News Southern Tagalog UPLB News

Protesta de Mayo sa UPLB, inilunsad upang tutulan ang pagbabalik nina Marcos-Duterte sa ehekutibong posisyon

Itinampok ng Protesta de Mayo ang mga kultural na pagtatanghal na may kaugnayan sa mga pag-abuso at kapalpakan sa ilalim ng mga rehimeng Marcos at Duterte.

Mga salita ni Hope Sagaya

Nagsimula ngayong Miyerkules, ika-25 ng Mayo, ang Protesta de Mayo na inilunsad sa Carabao Park, UPLB bilang pagtutol sa nagbabadyang pagbabalik ng Marcos-Duterte sa Palasyo.

Ito ay inilunsad ng Youth Defy Marcos and Duterte Southern Tagalog (ST), isang malawak na alyansa ng mga kabataan na binubuo ng iba’t-ibang mga organisasyon, institusyon, at indibidwal na ang layunin ay tutulan at labanan ang alyansang Marcos-Duterte.

Magpapatuloy ang programa hanggang Biyernes, ika-27 ng Mayo, at patuloy na magtatampok ng mga tagapagsalita, artista, at mga pelikulang nagpapakita ng realidad sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr. at ang paghihirap na dulot nito sa sambayanang Pilipino.

“Nakakatuwang aktibong lumalaban ang kabataan para biguin ang Marcos-Duterte. Sa kasaysayan ng UPLB, dito nabuo ang unang USC [University Student Council] sa ilalim ng Martial Law,” saad ng 1983-1984 UPLB USC Chair na si Bani Cambronero sa kanyang pambungad na pananalita.

Binigyang-diin din niya kung paanong hindi totoong “golden age” ang Batas Militar. Aniya, nilusaw nito ang mga samahan at ipinagbawal ang mga pagtitipon. Sa ilalim ng Batas Militar, libo-libo ang inaresto at ikinulong nang walang matibay na batayan. Libo-libo rin ang mga desaparecidos, at kaso ng mga tinortyur at pinatay.

“Napakalupit ng Batas Militar. Pero kung ang namumuno ay katulad ni Marcos, wala tayong national development. Hindi tayo aasa sa Marcos-Duterte,” dagdag pa ni Cambronero.

Pambungad na pananalita ni Bani Cambronero.

Samantala, binalikan naman ni Defend Southern Tagalog Spokesperson Charm Maranan kung paano naging saksi ang UPLB at Southern Tagalog sa bagsik at lagim ng Batas Militar at ng administrayong Duterte. Ayon sa kanya, walang ginawa ang dalawang rehimen kundi pahirapahan ang mga mamamayang Pilipino.

“Hindi natatapos sa eleksyon ang ating laban. The more we mobilize, organize people, the greater our chances against a MAD tyranny.” dagdag pa niya.

[“Kung tayo’y magmomobilisa, mag-oorganisa, mas malakas ang ating tsansa laban sa tiraniyang MAD.”] 

Dumalo rin sa protesta ang Kabataan Partylist (KPL) ST. Pinuri ng party-list ang pagdalo ng mga kabataan sa protesta, at sila’y nagpasalamat para sa 542,000 na boto na natanggap ng KPL noong eleksyon.

“Gayunpaman, kaliwa’t kanan ang pag-red-tag sa KPL at sa kabataan. Hindi ito malayo sa karanasan noong rehimen ni Marcos Sr. Kung kaya tumindig ng kabataan noong First Quarter Storm, kaya rin natin ngayon ipaglaban ang ating demokrasya!” ani Jainno Bongon ng KPL ST.

Pahayag ng KPL ST.

Sa gitna ng protesta, nagkaroon ng maikling educational discussion ang Youth Defy ST tungkol sa disqualification case ni Marcos Jr.

Samantala, kinanta naman ang “Awit ng Kabataan” para igiit ang pagtutol ng nasabing sektor laban kina Marcos at Duterte.

Ang buong gabi ay napuno ng makabuluhang pagtatanghal ng iba’t ibang mga artista ng bayan, kabilang sina Ka Armand na dating estudyanteng aktibista at manggagawa ng Los Baños, at ang bagong tatag na grupo ng artistang Artist Resist Marcos at Duterte (ARMADA). Ang bawat pagtatanghal ay nagsasaad ng mga kwento noong Batas Militar at kung paano tumindig ang mga mamamayang Pilipino laban sa malagim na pamumuno ng dalawang rehimen. 

Opisyal namang tinapos ni UPLB USC Chairperson-elect Gean Celestial ang programa sa unang gabi.

“Lahat ng pumunta dito, iisa ang mithiin natin. Hindi matatapos ngayon ang laban natin, patuloy ang ating pagtindig,” aniya.

Presentasyon ng ARMADA.

Ang pagtutol ng kabataan

Hinihikayat ng Youth Defy Marcos and Duterte ST ang mga kabataan na tutulan ang nalalapit na pag-upo nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte sa dalawang pinakamataas na posisyon ng bansa.

Layunin din ng grupo na pigilian ang malawakang disimpormasyon sa bansa sa pamamamagitan ng pagsasagawa ng mga pag-aaral, porum, at iba pang pagtitipon upang ipaalala sa mamamayan ang mga naging kasalanan ng rehimeng Marcos at Duterte sa Pilipinas.

“Sa nalalapit na pag-upo ng Marcos-Duterte sa dalawang pinakamataas na posisyon sa ating bansa, titindig ang mga kabataan upang hindi sila mahayaang makabalik sa Malacañang at maghasik na naman ng napakaraming pag-abuso sa karapatang pantao,” ani ng alyansa.

Binigyan-diin din ng Youth Defy Marcos and Duterte kung paano nakaupo sa kapangyarihan sina Marcos Jr. at Duterte, at kung paanong ang kanilang pagkapanalo ay resulta ng samu’t-saring dahilan ng bulok na pampulitikang sistema na nag-ugat sa kanilang mga ama, at kung paano ring ang malawakang disimpormasyon ay binaon ang kanilang mga kasalanan sa sambayanang Pilipino.

Maliban pa rito, binigyang-linaw rin ng fact-checking initiatives ang malawakang pagkalat ng mga pekeng balita, disimpormasyon, at pagrebisa ng kasaysayan na nakatulong sa pagkapanalo ni Marcos Jr. Ang mga maling impormasyong nagpapabango sa imahe ng mga Marcos ay naging mas laganap na dahil sa social media (BASAHIN: Southern Tagalog progressives protest vs electoral fraud).

Ayon sa Youth Defy Marcos and Duterte, nagbabadya ang malalang kalagayan ng bansa kapag naupo sa pwesto ang alyansang Marcos-Duterte.

Nagbabadya rin ang banta ng malawakang pagbabago ng kasaysayan, na tila naging mas malinaw pa nang inanunsyo ni Marcos Jr. na ang magiging sekretarya ng Kagawaran ng Edukasyon sa kanyang administrasyon ay si Duterte. Matatandaang may plano rin si Duterte na ibalik ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa bansa, na nagbabanta ng malawakang militarisasyon sa loob ng mga eskwela. [P]

0 comments on “Protesta de Mayo sa UPLB, inilunsad upang tutulan ang pagbabalik nina Marcos-Duterte sa ehekutibong posisyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: