito. 

Ayon sa PNNI, nanatiling apektado ng magkakasunod na pag-ulan buhat pa noong Disyembre ang Balabac, na nagdulot ng matinding pagbaha at sumira sa palayan, pananim, maging kabahayan sa Brgy. Catagupan.  

Ikinabigla ng PNNI ang naturang pagbaha lalo pa’t isang pangkaraniwang LPA lamang ang sanhi ng pag-ulan sa gawing Timog ng Palawan, ngunit nagdulot kaagad ito ng pagkasira sa mga pananim, kabahayan, maging mga tulay sa lalawigan.

Bukod sa bayan ng Molbog, apektado rin ng mga pag-ulan at pagbaha ang iba pang mga bayan sa bahaging timog ng Palawan tulad ng Brooke’s Point at Sofronio Española na nagsimula pa noong ika-4 ng Enero, batay sa ulat ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).  

Agarang nabigyan ng relief assistance ang mga inilikas na residente ng Brooke’s Point sa tulong ng mobile kitchen mula sa PDRRMO. Nagsagawa rin ng rescue operations sa mga residenteng na-stranded ang disaster response teams na ipinadala ng Disaster Risk Reduction Management Offices (DRRMO) ng Puerto Princesa at El Nido sa Southern Palawan. 

Sa kaniyang Facebook post, nagpahayag ng pagkadismaya si Brooke’s Point Vice Mayor Mary Jean Feliciano ukol sa pananalasa ng malakas na pag-ulan at pagbaha na naranasan sa kanilang lugar. 

Sino ang nasasalanta sa hagupit ng kalikasan, mahihirap ba o [mayayaman]? Sino ang nanganganib ang buhay at kabuhayan sa mga delubyong dulot ng pagkasira ng kalikasan, mga magsasakang mahihirap, mga katutubo o mga mayayamang negosyante? Sapat na ba ang ilang kilong bigas, noodles at sardinas ng mga namumutol ng mga puno at gumigiba ng ating kabundukan 24/7 na pinagmamalaking ipinamumudmod tuwing may kalamidad?” 

Bumungad sa pagbisita ng bise-alkalde sa Sitio Pangatleban sa Brooke’s Point ang nasirang tulay na nagsisilbing akses ng mga residente patungo sa siyudad. 

Ani Vice Mayor Feliciano, Ang pondo ng ating munisipyo sa taong ito ay hindi sapat upang maipagawa ang lahat ng mga tulay na nasira….Matatandaang si Feliciano ay isang environmental lawyer at dating alkalde ng Brooke’s Point na sinuspinde ng Ombudsman ng isang taon sa serbisyo taong 2021. Ito ay matapos umanong mahatulang guilty sa kasong “oppression or grave abuse of authority” dahil sa pagpapasara at demolisyon ng kaniyang opisina sa isang miningoperations sa kaniyang nasasakupan (BASAHIN: Mining the gap: On Brooke’s Point and illegal mining). [P]

0 comments on “Kakulangan ng relief assistance sa gitna ng sakuna, daíng ng mga taga-Balabac, Palawan 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: