Sa ika-apat na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, natunghayan muli ng madla ang ulat nito ukol sa estado at hinaharap ng bansa, sa kanyang pang-limang State of the Nation Address (SONA). Hindi na bago ang purihin nito ang kaniyang gobyerno sa aniya’y pagiging handa at estabilisado sa gitna ng mga matitinding unos na kinaharap ng bayan, sa mga nakalipas at kasalukuyang taon. Hindi rin bago ang patutsadahan nito ang mga kritiko, progresibo, at kalaban sa pulitika, masiraan lamang ang lumalawak na pagkilos laban sa kanya. Kung sa bagay sa apat na taon niya sa puwesto ay wala namang tunay na pagbabago at pag-unlad na nangyari, ngunit mas lumala ang karahasan, kahirapan, korapsyon, at mga atake sa karapatang pantao at sa malayang pamamahayag.
Kabalintunaan sa kanyang mga sinabi, batid ng masa ang mga naging anti-mahirap at anti-mamamayan nitong mga polisiya. Simula’t sapul pinahirapan kaagad ng administrasyong ito ang publiko sa pamamagitan ng mga programang nakasasagasa sa kapakanan ng marami lalu’t lalo na ng mahihirap tulad na lamang ng mga planong kalakip ng DuterteNomics at karumal-dumal na War on Drugs. Nasaksihan din natin ang unti-unting pagtiklop ni Duterte sa kapangyarihan ng Tsina at pakikipagsabwatan sa Estados Unidos, sa kabila ng pangakong pagtatatag ng Independent Foreign Policy.
Sa kasalukuyan, nababalot sa takot at karimlan ang Pilipinas dahil sa mga hakbangin ng administrasyong Duterte na tumutungo sa pagpapalawig at pagkonsolida ng kanilang kapangyarihan, sa kabila ng lumalalang krisis pangkalusugan dulot ng pandemya. Kung ating susuriin, lahat ng mga problema at kontrobersyang umuusbong bawat taon sa ilalim ng rehimeng ito ay naka-ugat sa interes nila, ng malaking burgesyang kumprador at ng mga imperyalista.
Noong taong 2016, ilang buwan lamang matapos maluklok sa puwesto ay idineklara ni Duterte ang State of Emergency sa Mindanao sa bisa ng Proclamation No. 55, bilang tugon sa 2016 Davao City Bombing. Ito na ang hudyat ng pagsisimula ng labis na militarisasyon sa nasabing pulo. Unang inilunsad din sa taong iyon ang War on Drugs, kung saan sa naging laganap ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng illegal na droga. Ang serye ng mga extra-judicial at mala-vigilante na pagpatay na patuloy na nangyayari, ay tumatalima mismo sa basbas at utos ng Pangulo.
Noong 2017, pumutok ang pagkubkob sa Marawi ng mga teroristang Maute-ISIS, na nagresulta sa limang buwang bakbakan at pagkawala ng maraming buhay at kabuhayan ng maraming sibilyan. Tuluyang napasailalim sa Martial Law ang Mindanao na tumagal ng dalawa’t kalahating taon at lalong tumindi ang pang-aabuso ng mga militar sa mga bayan at kanayunan. Hanggang ngayon hindi pa rin tuluyang naisasaayos ang mga bakas ng nagdaang labanan, sa kabila ng pangakong rehabilitasyon ng administrasyon.
Noong 2018, lumaganap ang militarisasyon sa mga bayan-bayan ng Luzon at Visayas sa utos ng Memorandum Order No. 32 o Oplan Kapanatagan. Naitala rin sa taong iyon ang Sagay Massacre, isa sa mga serye ng pagkitil ng mga magsasaka sa Negros, kung saan siyam na pesante ang namatay sa kamay ng mga panginoong may-lupa. Sa taong din ito naitatag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa bisa ng Executive Order No. 70. Dahil dito, dumami ang kaso ng red-tagging kontra sa mga progresibong grupo at indibidwal, sa pangunguna mismo ng pamahalaan. Malawakan din ang pag-aresto sa mga aktibista sa ilalim ng mga gawa-gawang kaso.
Noong 2019, naisabatas ang Republic Act 11203 o mas kilala bilang Rice Tarrification Law alinsunod sa dikta ng kasunduan sa World Trade Organization (WTO) at para na rin diumano masugpo ang lumolobong implasyon sa bansa. Nagdulot lamang ito ng napakatinding pagkalugi sa mga lokal na magsasaka dala ng pagbaha ng bigas sa merkado. Dagdag sa pahirap ng mga magsasaka ang tahasang land grabbing at land conversion ng Pamilyang Villar, isa sa mga real estate developer dito sa bansa. Ginamit ng mga Villar, isang pamilya ng mga malalaking burgesyang kumprador at panginoong may-lupa, ang kanilang mga puwesto at impluwensya sa gobyerno upang maging lehitimo ang kanilang proyekto
Ngayong 2020, dahil sa COVID-19 pandemic, ay mas lalong nailantad ang patuloy ng lumalalang pagbulok ng sistemang nagpapagalaw sa mundo — ang kapitalismo. Kasabay nito, nailantad rin ang kabalastugan at kahinaan sa pagtugon sa krisis ng mga awtoritaryang lider sa iba’t ibang bansa tulad ng Brazil at Estados Unidos. Ramdam ni Duterte ang lumalaking oposisyon at kritisismo laban sa kanya kung kaya’t niratsada niya ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law of 2020. Tinutulak na rin nila ang pagsesemento ng kanilang kapangyarihan sa mukha ng Charter Change.
Hindi rito nagtatapos ang listahan ng kasalanan ng kasalukuyang administrasyon at mga kaalyado nito. Parte lamang ito ng mga pambubusabos ng pamahalaan sa sambayanang Pilipino, na siyang repleksyon sa kanilang tunay na kulay bilang mga populista, pasista, at papet ng mga dayuhang mandarambong. Ang pagka-inutil ng adminsitrasyong ito sa mga problema ng bayan ay nangangahulugan na huwad ang kanilang pagpapahalaga sa bansa. Mahalagang malaman din na ang pagkikibit-balikat sa mga abusong ito ay pumapatay lamang ng oportunidad ng pagbabago at pag-alpas patungo sa lehitimong kinabukasan.
Gayunpaman, sa kabila ng tumitinding atake at pananakot ng estado, mas lumalalim pa ang diwa ng demokrasya sa lumalawak at nagkakaisang hanay ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo, maralita, estudyante, at sibil na lipunan. Nariyan ang kaliwa’t kanang pagkilos, pagsuporta sa mga nahihirapang komunidad, at mga online na pag-aaral at pagtalakay sa mga isyu ng bayan, upang hamigin ang sambayanan na itaguyod ang kanilang karapatan sa harap ng nakaambang panganib. Kasabay nito, dumarami ang mga panawagan na kilalanin ang mga alituntunin ng batas ng bansa, nang sa gayon supilin ang umiigting diktadurya. Subalit, hindi dapat dito tumigil ang mithiing matamasa ang tunay na kalayaan at kaunlaran. Ang pag-aasam ng pagkapantay-pantay at pagwaksi sa pananamantala ay dapat nakasentro rin sa pagtataob ng sistemang nagdudulot lamang ng inhustisya.
Samakatuwid, ang tunay na SONA ay dapat magmula sa daluyong ng masang-api, sa representasyon at wika ng mamamayang batid ang materyal na kondisyon ng lipunan at hindi ng iilan lamang makapangyarihan. Napatunayan na ng kasaysayan na ang kolektibong pagkilos para sa katarungan ang siyang nagbibigay daan para sa kapayapaan, kasaganahan at pinakasulong na uri ng lipunan. [P]
0 comments on “Unos ng kasinungalingan”