Culture Features

HODGEPODGE | ‘Kume’

NI PAUL CARSON

“Hindi na goberyno ang nagpapasweldo sa amin,” wika ng matandang babaeng naka-uniporme. Kauuwi lang niya galing sa trabaho; buong araw siyang nag-aayos ng mga papeles sa isang land transportation authority.

Araw-araw niyang nababasa ang balitang aakuin na umano ng isang kumpanya ang pamamahala sa kanilang opisina. Nagsimula na nga ito nang ang kumpanya na ang naglalabas ng sweldo sa kanila. Bukas, parating na ang kinontrata nito para ayusin ang layout ng opisina; may mga bagong trabahador.

Subalit bukas, makikita rin niyang wala namang uupo sa mga bagong cubicle. Madaragdagan ng sampu ang nasa listahan ng mga empleyado, at pareho silang P15,000 kada buwan ang sahod. Nangyari na ‘to dati, nang halos isang buong silid ang inilaan sa mga bagong empleyado, ngunit wala rin namang nag-oopisina dito. Ang nakapagtataka, may attendance record sila; walang liban, at puro overtime.

Tumaas na rin ang bayad sa ticket ng tren, para raw dumami ang badyet para sa pagpaparami ng mga tren at pagsasaayos ng mga serbisyo nito. Ganoon din naman ang nangyari noong bagong empleyado pa siya dito: puno ng sikhay at sigla sa pagtrabaho. Doon nagkaroon ng bayad ang mga bagay-bagay. Gaya ng pagdami ng mga kunwari’y “empleyado,” hindi rin niya makita ang dahilan kung bakit tumataas nang tumataas ang pamasahe sa tren kung marami namang pera ang mailalabas ng kumpanya sa pamamagitan ng public-private partnership.

Oo, alam niyang katiwalian na naman ang umiikot sa pamahalaan. Sa kabila ng mga pangako na “kapag walang kurap, walang mahirap,” ito siya, tumatandang sinasaksihan pa rin ang kahirapan at kurapsyon. Minsan, habang kausap ang mga anak, nagtataka na lang sila kung ano ang mauuna: kapag ba nawala ang kurap, mawawala rin ang mahirap; o kapag nawalan ng mahirap, mawawalan din ng kurap?

Magtanim ay ‘di biro. Totoo, lalo na kapag wala ka naman talagang pinag-aariang lupang pananim.

Taun-taon nagsasaka si Nestor, kasama ang daan-daang magbubukid sa isang malawak na hasyenda. Ilang taon na siyang nakikibaka sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga magsasaka upang makamit ang reporma sa lupa, para makamit ang sarili nilang lupa para pagtaniman at pagyamanin.

Sa kasamaang palad, tumatanggi ang hasyendero na ipamahagi ang kanyang lupa, o kahit taasan lang ang P9 nitong sahod kada araw: sakto para sa isang tasa ng kanin o kalahating sardinas, siguro. Ama sa tatlong anak (kanilang kagustuhan), nagtatrabaho sa kabila ng init ng araw at malamig na gabi; tunay na hindi maiangat ni Nestor sa simpleng sipag at tiyaga ang kanyang kalagayan, hindi tulad ng mga ipinagmamayabang ng mga galing daw sa hirap.

Minsan, magtataka ka na lang talaga kung paano sila nakapagpayaman nang ganoong kalaki sa kabila ng panunupil at paniniil ng mga ganid. Dahil sa kakulangan sa sahod at pagkalat ng kagutuman, hindi maiwasan ang mga ganitong pangyayari: kailangang isugod ang bunsong anak ni Nestor sa pagamutan. Hindi rin naiwasan ni Nestor ang mga ganitong pangyayari: may bayad na pala ang paggamot sa kanyang anak. Kulang din daw kasi sa badyet ang mga ospital, kakaunti na lang ang binibigay at kinakaltasan pa taun-taon.

Hindi na napigilan ni Nestor na umiyak at mainis sa pamahalaang nagtatamasa ng napakalaking kapital para maayos ang sistema sa serbisyong panlipunang nasasayang lang sa pambayad-utang. Wala namang napapala; lumalaki pa rin nang lumalaki ang pagkakautang ng Pilipinas, wika niya. Nagmistulang nagbayad ka lang ng barya sa interes.

Lubha na lang siyang nalungkot sa mga nasasayang na milyon araw-araw dahil sa mga bagay na hindi naman talaga kailangang gawin; parang bumili ka ng meryenda kahit busog ka pa. Nagsimulang magtaka si Nestor: bakit ginigipit ng pamahalaan ang sarili nitong mga boss?

Kagigising lang ni Isko mula sa pinagpuyatang mga sulatin at proyekto. “Eto na, papatapos na kong mag-aral dito sa UP. Kahit hindi ko na pinapayagang malaman ng mga kaklase ko sa large class ang batch ko, pinapaalam ko pa rin naman sa kanila ang mga nasaksihan ko simula noong naging NF ako,” at naglabas ng buntong-hininga.

Isang mainit na araw noong 2005 ang magsisimula sa kanyang malayo at matagal na tahakin para makapagtapos. Buhay ang militansya sa kampus, ngunit hindi naman niya iniintindi ang mga “sinisigaw” ng mga tibak sa Humanities: ibasura, patalsikin; noon ay naiinis din siya kung bakit hindi na lang mag-aral ang mga estudyanteng ito.

Subalit sa ikalawang taon niya sa UPLB, tumaas ang matrikula mula sa P300 kada yunit ay naging P1,000 na ang bayad nang sabay ring ipinatupad ang bagong Socialized Tuition and Financial Assistance Program. Noon, buntong-hininga lang ang binigay niya at sinabing baka kasi kulang na naman sa badyet ang UP. Hindi niya kinwestyon ito; “Siguro, marami lang talagang binabayaran ang pamahalaan.”

Labing-isa ang pumasa ng UPCAT noon mula sa kanyang pinanggalingang eskwelahan, pero apat lang ang nakapasok. Hindi raw nila kaya ang taas ng presyo ng edukasyon at lalong hindi nila kayang makapaglabas ng papeles para makamit ang gusto nilang STFAP bracket, kahit anumang sipag at tiyaga ang ilabas nila.

Tinignan niya ang isang estudyante noon sa Humanities: sumisigaw, nagpapaliwanag ukol sa pangyayari sa kampus. Sinubukan niyang makinig, isang pahinga mula sa pagkibit-balikat niya noong freshman pa lang siya, at doon nawala ang dating kuru-kuro at haka-hakang napanonood lang sa TV o nababasa sa diyaryo.

Kalauna’y nakuha niya ang katwiran sa likod ng paglaban. Naparami ang agam-agam, at napatanong siya: Ga-graduate pa kaya ako dito na mura pa ang binabanderang “UP education”?

Sa kasalukuyan, ang tanong ay hindi na gaano, kundi magkano.

Nagiging tanong ang kakayahang magbayad kaysa kakayahang pisikal.

Nasusukat na ang lahat sa pamamagitan ng lakas pang-ekonomiya kaysa lakas intelektwal.

Nagdurusa ang nakararaming nangamatay sa pagtrabaho para sa kayamanan ng iilan.

Naglalaban ang daan-daang kagalingan at daan-daang salapi ng mamamayan.

Sa panahong ito, salapi na lang ba ang tanging paraan, o makatwiran pa ring lumaban? [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “HODGEPODGE | ‘Kume’

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: