News

Indignation rally, inilunsad bilang pag-alala sa ikaapat na anibersaryo ng kamatayan ni Given Grace

Ulat ni CZARINA JOY AREVALO

Bilang pag-alala sa ika-apat na anibersaryo ng kamatayan ni Given Grace Cebanico at bilang pagkundena sa mabagal na usad ng hustisya para sa kanya, pinangunahan ng Gabriela Youth UPLB ang Indignation Rally at Candle Lighting Ceremony nitong Lunes, Oktubre 12, 2015 sa Carabao Park.

Si Cebanico, 19, ay isang mag-aaral ng BS Computer Science na ginahasa at pinatay noong Oktubre 11, 2011. Natagpuan ang kanyang katawan sa Institute of Plant Breeding (IPB) Road sa Brgy. Putho-Tuntungin, Los Banos, Laguna.

Sa naganap na paggunita sa kanyang kamatayan, nagbigay ng mensaheng pakikiisa ang iba’t ibang grupo at organisasyon sa pamantasan. Matapos ay nagsindi at nag-alay ng mga kandila ang mga dumalo. Kabilang sa mga nakidaupan ang UPLB Perspective, University Student Council (USC),  College of Arts and Sciences Student Council (CAS-SC), Samahan ng Kabataan Para sa Bayan (SAKBAYAN), Center for Nationalist Studies, Kapatirang Plebeians UPLB Curia, Anakbayan-UPLB, Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), League of Filipino Students (LFS), at Sigma Alpha Nu.

“Pukawin! Organisahin!” ang sigaw ni Charles Masirag mula sa SCMP. Binigyang-pansin sa mga mensaheng pakikiisa ang represyon at militarisasyon sa pamantasan, paglabag sa mga karapatang pantao, karahasan at kulturang kawalan ng pananagutan.

“Ito yung mga iba’t ibang sector katulad ng magsasaka kung saan matindi yung hirap na dinadanas nila; sa sector ng kababaihan na double oppression ang nararanasan nila bilang sila ay babae; sa hanay ng mga manggagawa na lubos na pinapahirapan ng sistemang kapitalista.” pahayag ni Pauline Malabanan, punong kalihim ng Gabriela Youth UPLB.

“Gamitin yung talino natin, bilang tayo ay iskolar. Tayo ay mga iskolar ng bayan para sa bayan. Hindi lang dito nagtatapos sa pagkakaroon ng kaalaman. Gamitin natin ito para kumilos, ipaglaban, ipagtanggol ang malawak na hanay ng masang Pilipino.” dagdag pa ni Malabanan.

Apat na taon ng dinidinig sa korte ang kaso ngunit wala pa ring resolusyon at hustisya ang nakukuha ng pamilya ni Given Grace. [P]

0 comments on “Indignation rally, inilunsad bilang pag-alala sa ikaapat na anibersaryo ng kamatayan ni Given Grace

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: