Sa mga mobilisasyon at pagkilos, kaakibat ng pagsigaw ng “Uring Manggagawa” ang mga linyang “Hukbong Mapagpalaya”. Ito ay dahil sa mahabang panahon ng pakikibaka ng sektor para sa isang tunay na malayang lipunan para sa mga manggagawa at mga mamamayang Pilipino. Mula noon hanggang ngayon, matapang at militanteng isinusulong pa rin ng mga Pilipinong manggagawa ang mga panawagang sumasaklaw kapakanan, karapatang pantao, at kalayaan ng bayan. Ito ay nagpapakita na ang Mayo Uno ay hindi lamang Araw ng mga Manggagawa bagkus ayaraw rin ito ng militanteng pakikibaka tungo sa lipunang malaya.
Sa araw na ito, tiyak na nakahanda na ang samu’t saring paraan ng estado upang bigyang papuri at pagkilala ang mga manggagawang Pilipino. Ngunit hindi kasama sa mga paraang ito ang pagpapabuti ng kalidad ng kanilang buhay. Hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagigipit ang mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya dahil sa baluktot na sistema at kondisyon sa kanilang trabaho. Ayon sa IBON Foundation, ang isang pamilyang Pilipino ay nangangailangan ng P841 hanggang P1944 upang mairaos ang isang araw ngunit hanggang ngayon ay P350-P570 pa rin ang minimum daily wage sa bansa.
Lalo pang pinagsasamantalahan ang lakas-paggawa ng mamamayan sa pamamagitan ng sistemang sahuran. Dito sa Pilipinas ay mas lalong matingkad ang ganitong pang-aapi lalo nang ipatupad ang Wage Rationalization Act noong 1989 kung saan sa ilalim ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBS) ay magkakaiba ang minimum wage sa kada rehiyon. Dito sa Timog Katagalugan ay P429-P470 lamang ang minimum wage ng mga manggagawa na napakalayo mula sa P842-P1,944 na family living wage. Kaya naman isa sa mga patuloy na isinusulong ng mga manggagawa ang P750 na minimum wage dahil sa patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya ng bansa na nagpapahirap pa lalo sa kanilang kundisyon. Sa kabila nito, bagaman lehitimo at makatwiran ang ganitong panawagan, hindi pa rin talaga dapat dito natatapos ang panawagan ng manggagawa para sa mas malawak nitong pagpapalaya.
Bukod sa mga nabanggit, dagdag pasakit rin ang mga anti-mahirap na polisiya ng gobyerno gaya ng Jeepney Phaseout na siyang nagpahirap sa mga tsuper. Kaya naman sa maraming taong pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa ay pangunahing ibinabandera ang panawagan sa nakabubuhay na sahod, disente at regular na trabaho, at pagwawaksi sa mga polisiyang lalo lang nagpapahirap sa mga manggagawa.
Hindi rin makalilimot lalo’t higit ang Timog Katagalugan sa inhustisyang kinalagakan ng mga lider-manggagawa at aktibista sa rehiyon. Kasabay ng pagkilala sa mga manggagawang patuloy na nagsusumikap ay ang pag-alaala sa mga indibidwal na tahasang niyurakan ng karapatang pantao at kinitil ng mapanupil na estado. Patuloy na ginugunita ang Bloody Sunday Massacre kung saan siyam ang walang awang pinatay habang anim naman ang inaresto sa magkakahiwalay na insedente ng pandarahas sa Batangas, Cavite, Rizal, at Laguna. Kabilang sa mga pinaslang ng estado ay ang mga lider-manggagawa at organisador na sina Diosdado “Ka Fort” Fortuna, Ka Manny Asuncion, at Pang Dandy Miguel. Samantala, patuloy naman ang pag-atake ng estado sa pamamagitan ng gawa-gawang kaso kay Steve Mendoza ng OLALIA-KMU at Elizabeth “Mags” Camoral ng BAYAN-Laguna.
Sa bawat pagkilos ay hindi nakalilimot ang hanay sa patuloy na paglaban para sa mailap na hustisyang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng mga biktima at kanilang mga pamilya. Dito ay makikita na dugo, pawis, at buhay na tinataya ng mga manggagawang Pilipino para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya at kapwa manggagawa.
Sa mahabang panahon ng pakikibaka, kaisa rin ang sektor sa pagsulong para sa isang malayang Pilipinas. Saksi ang kasaysayan kung paano nagtipon noong ika-1 ng Mayo, 1903, ang 100,000 kasapi ng Union Obrero Democratica de Filipinas upang isigaw ang mga katagang “Ibagsak ang Imperyalismong Amerikano!,” sa harap ng Malacañang. Mahigit isang daang taon man ang dumaan, kasama pa rin sa hanay ng nagkakaisang masa ang mga manggagawang Pilipino sa pagpapaingay ng mga panawagan laban sa imperyalismo at mala-kolonyal na polisiyang nakaaapekto sa mga Pilipino. Patunay ito sa mahalagang papel ng sektor sa lahat ng aspeto ng lipunan–sa loob man o labas ng pabrika, opisina, jeep, at trabaho.
Para sa taong ito, bitbit ng Timog Katagalugan ang mga katagang “Manggagawa pamunuan ang hanay! Militanteng isulong ang sahod, trabaho, kabuhayan, karapatan at kalayaan ng bayan!” sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa. Ibinabandera nito na higit sa papel ng mga manggagawa sa pagpapalago ng ekonomiya, may mas makabuluhan silang gampanin bilang tagapamuno ng hanay na walang takot na isinusulong ang kapakanan ng mga manggagawa, karapatang pantao, at kalayaan ng bansa. Ipinakikita nito ang kapangyarihang taglay ng proletaryo sa pagbaliktad ng tatsulok na nakaayon lamang sa mga makapangyarihan at pagbuwag sa sistemang patuloy na nagpapahirap sa kanilang buhay.
Hangga’t may tsuper na pinipilit baguhin ang pamasadang jeep, hangga’t may panaderong pinapaso sa mga ‘di makatwirang polisiya ng kanyang kumpanya, hangga’t may kababaihang manggagawa na nakararanas ng diskriminasyon sa pabrika, at hangga’t hindi lubos at ganap na nakakamtan ng mga manggagawa ang makatwiran at mapagpalayang lipunan, patuloy ang mga uring manggagawa sa militanteng pagsulong at pagdaluyong para sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng sambayanan tungo sa isang mas mapagpalaya at makatwirang sistema ng lipunan. [P]
0 comments on “Pagdaluyong ng hukbong mapagpalaya”