Mga Salita ni Jonel Mendoza
Kuha nina Aubrey Carnaje, Archie Bergosa, Gerard Gonzales, Jeaver Aoanan, Jonel Mendoza, at Michael Ian Bartido
Nakakubli sa likod ng mga nakasisilaw na pailaw at dumadagundong na musika ay ang kampanya para sa mga panawagan patungkol sa mga napapanahong isyu – ang tunay na diwa ng February Fair bilang isang protesta. Dalawang taon mang nahinto ang pisikal na pagdaraos dahil sa pandemya ay nanatili ang ang tikas at tapang kaya’t kolektibong nagbigkisan ang sangkaestudyantehan kasama ang hanay ng masa upang isulong ang panawagan na tangan ngayong taon: demokratiko at inklusibong edukasyon, tunay at pantay na karapatan para sa mga kababaihan at komunidad ng LGBTQIA+, paggiit sa mababang presyo ng mga bilihin at pakikiisa sa pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa’ t magsasaka, pagpapanumbalik ng kapayapaan batay sa katarungan, at paglaban sa ilihitimong rehimen nina Marcos at Duterte.
Taong 1972 nang inilunsad ang dati ay September Fair na kinalauna’y naging Feb Fair na una at higit ay protesta para sa mutisektoral na panawagan sa noo’y mapaniil na administrasyon. Kaakibat ng pagiging pag-asa ng bayan ay ang hamon kung paano ito mapagsisilbihan at manipestasyon ng militanteng pakikibaka ay ang diwang tumutugon sa hamong ito. Hindi naiiba ang mga isyung dati nang nagpapahirap sa sambayanan kaya’t pinagtibay ang taunang militante na pagkilos bilang pagtugon sa sistemang pumapabor lamang sa iilan. Gayundin, ito ay pakikibaka sa pagkamit ng lipunang tunay na malaya mula sa kamay ng mga berdugo na noon pa lamang ay ganid na sa kapangyarihan at nais lamang ay ang kamkamin ang kaban ng bayan.
Masisilayan ang iba’t ibang artista ng bayan na nagtanghal sa Feb Fair gamit ang musika, pagsasayaw at iba pang porma ngunit lahat ay nakahanay sa iisang layunin. Ito ay mapalawak ang kamalayan ng masa tungkol sa mga adbokasiya na bitbit ng protest fair. Dito, pinalagong ang isyung pang akademiko tulad ng militarisasyon sa mga unibersidad, budget cut, red-tagging, at mas ligtas na espasyo sa pagbabalik ng kalakhan ng mag-aaral sa loob ng campus. Hindi rin nalalayo ang panlipunang isyu ng tiraniya, systemang mapagsamantala, at kawala ng hustisya na balakid sa pagkamit ng tunay na kalayaan.
Sa muling pag-upo ng anak ng diktador sa pinakamataas na pwesto sa ehekutibong sangay na si Marcos Jr. ay naungkat ang madilim na kasaysayan kung saan pinatahimik ang sinumang oposisyon sa mapanghamak na namumuno. Ngunit, hindi na nito muling maalis ang diwang mapanlaban ng Timog Katagalugan, bagkus ay lalo nitong pinagtibay ang pagkakaisa tungo sa tunay na kalayaan, katarungan, at kapayapaan. Natapos man ang isang linggo ng maingay at makulay na Feb Fair ay ipagpapatuloy ang mga adhikain at panawagan hindi lamang sa loob gayundin sa labas ng pamantasan. [P]
0 comments on “BIGKISAN: Tangan ang militante, makabayan, at kolektibong pakikibaka”