Sa kabila ng panghaharas ng mga pwersa ng estado, matagumpay na inilunsad ng iba’t-ibang progresibong grupo at indibidwal ang mga mobilisasyon sa Timog Katagalugan noong ika-30 ng Nobyembre, bilang pag-alala sa ika-158 na anibersaryo ng kaarawan ni Andres Bonifacio.
Sa Facebook post ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Cavite, ipinahayag ng grupo ang kanilang tahasang pagkondena sa “panggugulo, panghaharas, at pananabotahe” ng pulisya sa inilunsad na pagkilos.
“Walang kapatawaran ang pananakot at pandarahas ng PNP [Philippine National Police] Bacoor sa 200 delegasyon mula sa mga mangingisda, maralitang lunsod, kabataan, maralitang magsasaka at manggagawa,” pahayag ng BAYAN-Cavite.
Anila, gumamit ng malalakas na “wang wang” ang PNP – Bacoor sa gitna ng mobilisasyon. Dagdag pa ng BAYAN-Cavite na patunay lang itong nananatiling bingi ang pulisya sa mga lehitimong panawagan ng mga mamamayan para sa karapatan sa trabaho, lupa, edukasyon, at serbisyong panlipunan.
“An ambulance from the City Disaster Risk Reduction Management Office [CDRRMO], [PNP] Cavite, and Bureau of Fire Protection [BFP] Bacoor threatened that the protesters should be gone within 5 minutes,” dagdag pa ng College Editors’ Guild of the Philippines – Southern Tagalog (CEGP-ST) sa isang Facebook post.
[Ang mga nagprotesta ay pinagbantaan at pinaalis ng CDRRMO, PNP Cavite, at BFP.]

Larawan mula sa CEGP-ST / Facebook
Samantala, bago pa man magsimula ang mobilisasyon sa Batangas, nagpatrolya na ang militar upang hanapan umano ng permits ang mga magkikilos-protesta.

Larawan kuha ni Isabel Pangilinan
Sa mga larawan namang inilabas ng Gabriela Youth Rizal, makikitang sinusundan ng mga nakamotorsiklong militar ang sasakyan ng mga nakibahagi sa pagkilos sa Rizal. Ito ay matapos ding sapilitang patigilin ang kilos-protesta sa nasabing probinsya.

Larawan mula sa Gabriela Youth Rizal / Facebook
Samantala, sinundan din ng military truck ang mga delegado ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) matapos ang mobilisasyon sa Calamba, Laguna.
Pagbuhay sa militanteng diwa
Sa kabi-kabilang kilos-protestang inilunsad sa iba’t-ibang bahagi ng Timog Katagalugan, binigyang-diin ng mga progresibong grupo ang panawagan para sa kabuhayan at edukasyon, habang isinusulong ang pambansang demokratikong pakikibaka.
Sa pagdiriwang din ng ika-23 na anibersaryo ng Anakbayan, inanyayahan ng grupo ang mga mamamayan na buhayin ang “militanteng diwa” at labanan ang “kasuklam-suklam at abusadong rehimeng Duterte”.
“Ginugunita natin ngayon ang Bonifacio Day bilang pagkilala sa kabayanihan at rebolusyonaryong espiritu ni Ka Andres. Ipinagdiriwang din natin ang kagitingan ng ating mga bayani: mga manininda, manggawa’t magsasaka,” ani naman ng Panday Sining Batangas.
Binigyang-diin ng mga manininda mula sa Batangas ang hirap na kanilang dinaranas matapos sapilitang alisin ang kanilang mga hanapbuhay upang bigyang-daan ang isang development project.
“Malinaw na ang Batangas Pier ay para lang sa naghaharing-uri, para mapadali ang pagpasok at paglabas ng kanilang mga produkto,” ani Edilberto Davalos ng Claimants 1568, organisasyon ng mga residenteng naninirahan malapit sa daungan.
Sa naganap na kilos-protesta sa España Avenue sa Maynila, ipinanawagan ng senatorial aspirant na si Ka Bong Labog ang abolisyon ng kontraktwalisasyon at ang pagpapataas ng minimum wage.
Nananatiling nasa P537 ang minimum wage bawat araw sa Pilipinas. Ito ay sa kabila ng pagpalo sa P1065 ng family living wage, o ang halaga ng salaping kinakailangan ng bawat pamilya upang magkaroon ng disenteng pamumuhay araw-araw, ayon sa think tank na IBON Foundation.
Isang delegado naman mula sa Anakpawis Partylist ang nanawagan para sa distribusyon ng P10,000 na ayuda buwan-buwan, at P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka at mangingisdang patuloy na naghahanapbuhay sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, first nominee ng Anakpawis Partylist, mahalaga para sa pagbangon ng ekonomiya ang suportang agrikultural para sa mga magsasaka, at kabilang dito ang pagsulong para sa tunay na reporma sa lupa.
Subalit sa kabila ng kahirapan sa gitna ng pandemya, hindi ayuda at bagkus ay patuloy na panghaharas ang tinatanggap ng mga magsasaka mula sa mga pwersa ng estado. Noong nakaraang buwan, dalawang magsasaka mula sa Sampaloc, Quezon ang pinatay sa isa umanong “engkwentro”, samantalang 485 na magniniyog naman mula sa pareho ring probinsya ang sapilitang pinasuko bilang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
(BASAHIN: Residents, progressive groups oppose NPA allegations on slain Sampaloc farmers; 485 coconut farmers from Quezon coerced by state forces to surrender as affiliates of CPP-NPA-NDF; Intensified Quezon militarization draws fear on residents, relatives of slain farmers)
Samantala, ayon naman sa senatorial aspirant na si Atty. Neri Colmenares, ang laban ni Bonifacio ay dapat dalhin at ipagpatuloy para sa eleksyon. Maraming progresibong grupo ang kumokondena sa alyansang Marcos-Duterte para sa ehekutibong posisyon.
“We have lost so many lives. This cannot continue – the 2022 national elections provides an opportunity for the Filipino people to put an end to Duterte tyrannical regime, to frustrate the efforts of a Marcos restoration and a Duterte extension, and to continue to advocate for people’s rights, especially the rights of the people to health, livelihood, housing, along with our basic freedoms,” ani Cristina Palabay, kalihim ng grupong Karapatan.
[“Marami nang buhay ang nawala. Hindi na ito dapat pang magpatuloy – ang eleksyon sa 2022 ay isang pagkakataon para sa mga Pilipino na wakasan ang tiraniya ni Duterte, pigilan ang pagbabalik ng mga Marcos at pagpapatuloy ng mga Duterte sa ehekutibo, at ipagpatuloy ang paglaban para sa karapatang pantao, lalo na ang mga karapatan para sa kalusugan, kabuhayan, pabahay, at kalayaan.]
Laban para sa kalayaang pang-akademiko
Samantala, habang patuloy ang remote learning at ang “book purging” ng estado sa mga paaralan, iginiit naman ng Anakbayan ST na isa itong pagkakait ng kaalaman sa mga kabataan.
“Ibig sabihin, ipinagbabawal po nila ang kaalaman sa tunay na kalagayan ng ating lipunan. Imbes na suportahan ang kabataan bilang pag-asa ng bayan, kami ay tinatawag na terorista,” pahayag ng grupo sa naganap na mobilisasyon.
Maaalalang noong mga nakaraang buwan, tinanggal ng mga pwersa ng estado mula sa mga silid-aklatan ng iba’t-ibang unibersidad ang mga tinagurian nilang “subersibong” materyal. Kabilang dito ang mga babasahing may kaugnayan sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
(NAUUGNAY NA BALITA: Youth groups hold online press conference to discuss demands amidst worsening education situation)
“Hindi pa tayo tapos lumaban. Hindi tayo titigil kumilos hangga’t wala tayong ligtas, abot-kaya, at dekalidad na edukasyon,” panawagan ni Jianred Faustino, fourth nominee ng Kabataan Partylist at dating UPLB University Student Council (USC) Treasurer.
Ipinahayag din ni Rich de Guzman ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang kahirapan ng mga mag-aaral sa gitna ng magastos na remote learning.
“Hindi na maihiwalay ang tungkulin bilang estudyante, bilang anak, bilang mamamayan. Paano makakapag-aral nang mabuti kung bulok, magastos, at pahirap ang remote learning na inimpose sa atin ng estado?” ani de Guzman.
Karagdagan pa sa paghihirap sa gitna ng remote learning, binigyang-diin ni Jainno Bongon, tagapagsalita ng Youth Movement Against Tyranny (YMAT) ST, na makailang-ulit ding nakaranas ng paglabag sa karapatang pantao ang ilang mga progresibong mag-aaral.
“Napakaraming mga kabataan, mga mamamayan ang humarap sa maraming paglabag sa karapatang pantao mula mismo sa mga PNP, NTF-ELCAC [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] na naging pabrikasyon ng arrest warrants dito sa Timog Katagalugan,” pahayag ni Bongon.
Sa pagdiriwang ng Anakbayan ng kanilang anibersaryo, ipinanawagan nila sa mga mag-aaral na sa kabila ng mga pagsubok ay nararapat pa ring ipagpatuloy ang paglilingkod at pangangahas na makibaka para sa bayan. [P]
Pingback: LIST: Human rights watch (November 28- December 4, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: LIST: Human rights watch (November 28- December 4, 2021) – UPLB Perspective