Mga salita ni Hanalit Zafra
Sa pagsisimula ng bagong taon, patuloy pa rin ang masalimuot na pakikipagsapalaran ng mamamayang Pilipino laban sa matinding kahirapan at kagutuman. Ang mabilis na pagtaas presyo ng mga bilihin at ang nanatiling mababang sahod ay naguudyok sa mas mahirap na buhay para sa mga manggagawang Pilipino. Tumataginting na 8.1% ang inflation rate sa Pilipinas noong Disyembre 2022. Ito ang pinakamataas na naitala sa nakalipas na 14 taon mula noong Nobyembre 2008. Tandaan na nababawasan ang halaga ng sinasahod ng mga manggagawa tuwing may pagtaas sa antas ng inflation sa bansa.
Ayon sa IBON Foundation, para sa isang pamilyang may limang-myembro na nakatira sa NCR, dapat Php 1,140 kada araw ang kinikita upang matustusan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Sa kasalukuyan, Php 570 lamang ang daily minimum wage na ‘di hamak na mas maliit sa nirerekomendang sahod.
Ang tanong, paano pinagkakasya ng mga Pilipino, lalong-lalo na ng mga nasa laylayan, ang kanilang sahod laban sa mahal na mga bilihin? Paano nila natutustusan ang kulang na kita para ipambayad sa mga gastusin? Madalas na sagot dito ay “nasa kaniya-kaniyang diskarte lang naman iyan.” Bago ang Pasko, niregaluhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng sakit sa ulo ang mga Pilipino matapos maglabas ng “price guide” para sa handa ng Noche Buena. Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, kasyang kasya ang Php500.00 dahil “dapat kung magluluto, mayroon ka namang bawang, sibuyas, at mantika na.”
Dito palang ay makikita na kung gaano kawalang-alam ang gobyerno sa estado ng kanilang pinagseserbisyuhan. Kahit na may krisis sa sahod at bilihin sa Pilipinas, tinutulak pa rin sa mga tao ang pagiging matatag (resiliency) at diskarte sa halip na magpahayag ng hindi pagsang-ayon o pagtutol sa kasalukuyang pamamalakad ng administrasyon.
Pagsusuri sa “diskarte”
Ang diskarte ay walang direktang kasingkahulugan sa Ingles, ang pinakamalapit na pagsasalin dito ay strategy o approach. Ginagamit ang diskarte sa iba’t-ibang konteksto tulad ng sa panliligaw, mga negosasiyon, at sa paglutas ng mga problema.
Sa loob ng dalawang taon ng pandemya, maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa mga pinairal na lockdowns. Sa kabila ng mga problema at pagsubok na kinakaharap, nagagawan pa rin ng paraan ng mga Pilipino na makahanap ng ibang mapagkakakitaan. Nauso ang mga live-selling at may mga nanghihingi ng tulong pinansiyal sa mga social media platforms para pambayad sa ospital o pambili ng gadyet para makapagpatuloy sa pag-aaral.
Ang salitang diskarte ay may iba’t-ibang implikasyon; maaaring ito ay isang saloobin o pananaw sa buhay. Ang diskarte ay pinapahalagahan at kadalasang pinaparangalan bilang isang asal (cultural behavior) kung saan ang isang tao ay may sariling paraan para maiwasan ang anumang hadlang para mapagaan ang pamumuhay. Kakabit ng diskarte ang pagiging matatag at pagkamalikhain ng mga Pilipino. Ang isang madiskarte na tao ay maaaring mailarawan bilang mapamaraan (resourceful) o street smart. Sa kasamaang palad, napipilitan ang ilan sa mga mamamayan na dumiskarte sa hindi legal na paraan katulad na lamang ng pagsingit sa linya, pandaraya sa pagsusulit, pagamit ng fixers, palakasan sa mga opisyal ng gobyerno, at panunuhol tuwing na-ticketan sa daan. Ang iba ay humahawak pa sa patalim—pagbebenta ng droga o kaya nama’y pagnanakaw—para lamang may mapangkain.
Mayroon namang iba na puhunan ang kanilang kasanayan katulad ng pagtayo ng community pantries sa kasagsagan ng lockdown, pagiging part-timer habang nag-aaral, pagbebenta ng mga handicrafts, pagkokomisyon ng mga artworks, pangangalakal, pagiging labandera, at iba pa.
Sa kabila nito, mabuti man o masama, hindi natin mapagkakaila na ang mga gawing diskarte ay bunga ng kapabayaan ng estado sa pamamahala at kabiguang magbigay ng sapat na mga serbisyong pampubliko. Sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan (tulad ng sa Pilipinas), ang tagumpay ay madalas na sinusukat sa pinansyal na katayuan at karangyaan ng pamumuhay. Iniuugnay natin sa taong matagumpay ang pagiging masipag, matiyaga, at determinado. Kaya naman madaling isipin na ang mga taong hindi nakakaahon sa kahirapan ay tamad, walang pakialam, sariling produkto ng kanilang mga maling desisyon sa buhay. Lubos na mauunawaan ang diskarte ng isang indibidwal kung alam natin ang kanilang personal at panlipunang kalagayan na nag-udyok sa paggamit nito.
Pagiging madiskarte sa Pilipinas
Ayon sa naitalang datos noong Nobyembre 2022, mayroong 21.5 milyong manggagawa ang napapabilang sa impormal na sektor, kung saan binubuo nila ang 43.2% ng mga employed. Salungat sa pahayag ng gobyerno, ang pagtaas ng employment rate dahil sa mga part-time at impormal na mga trabaho ay hindi pahiwatig ng pagbabalik lakas ng ating ekonomiya. Ang pag-giit ng gobyerno sa isang malakas na labor market base lamang sa employment rate ay pagbabalewala sa pagdami ng mababang kalidad na trabaho, na pinipilit lamang ng mga Pilipino na subukan ang mga ito para lamang may maipangtawid sila sa kanilang pangaraw-araw na gastusin.
Ang diskarte ay nagmumula sa hindi pantay na ugnayang panlipunan, isang direktang resulta ng kapitalismo. Kapit sa patalim ang ating mga mamamayan para lamang mairaos ang kanya-kanyang pamilya, kung ano-anong mga gimik at raket ang pinapatulan upang malampasan ang kahirapan. Mga trabahador na sumusweldo ng minimum wage o mas mababa pa ay kumakayod araw-araw habang ang mga kapitalista ay mas lalong lang nagpapayaman.
Ang pahayag ni Donnalyn Bartolome tungkol sa back to work matapos ang bakasyon ay isang manipestasyon ng nakakalasong pag-iisip dala ng kapitalismo. Hindi lahat ng tao ay may pribelihyo upang itigil ang pagtatrabaho at maging vlogger o may kakayahang makapaghanap ng alternatibo sa mga bagay-bagay dahil sa simula pa lang, wala na silang resources upang matugunan ang mga ito. Maaring wala silang kagamitan, kulang sa karanasan upang makapaghanap ng ibang trabaho, o hindi nakapag-aral, iilan lamang sa mga hadlang na kinakaharap ng mga karaniwang indibidwal.
Kamakailan lamang, tumanggap ng batikos ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa kanilang iminungkahi na noche buena sa Pasko na nagkakahalagang Php 500.00 na ika nga nila ay sapat na para sa pamilya na may limang miyembro. Ginamit nanaman dito ang diskarte bilang solusyon sa problema ng pagtaas presyo ng mga bilihin.
Sa ganitong sitwasyon, hugas-kamay ang mga dambuhalang negosyante, korap na politiko, at mga panginoong may lupa sa kanilang mga pananamantala. Binabaling ng mga kapitalista ang kanilang mga kalapastanganan sa mga uring manggagawa at pinaparating na kulang o wala silang diskarte sa buhay kaya hindi umuunlad ang kanilang kalagayan sa buhay, kahit na sila ang kumakayod araw-araw umaraw man o umulan. Itinatak sa ating mga isipan na ang mga taong mahirap ay tamad kaya nanatili silang lugmok sa kahirapan.
Nabulag ang mga Pilipino sa totoong dahilan kung bakit talamak ang kahirapan, kagutuman, at hindi pagkakapantay-pantay dahil tinuruan tayong sisihin ang ating mga sarili at ating kapwa mamamayan kung bakit hindi tayo umuunlad. Sa katotohanan, walang kakayahan ang ating gobyerno na makapagbigay ng solusyon sa intergenerational poverty na dinaranas ng halos lahat ng pamilyang Pilipino. Walang kahit ano mang diskarte ang magbibigay sa lahat ng pantay-pantay na kaginhawaan sa buhay.
Panandaliang solusyon sa sistemikong problema
Mayroong 19.99 milyong indibidwal ang nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold o 18.1% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang hindi nakakatanggap ng sapat na sahod para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan. Ang walang pagkakapantay-pantay sa oportunidad ng paggawa, trabaho, at edukasyon ang nagtatakda kung paano nalilikha at nagagamit ang mga “diskarte”. Ang taong madiskarte ay karaniwang nanggagaling sa mababang posisyon sa lipunan.
Ang diskarte ay ginawang panandaliang solusyon sa ating sistemikong problema sa bansa. Inilipat nito ang sisi mula sa kawalan ng kakayahan ng gobyerno na makapagbigay sa mga mamamayan ng sapat na serbisyong pampubliko na nararapat na matamasa ng mga mamamayang Pilipino. Nakakalusot ang mga korap na opisyal sa gobyerno sa kanilang mga katiwalian dahil namanipula nila ang sambayanang Pilipino sa pag-iisip na ang kalagayan nila sa buhay ay umaasa lamang sa diskarte nila.
Ang ating mga kababayan ay nagsisipag at naghahangad na makahanap ng matinong hanapbuhay. Kaya naman mahalaga ang mabuting pamamahala, dahil sa huli, ang kahirapan at lalo na ang intergenerational poverty ay isang isyung pampulitika na dulot ng kawalan ng suportang panlipunan para sa mga nangangailangan. Bagama’t itinuro sa atin na ang diskarte ay isang paraan para matutong bumaluktot at umangkop sa kayamut-yamot na kalagayan sa buhay, ginagamit at yumuyuko na ito ngayon sa kapritsuhan ng mga nasa itaas.
Kailangan ng panagutin ang mga kapitalista sa kanilang mga paniniil sa sambayanan. Ipagpatuloy at mas paigtingin ang pangangalampag laban sa mapagsamatala at pasistang awtoridad. Panahon na upang ang gobyerno naman ang dumiskarte upang makapaglahad ng konkretong solusyon at tunay na tulong sa mga uring manggagawang Pilipino at mahihirap. [P]
0 comments on “Ang mito ng diskarte”