News

#SahodItaasPresyoIbaba, patuloy na itinambol sa Araw ng Paggawa

“Manggagawa pamunuan ang Hanay! Militanteng isulong ang sahod, trabaho, kabuhayan, karapatan at kalayaan ng bayan!”

Nagmartsa ang iba’t ibang sektor mula Timog Katagalugan patungong Calamba Crossing nitong Mayo 1 upang gunitain ang ika-120 na taon ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa bitbit ang mga panawagang itaas ang sahod at tutulan ang panggigipit sa mga manggagawa.

Kolektibong ipinanawagan ng mga dumalo sa nasabing mobilisasyon ang pagtaas ng sahod, karagdagang benepisyo, at ang pagpapatupad ng mga makamasang polisiya para sa mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa bansa.

Kaugnay nito, inihayag din ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang kanilang mga itinatambol na panawagan sa pagdiriwang ng araw ng mga manggagawa.

Binigyang diin ni Rodel Marte, kinatawan ng Unyon ng Panadero sa Gardenia Bakeries Phils. – OLALIA – KMU ang kinakaharap nilang unos bilang mga panadero. Kasabay ng pagdiriwang, patuloy ang kanilang pangangalampag na itaas at gawing nakabubuhay ang kanilang sahod bilang mga manggagawa.

Bukod sa panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa, sumentro rin ang apela ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na tutulan ang pagbabalak ng gobyernong ituloy ang jeepney phaseout sa bansa. Mariin nilang iginiit na ang binabalak na jeepy modernization ng pamahalaan ay hindi maglilikha ng panibagong trabaho bagkus ang mag-aalis sa kanila ng pangkabuhayan.

Isa rin sa mga naging panawagan ng mga progresibong grupo ang kasalukuyang kinakaharap na problema ng mga manggagapak o magsasaka ng tubo sa Batangas. Mariing kinokondena ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) ang biglaang pagsasara ng pinaka-malaking azucarera sa rehiyon na siyang pumilay sa pag-iilo o isang proseso sa pagsasaka ng tubo, ng mga magsasaka sa Batangas.

Sa patuloy na pagdami ng lumalalang mga isyung panlipunan, sa kawalan ng maayos na trabaho at sapat na kita para sa mga manggagawa, kaisa rin ang sektor ng akademya sa panawagang gawing makatarungan ang pasahod sa mga manggagawa. Sa pagdiriwang ng Mayo 1, binigyang liwanag nila ang kinakaharap na isyu ng akademya – sa kakulangan ng benepisyo, kawalan ng suporta sa mga kaguruan at sangkaestudyantehan – at kung paano nila patuloy na kinakalampag ang administrasyon upang tugunan ang kanilang mga panawagan.

Bagaman natapos ang paggunita ng araw ng mga manggagawa, hindi natitigil ang patuloy na panawagan ng mga progresibong grupo kasama ang mga mangagagawa na panagutin ang pamahalaan sa patuloy na paglugmok ng uring manggagawang Pilipino sa kahirapan. [P]

paglalapat nina Christian Lobrico at Michael Ian Bartido

0 comments on “#SahodItaasPresyoIbaba, patuloy na itinambol sa Araw ng Paggawa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: