Mariing kinukundena ng UPLB Perspective ang pagsupil ng administrasyon ng UP Rural Highschool sa karapatan na malayang mamahayag ang The Ruralite, ang opisyal na pahayagan ng mag- aaral ng UPRHS.
Nagkaroon ng isang dayalogo ang UPLB Perspective kasama ang The Rulalite noong nakaraang buwan, sila umano’y pinatigil sa paglalathala ng mga balita at iba pang artikulo mula noong Disyembre ng nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, at kinailangang gumawa ng isang editorial policy na dapat aprubahan ng administrasyon bago payagang maglabas ng kanilang mga likha. Bukod pa rito, idiniin ng administrasyon ng UPRHS na kailangang ipasa muna sa Office of the Principal ang lahat ng kanilang gawa para i-review bago maaaring ilathala.
Hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang UPRHS hinggil sa kanilang ipinasang editorial policy, at ang mga nailathala lamang nila ay dokumentasyon ng Palarong Rural 2023 at wala nang iba.
Malinaw na pagyurak sa karapatan sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral ng UPRHS. Paglabag ito sa Section 21 ng Republic Act No. 9500 o University of the Philippines Charter of 2008, na nagdidiktang marapat lamang na makapagsulat nang walang pangamba ng media censorship ang anumang publikasyong itatayo sa loob ng mga constituent unit ng unibersidad.
Bilang kapwa pahayagan na binubuo ng mga mag-aaral, tanaw ng Perspective ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa pagkakaroon ng isang espasyong ligtas, mapanlaban, at mapagpalaya. Sa panggigipit sa mga estudyanteng mamamahayag, ikinukulong sila sa kung ano ang dapat at hindi dapat isulat, na naglilimita sa kanilang kakayahang maging kritikal tungkol sa mga isyu sa paaralan at maging sa bansa. Taliwas sa mandato ng publikasyon ang paggamit dito bilang tagapagbida lamang ng mga tagumpay ng paaralan, na hindi nagbibigay ng opinyon hinggil sa mga isyung kailangang punahin at bakahin.
Mahalaga ang gampanin ng The Ruralite bilang isang pahayagan sa pagbibigay ng impormasyon sa kanilang mambabasa at sa pagpapanatiling demokratiko ng estado ng kanilang paaralan. Marapat na itigil ang ganitong mga gawaing nagpapatahimik sa mga mamamahayag at dapat suportahan ang patuloy na paglaban ng The Ruralite para sa katotohanan. [P]
0 comments on “OPISYAL NA PAHAYAG NG UPLB PERSPECTIVE HIGGIL SA PAGSUPIL SA MALAYANG PAMAMAHAYAG NG THE RURALITE”