Mga Salita ni Yasmin Vera Criste
Isipin mo, isang araw ay matutuwa ka sa pangako na maitatanyag sa mga palabas sa telebisyon ang mga kwentong tulad ng sa iyo, kung paano ka nagmamahal, kung ano ang hitsura ng pag-ibig kung sa dalawang babae ito makikita.
Isipin mo, sa susunod na araw ay pagkadismaya na lamang ang iyong maaabutan. Malalaman mong hindi na matutuloy ang kwento ng dalawang babaeng bida kahit noong nakaraang yugto pa lamang tuluyang umusbong ang pagmamahal sa pagitan nilang dalawa. Makikita mo sa iisang episode ang halikang kay tagal mong hinintay at ang kasunod na kamatayan ng isa sa tambalan. Papanoorin mo silang maghiwalay, matatapos ang kwento na lalaki ang kahawak nila ng kamay.
Nakikita mo na ba sa isipan mo? Hindi mo kailangang lumayo. Dahil ganito ang reyalidad ng midya ngayon.
Sa panahon ngayon ng pag-uumapaw ng impormasyon at content, hindi mo pa rin mahanap ang sarili mo sa napakarami at lumalaking mga espasyo. Parating mali. Parating kulang at tila anino lamang ang tanaw. Parating nagtatapos agad.
Palaging hindi makatarungan.
Ang pagpatay sa ilaw ng representasyon
Sa Where We Are on TV na ulat ng Gay & Lesbian Alliance Against Defamation (GLAAD) para sa taong 2021 at 2022, tinanyag ang record high na bahagdan ng baklang mga tauhan sa 775 na mga palabas; tumaas ng 2.8% ang bilang mula sa mga nagdaang taon. Tunay na napakalaking tagumpay nito para sa LGBTQ+ community sapagkat makikita ang patuloy na pag-okupa ng komunidad ng mga espasyo sa midya, ngunit kasabay nito ang ikalimang taon ng pagbaba ng bahagdan ng representasyon ng mga lesbyana sa mga streaming services.
Sa nakaraang taon, 30 queer programs ang nakansela mula sa mga streaming services —at 21 mula sa bilang ay nagtatampok ng women loving women (WLW) na tauhan. Sa kabuuan, umaabot ng 140 na mga programang mayroong mga WLW ang hindi lumalagpas ng isang season dahil hindi na-re-renew ang kanilang mga prangkisa. Hindi nabibigyan ng tama at makatwirang pagpapatuloy at katapusan ang mga kwentong kinabibilangan ng mga lesbyana dahil hindi sila binibigyan ng sapat na oras at panahon para tapusin ito.
Hindi lamang sa pagkansela lumalabnaw ang depiksyon ng mga lesbyana sa midya. Malinaw rin ang manipestasyon nito sa kung paano sila tratuhin ng mga manunulat sa kanilang mga palabas. Kung hindi pinapatay ang mga palabas kung nasaan sila, sila mismo ang kinikitil sa mga kwentong kinabibilangan nila. Matatandaan na muling umusbong noong mga nakaraang taon ang “bury your gays” na trope dahil sa makailang-ulit na paggamit nito sa mga programa. Makikita rito ang pagpatay sa mga baklang tauhan upang umusad ang kwento, marahil ay dahil tila hindi na kinakailangan sa banghay ng palabas ang kanilang pagkatao.
Mapaminsala ang ganitong mga daloy ng kwento para sa mga bakla—maging babae man o lalaki—lalo na kung nagsisimula pa lamang silang kilalanin at tanggapin ang kanilang sarili. Ipinababatid ng mga tagpong ito na kailangang magtapos nang masalimuot ang pag-ibig sa pagitan ng magkaparehas na kasarian—na parating magkaugnay ang paghihirap at pagiging bakla.
Ang isyu sa likod ng kamera
Kung susuriin nang mabuti, makikita na ang mga isyung ito ay nag-uugat lamang mula sa isang salik: ang patriyarka. Ito ay isang sistemang panlipunan kung saan nakasentro ang kapangyarihan at awtoridad sa mga kalalakihan. Suportado ito ng mga institusyon at pinalalakas ng mga kaisipan at paniniwalang pinanday ng karahasan. Bilang isang larangan kung saan dominante ang kalalakihan, nadidiktahan ng patriyarka ang takbo ng mga kumpanyang nagpapatakbo sa mga programang naipalalabas at ibinabahagi sa publiko.
Sa patriyarkal na lipunan, napakababa ng tingin sa mga lesbyana. Danas nila ang two-tiered discrimination: inaapi bilang babae sa lipunang nakakiling sa mga lalaki, at sinisiil bilang mga homosekswal sa bayan na ang tanging normal ay pagiging heterosekswal. Sa madaling sabi: Sa pagmamahalan sa pagitan ng dalawang babae, pinipigilan ng lipunan na maging sa kanila lamang ang kanilang mga kwento, na maging sa kanila ang huling salita. Palaging nanghihimasok ang patriyarka—na binubuo ng mga lalaki.
Manipestasyon ng kontrol ng patriyarka sa midya ang teorya ng male gaze, o ang pagtingin sa kababaihan mula lamang sa lente ng heterosekswal na lalaki. Sa lenteng ito, ipinipresenta ang babae hindi bilang ganap na tao, kung ‘di isang bagay na binuo para lamang sa kasiyahan ng mga lalaki. Dahil dito ay nawawala o lumalabnaw ang kalayaan ng babae upang angkinin ang kaniyang sariling katawan at pagkatao. Kaakibat nito ang konsepto ng fetishization ng mga sekswalidad na nakasentro sa kababaihan, dahil tinitingnan lamang ang relasyon ng babae at babae sa paraang sekswal—na ang kanilang pagmamahal ay isa lamang pagtatanghal para sa ikasisiya ng kalalakihan. Sa usaping ito maipapasok kung bakit natitigil ang produksyon ng mga palabas na pinangungunahan at ginawa ng mga babae para sa kapwa nila babae. Dahil binubuwag ng mga babaeng director at manunulat ang male gaze, hindi ito tumatampok sa mga lalaki dahil hindi nila ito ma-fetishize. At dahil ang midya ay isang industriyang kontrolado ng kalalakihan, hindi nila ito mapagkakitaan kung kaya’y nakakansela ang karamihan sa mga programang ito.
Isa pa sa kinakaharap na problema pagdating sa pagpapalaya ng depiksyon ng mga relasyong lesbyana sa midya ay ang konsepto ng queerbaiting. Dito makikita ang isang pamamaraan ng paghatak ng manonood sa pamamagitan ng pagpapahiwatig ng posibleng relasyon sa pagitan ng dalawang tauhan na parehas ang kasarian, ngunit mananatili lamang itong posibilidad dahil hindi ito tutugunan ng mga nasa likod ng palabas. Napakatagal nang kilala ng mga manonood ang queerbaiting, sa katunayan ay napakarami nang nagdaang mga tambalang babae mula sa mga banyagang midya na nanatiling malabo hanggang dulo.
Sa dako naman ng Pilipinas, lumutang kamakailan sa mga social networking sites ang Darlentina, mula sa Darna (2022), binuo ito ng magkatunggaliang Darna at Valentina na ginampanan ni Jane de Leon at Janella Salvador. Sa bawat eksena ng dalawang karakter hanggang sa interaksyon ng mga aktres na gumanap sa kanila, naging mainit na usapin kahit saan ang naturang tambalan. Palaging naroon ang posibilidad na lumalim ang relasyon ng dalawa—ang posibilidad na makita ang pag-ibig na kahit karaniwan sa likod ng kamera ay hindi madalas makita sa harap nito. Ngunit nababawi at nababawi ito dahil sa lalaking parehas nilang minamahal. Nagtapos ang serye nang walang nakumpirma tungkol sa dalawa, kung kaya lalong lumakas at naitampok ang konsepto ng queerbaiting sa social media.
Kung titingnan ay napakadaling bigyang paliwanag ng nangyari sa Darlentina, maaaring tunay ngang napakalapit lamang ng pagkakaibigan ng dalawang bida at wala talagang puwang para sa kanila ang posibilidad ng pagmamahal. Hindi rin masasabi nang tuluyan kung queerbait nga ba talaga ang Darlentina o hindi. Ngunit dito rin sa pagkapit ng sapphic viewership sa tambalan makikita ang kakulangan ng tunay at makatotohanang representasyon ng relasyong lesbyana sa mainstream na midya ng bansa.
Ipinapakita ng isyung ito ang kahalagahan ng makatarungang representasyon ng mga bakla sa midya, sapagkat dito nabubuo ang impormasyon na alam ng masa sa mga bakla sa labas ng telebisyon. Dito rin nagsisimula ang unti-unting pagtanggap ng masa sa mga bakla.
Kaakibat nito, dito rin nagsisimula ang pagtanggap ng bakla sa kaniyang sarili; tunay namang mas madaling tanggapin ang sarili at ang pinipiling pagmamahal kung hindi ka pinagkakaitan ng mga pagkakataon at espasyo para makita ang mga tulad mo na narerepresenta nang maayos, makatotohanan, at nagtatagal. Dahil para sa lipunang tulad ng atin na pinalaki sa harap ng telebisyon, napakahalaga ng gampanin ng midya sa pagbuo at pagtanggap ng pagkatao ng isang babae—lalo na kung siya ay bakla.
Ang aksyon para sa labang pagtatagumpayan
Kahit nasabing mabagal ang pag-usad ng pagbabago para sa mga bakla, hindi nito ibig sabihin na walang pag-unlad na nangyayari. Sa nakaraang mga taon, patuloy ang paggawa at pagbibigay ng atensyon sa mga akda at obrang layon ay bigyang liwanag ang katotohanan ng pagiging lesbyana, na gawa rin ng mga lesbyana—sa larangan man ng musika, sining biswal, pelikula, at mga palabas. Sa pamamagitan ng mga likhang gawa nila, maaasahang mayroong pagtatangka na ma-normalize o matanggap bilang normal ang pag-ibig ng dalawang babae. Bawat likha ay nagpapakita na ang kwento ng mga lesbyana ay kwento rin ng mga pangkaraniwang mamamayan—pareho ng mga pinagpupursigihan, parehong naniniwala sa mas mabuting buhay, parehas nagmamahal.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-atakeng kinakaharap ng mga kasamang LGBTQ+. Sa isang ulat: mula 2010 hanggang 2020, lagpas 50 na mga transgender o non-binary na Pilipino ang dumadanas ng tumitinding karahasan at pagpatay. Halos kalahati ng populasyon ng mga bakla ay nakakaranas ng pang-aabusong sekswal sa kanilang buhay.
Hanggang ngayon ay wala pa ring pambansang batas na poprotekta sa karapatan ng mga bakla sa Pilipinas. 23 taon nang nakabinbin sa kongreso ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression, and Sex Characteristics Equality Act, o ang SOGIE Bill. Bagamat may mga lokal na pagpapatupad ng anti-discriminatory ordinance sa mga lungsod at munisipalidad, tunay na mas makatutulong kung maisasakatuparan ito sa pambansang antas. Sa nakaraang taon, nagkaroon ng mga pag-usad sa laban para sa SOGIE Equality. Matatandaang nakapasa sa senado ang batas noong Disyembre 2022 at naghihintay na lamang ng sponsorship para sa plenary discussion. Ngunit, pagdating ng Pebrero 2023, hihimpilan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa isang senate session ang pagsulong ng batas. Matapos ang kaniyang pagsasalita, ibinalik muli sa Committee Level ang panukala.
Mapadadali ang laban kung mayroong mga batas na susuporta at rerespeto sa SOGIE ng bawat indibidwal. Bagamat patuloy ang pagtangkang pagpigil ng mga mambabatas, magpapatuloy rin ang pagkilos at ang laban para sa isang kinabukasang malayang naiwawagayway ang banderang bahaghari.
Hindi humulagpos ang mga bakla mula sa mapanghusgang mga mata, hindi nilaban ang napakatagal na laban para lamang hindi mahanap ang kanilang bahaghari sa ganitong mga espasyo. Hindi mabubusalan ng kahit anong karahasan ang tinig ng bahagharing matagal nang nagpapalakas ng mga panawagan ng bayan, hindi bababa ang mga kamaong nakataas kasama ng malawak na hanay ng masa, hindi kayang pigilin ng mga mapanghusga ang pusong palaging pipiliin ang pagmamahal.
Patuloy ang paglaban para lansagin ang opresibong lipunang patriyarkal. Patuloy ang paggawa at pagpapalawig ng mga espasyo kung saan mahahanap ng bawat isa ang kanilang sariling malayang maging—kung saan hindi kailangang magsumamo para sa katiting na anino dahil malaya nang naaaninag ang kanilang repleksyon—tunay, ganap, at buo.
Patuloy ang pakikibaka para sa pagmamahal na malaya—para sa pag-ibig na mapagpalaya. [P]
0 comments on “Ang sariling hindi maaninag ng lente”