News Southern Tagalog

Rjei Manalo, pinagpugayan bilang martir ng sambayanan

Walang kasing sakit ang iyong pag lisan

Paglisan na walang paalam

At wala na din balikan

Kirot at hapdi tumatagos sa buing kaalaman

Ito ang iilan sa mga linya sa tula na ginawa ni Orlando Manalo, ama ni Rona Jane Manalo, na mas kilala bilang si “Rjei Manalo” ng nasawing Brooke’s Point 5. Tagos hanggang buto ang damdamin sa kanyang tula – ang paghihinagpis na sinapit ng pagkawala ng kanyang anak.

Ilang araw na ang lumipas matapos ang umano’y engkwentro ng limang miyembro ng New People’s Army (NPA) laban sa mga armadong sundalo na parte ng Force Recoinnaissance Group of the Philippine Marine Corps noong ika-3 ng Setyembre sa Brooke’s Point, Puerto Princesa, Palawan.

Ayon sa Karapatan Timog Katagalugan (TK), kumpirmadong namatay si Manalo kasama sina Bonifacio “Salvador Luminoso” Magramo, ang tagapagsalita ng Bienvenido Vallever Command (BVC) ng Palawan at ang kalihim ng Sub-Regional Military Area-4E (SRME-4E), Noli Ciasico, at si Andrea Rosal – anak ng dating tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Gregorio “Ka Roger” Rosal.

Nang nabalita ang kanyang kamatayan, pinagpugayan siya ng iba’t ibang pormasyon sa Timog Katagalugan, katulad ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN) sa UPLB, bilang isang “Lider Estudyante, Babae, Tagapagtanggol ng Karapatan, at Martir ng Sambayanan” sa kanilang Facebook post.

“Ang buhay at sakripisyong nilaan ni Rjei ay tiyak na magsisilbing insipirasyon sa libo-libong Iskolar ng Bayan, kabataan at estudyante. Hindi matatawaran ang iyong inialay at sinakripisyo para sa bayan,” payo ng SAKBAYAN.

Ayon naman sa Gabriela Southern Tagalog (ST), ang mga paraan ng paninira sa reputasyon ni Manalo ay hindi matatagpan na siya ay may malaking kontribusyon para sa kababaihan.

“Nagiging tuntungan rin ang mga black propaganda na ito upang ipalaganap ang sekswalisasyon sa mga kababaihan na siyang naging mahalagang bahagi ng pakikibaka ni Kasamang Rjei,” ayon sa Gabriela ST.

Pinaliwanag naman ng Gabriela Youth ST na hindi pinilit si Manalo maging rebolusyonaryo, at pinagpasyahan niyang lumahok sa pinakamataas na antas ng pakikibaka.

“Rjei was not brainwashed, she was an intellectual who understood societal ills and worked towards genuine social change. It was the fascist state and the corrupt bureaucrat-capitalist government that pushed Rjei to become a revolutionary,” sabi ng alyansa.

Tunay, palaban, at makabayan

Kinilala si Ka Rjei bilang isa sa mga magigiting na student leader sa UPLB. Siya ay naging vice chairperson sa partido-alyansang SAKBAYAN, at namuno sa mga organisasyong Gabriela Youth UPLB at Mussaenda Honor Sorority. Noong matapos niya ang kursong Batsilyer sa Agham sa Panggugubat sa UPLB noong 2011, siya’y naging Pangkalahatang Kalihim ng Gabriela ST.

Nang ininterbiew si Bhen Aguihon, kasamahan ni Manalo sa SAKBAYAN at dating kamag-aral, tinuring niya si Manalo bilang isang militanteng lider-mag-aaral.

“Palagi syang nakangiti at laging positibo. Minsan nakaka-overwhelm yung ganung disposition niya. Siguro yun yung kaibahan niya. May certain degree of firmness and seriousness na lagi nyang pinapakita,” sabi ni Aguihon.

Inalala ni Aguihon ang naganap na lightning rally noong graduation ng 2010, na kung saan tumakbo siya sa seremonya na naka-paa lamang, at may dalang megaphone dahil hindi daw “makaagaw ang mic.”

Hindi niya akalaing dadalo si Manalo sa martsa dahil sa hindi niya pa daw tapos na thesis na tungkol sa mga pambansang minorya.

“Bumulong siya sa akin, ‘sinong nagsabing di ako makakamartsa ngayong taon?’ Tumaas yung emosyon ko nun. Naramdaman ko yung personal resolve niya rin na makatapos, na sa tingin ko ay yung reflection ng pagpapahalaga niya sa edukasyon, na kampanya ng mga kabataang estudyante hanggang sa ngayon,” paliwanag ni Aguihon.

Payo ni Laurence Castillo, isa sa mga kaibigan ni Manalo, na si Manalo’y isang aktibong lider na madalas sumasama sa mga Basic Masses Integration (BMI). 

“Dumalo kami sa basic masses integration kasama ang Nestle Workers sa Cabuyao, at natatandaan kong laging aktibo siya sa mga talakayan hinggil sa political struggles ng iba’t ibang sektor ng lipunan,” sabi ni Castillo.

Ayon sa pahayag ng Gabriela Youth ST, ginamit ni Manalo ang kanyang kaalaman sa kurso na natapos upang tulungan ang mga kababaihan mula sa mga komunidad ng mga katutubong Mangyan at Palaw’an para ipaglaban ang sinasabing pinaplanong large-scale mining at militarisasyon sa lugar.

Dagdag din ng Gabriela Youth ST, na dahil sa pagpapatay at pagpapaharass sa mga katutubo sa Mindoro at Palawan, siya’y nagpasyang maging pulang mandirigma.

“Rjei could no longer stand as IP communities were harassed; tribal leaders murdered, women and children, raped. Rjei knew that she had to fight back,” batid ng Gabriela Youth ST.

Buhay ng serbisyo

“Una kong nakilala si Rona/Rjei nang umarte kami sa staging ng Bagong Cristo — radikal na dula ni Aurelio Tolentino — noong 2008 sa UPLB. Nakikita ko na siya noon sa ilang mga activities ng [SAKBAYAN] pero mas naging malapit kami nun,” banggit ni Castillo.

Habang siya’y nainterbiew ng Perspective, nilarawan ni Castillo na si Manalo ay isang magaling na artistang sining nung sila’y nag-aaral pa.

“Bilang artista, iba ang intensity ni Rona sa paggampan sa papel niya. Marahil dahil bitbit na rin niya ang mga karanasan niya sa pagkilos bilang aktibista. Maluwag ngumiti sa labas ng entablado, pero intense umarte on-stage; palagi siyang napupuri ng direktor namin noon dahil malalim siyang tumitig at mahusay magportray ng hinagpis sa mga eksena niya,” sabi ni Castillo.

Sa labas ng pagdadalo sa mga kilos-protesta o sa mga BMI, na kung saan ang tao’y makikisama at lulubog sa mga batayang sektor, payo ni Castillo na si Manalo ay isang tao na minsan seryoso, ngunit sa kabuuan ay may mabuting puso.

“Nung minsang nagpuyat kami kakahuntahan magdamag bago ang BOR rally sa Diliman laban sa large class, pinuna kami ni Rona dahil sa aming ‘di kinakailangang sakripisyo.’ Mapagwasto sa kasama, pero malambing at chikadora,” sabi ni Castillo.

Binanggit din ni Aguihon ang pagiging peminista ni Manalo.

“Nakailang beses niya akong inimbita na umupo sa Basic Women’s Orientation. Kapag nakikita nya na may mali kang perspektibo sa kababaihan, sasapulin at ipapaliwanag nya yun. Madaming fratmen ang nabigyan nya ng ganyang pag-aaral.,” banggit ni Aguihon.

Hindi makakalimutan

Bilang pagtatapos, diniin ni Aguihon na hindi terorista si Manalo, at ang kanyang buhay ay may aral na malubha ang sakripisyo na haharapin ng isa upang magkaroon ng progresibong pagbabago.

“Hindi mali ang pinili nya, dahil pinapatotohanan ng pamilya, kaibigan, kakaklase, kasama, at higit ng masa na mabuting tao si RJ. Malayo sa teroristang nabrainwash na nais ipatanggap ng estado,” sabi ni Aguihon.

Nabanggit naman ni Castillo na hindi naman tumitigil ang ilang progresibong organisasyon para ipagpanawagan ang hustisya ng mga nasawi sa insidente. Sa pahayag ng kanyang kaibigan, binanggit nya na hindi makakatugon ang mga militarisadong pagkilos ng pamahalaan lalo na’t sila’y nagdudulot daw lamang ng pananakot sa komunidad.

“Kinakailangang tugunan ang mga sosyo-ekonomikong kalagayan na nagtutulak sa mga mamamayan upang mag-aklas,” dagdag pa nya.

Matapos ng iilang araw, naiuwi ng mga kaanak sa Maynila ang labi ng limang nasawi kamakailan sa Palawan, matapos maantala sa kamay ng mga awtoridad at ang mabagal na pagproseso ng dokumento para mauwi ang labi na naging dahilan ng paghihirap ng ilang miyembro ng kani-kanilang mga pamilya. [P]

Litrato mula Karapatan Timog Katagalugan/Facebook

2 comments on “Rjei Manalo, pinagpugayan bilang martir ng sambayanan

  1. Pingback: Labi ng isa sa Baras 5, binigay na sa pamilya matapos hinostage nang 3 linggo – UPLB Perspective

  2. Pingback: Taking up space: Honoring the women of Southern Tagalog – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: