NI PAULIN REYES
Pansinin ninyo ang loob ng mga air-conditioned bus na bumabiyahe ngayon- walang bukasan at natatakpan ng mga kurtina ang mga bintana nito. Sa loob ay may isa o minsan ay mas maraming tv sets kung saan pwede kang manuod ng mga piniratang pelikula ng libre. Liban pa dito, mayroon ring free wifi kaya pwedeng-pwedeng mag-Facebook o Twitter sa mga high-tech na gadgets habang hinihintay mong makarating ka sa iyong pupuntahan. Masarap ring matulog dahil malamig sa loob. Isa ako sa mga estudyanteng lingguhan sumasakay ng bus dahil malayo ang bahay namin sa Los Baños. At sa tuwing bibiyahe ako, mas gusto kong nakakasakay sa mga airconditioned na bus dahil mas komportable kung ikukumpara mo sa mga lumang bus- hindi mo malalanghap ang usok ng mga sasakyan dahil hindi mo kailangang magbukas ng bintana para lang mahanginan. Minsan ay maganda rin ang ipinapalabas na pelikula at nakakatuwang manuod habang nasa biyahe.
Isang araw habang pabalik ako ng Los Baños, napatingin ako sa labas ng bintana at nakita ang isang babaeng nakaupo ng mag-isa sa harap ng kanilang bahay, nakatulala lang sa mga dumadaang sasakyan sa katapat niyang kalsada. Sa maikling sandali ng pagdaan ng sinasakyan ko sa harapan niya, nabuo sa isip ko ang imahen ng isang ina na iniwan na ng kanyang mga anak upang bumuo ng sariling pamilya, namatayan na ng asawa, at wala ng ibang magawa sa kanyang buhay kung hindi ang umupo sa labas ng kanilang bahay araw-araw; Habang nakaabang sa bawat taong bumababa sa mga sasakyang humihinto sa tapat niya sa pag-asang naalala siya ng mga anak niya at bibisita sila sa kanya. Nakaramdam ako ng lungkot, at napaisip kung bakit ngayon ko lang siya napansin. Sa sandaling iyon, tumitig lang ako sa labas ng bintana at pinanuod ang mga taong nasa kalsada hanggang makababa ako ng bus. Ilang pulubi ang nakita ko; ilang batang marungis at pakalat-kalat lunes na lunes imbis na nasa eskwela. Mayroon ring mga matatandang natutulog sa gilid ng kalsada, nakasandal sa mga poste ng kuryente at may katabing mga basong hinuhulugan ng barya ng mga nagdaraan.
Hindi na bago kung tutuusin ang ganitong tanawin para sa ating mga Pilipino. Sa dami ng mahihirap na tao sa ating bansa, halos wala na tayong maramdaman tuwing makakita ng ina na bitbit ang kanyang sanggol at nanghihingi ng limos—kung minsan nga’y maiinis pa tayo kapag nagungulit sila para sa ilang barya. Ang henerasyon ng mga kabataan ngayon na lumaki nang nakakakita ng ganitong kahirapan sa kalsada ay manhid na; naging normal na tanawin na lang sila para sa atin hanggang sa kadalasan nga’y hindi na natin sila napapansin.
Ito ang isang angat na katangian ng karamihan ng tao ngayon: hindi na tayo marunong magbaling ng tingin sa iba. Natutuon tayo sa ating mga sarili na tila ba walang ibang iniikutan ang ating mundo kung hindi tayo mismo. Balikan natin ang pagkaka-ayos ng aircon bus; idinidirekta ng mga pelikulang ipinalalabas ang ating atensyon tungo sa kathang-isip na nasa telebisyon at palayo sa totoong buhay na nagaganap sa labas ng mga bintana. Miski ang pagkakaroon ng mga kurtinang pang-takip sa tanawin ay maaring tignan bilang sanhi ng hindi natin pagtutuon ng pansin sa kung anong nagaganap sa labas ng ating komportableng kinauupuan. Ang bus ay isa lamang sa maraming pwedeng gawing halimbawa ng kung paano tayo nahuhulma ng sistema na maging makasarili- kung paano tayo nagiging tutok sa ating sariling mga hinaing at kung paano natin nakakalimutang ang mga hinaing na ito ay sintomas ng mas malalim na problema ng buong bansa. Hindi ba’t ito ang nagiging epekto ng Facebook at Twitter sa karamihan sa atin- ang kulungin tayo sa mundo na ang laman lamang ay tayo at ang ating mga kaibigan upang mabura sa ating alaala na mayroon pang mundo sa labas ng ating mga kinabibilangang pangkat?
Dahil sa pagkukulong na ginagawa sa atin, hindi tayo nagkakaroon ng ugnayan sa mga kapwa natin Pilipino. Hindi natin nakikita ang katotohanan na ang ating suliranin, ang suliranin ng mga pulubi, at pati na rin ng babaeng aking nakita noong araw na iyon ay hindi nagkakaiba ng ugat na pinagmulan. Dahil sa ating pagkakakulong sa hawlang gawa sa salamin kung saan tanging ang mga sarili natin ang ating naaninag, hindi natin nakikita na tayo ay konektado sa iba. Kung kaya’t may pangangailangan na kumawala sa ating pagiging makasarili; may pangangailangan na igala ang ating mga tingin at alamin ang nangyayari sa totoong mundo. [P]
0 comments on “MUMBLINGS | Hawlang salamin”