Tatlumpu’t-pitong taon na ang nakalilipas nang umalingawngaw sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) ang ingay ng mga nakibaka upang matamasa ang lehitimong kalayaan sa kamay ng pasistang rehimeng Marcos noong batas militar ng dekada ‘70.
Humigit kumulang apat na dekadang katahimikan ang inakalang natamasa ng mga Pilipino, ngunit sa likod ng mga taon na ito ay ang tagal rin ng estrahitikong paglikha ng makinarya ng mga Marcos upang muling bumalik sa kapangyarihan at linisin ang kanilang pangalan sa ngalan man ng karahasan at kamatayan.
Ngayong isang Marcos na naman ang nasa kapangyarihan, hamon sa masa na bantayan at labanan ang makinaryang pilit lumalason sa kaisipan ng mga mamamayan. Isa ang sining at midya sa mga ginagamit upang palaganapin ang misimpormasyon at disimpormasyon na humahadlang hindi lamang sa kritikal na pag-iisip ng mga mamamayan kundi armas din para idisenyo ang mga progresibo bilang kaaway.
Ilang halimbawa ay ang paggamit ng People’s Television (PTV) at Sonshine Media Network International (SMNI) para maging instrumento ng propaganda laban sa mga progresibong grupo. Kagaya na lamang ng sinasadyang paghulma at pagbalangkas ng mga balitang nagliligaw sa kaisipan at perspektiba ng taumbayan.
Bukod sa paggamit ng mga malalaking media networks, pinagsasamantalahan din ng estado ang mga content creators sa iba’t ibang plataporma upang dalhin ang mga naratibo na tulak ng interes ng mapang-aping estado. Sa pamamayani ng kulturang impyunidad, hamon sa mga mamamahayag na lumabas sa sulok ng pahayagan upang makiisa sa laban para sa mapagpalayang katotohanan.
Gaya ng panahon ni Marcos Sr., patuloy na nagiging mainit sa mata ng estado ang midya at kali-kaliwang pagsesensura o media censorship. Binubusalan hindi lamang ang mga mainstream at alternative media, maging ang mga pahayagang pangkampus. Kaya, may pangangailangan na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga publikasyon upang sumandig ito sa iisang linya – pagpapatambol sa mga panawagan ng iba’t ibang sektor at paggiit ng hustisya sa mga paglabag ng karapatang pantao.
Bukod dito, litaw na litaw na naghahari ang sistema at siklo ng karahasan sa lipunan dahil sa patuloy na pamamasista ng estado, paglikha ng mga gawa-gawang kaso, pag-tortyur, at pagkitil ng mga inosenteng buhay na bakas noong nagdaang batas militar. Manipestasyon ito ng isang atrasadong lipunan kung saan hindi naman tuluyang naalis nang mawala ang diktadurya bagkus ay nananatili pa rin dahil sa pamamayani ng mga naghaharing-uri at mga namumuno para sa pansariling interes.
Kaalinsabay ng pagbaluktot ng katotohanan, ang estado ay patuloy sa pagpapalakas ng mga pwersang tahasang nanlulupig ng kritikal na puna at lehitimong panawagan ng mga mamamayan upang patatagin ang kanilang kontrol sa masa. Patunay rito ang panreredtag at paniniktik ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) katuwang ang PNP-AFP sa paghahasik ng intimidasyon at pagpaslang ng mga progresibo.
Ang mga ganitong anyo ng pag-atake ay hindi kaiba sa mga ginawa ni Marcos Sr. noon upang lagyan ng pangil ang estado para pilayin at kitilin ang kakayahan ng taumbayan na ganap na itakwil ang mga ekonomikong polisiyang itinatatag ng pamahalaan na kinasasaklawan naman ng matinding korapsyon.
Salungat sa pinapalabas ng pamilyang Marcos na naging ‘Golden Era’ ang pamumuno ni Marcos Sr., sandamakmak na mga white elephant project sa kaniyang panahon ang mayroon na naging repleksyon ‘di umano ng masaganang ekonomiya sa panahon niya. Nalugmok ang bansa dahil sa mga utang na ‘di naman nabawi at nabayaran. Dagdag pa rito ang mga korapsyon at ‘cronyism’ na malala sa administrasyon ni Marcos Sr.
Ang mga kapalpakan ng kahapon ng kaniyang ama ay nagiging repleksyon ng kasalukuyang takbo ng ating ekonomiya sa ngayon. Unti-unti nang nakikita ang pansariling interes ni Marcos sa ating ekonomiya at pagpabor sa mga malalaki at multi-national investors para pagsamantalahan ang ating mga yaman.
Habang nakikita at nagiging klaro na ang mga palatandaan ng isang madugong rehimen, ngayon na ang pinakamainam na panahon upang isadiwa at isakilos hindi lang dahil sa nangyaring pag-aaklas ng taumbayan 37 taon na ang nakalipas, kundi maging ang pagsusulong ng makatwirang rebolusyon para sa mas pangmatagalang solusyon sa krisis ng lipunan. Panahon na upang baklasin ang nangangalawang nang makinarya at muling biguin ang matagal nang ipinatumbang diktadurya! [P]
0 comments on “Baklasin ang makinarya, biguin ang diktadurya!”