Editorial

Walang tunay na kalayaan sa rehimeng Marcos-Duterte

Ang nagdaang eleksyon ang naging konkretong patunay na huwad ang kalayaan sa bansa. Sa Timog Katagalugan pa lamang, 272 anomalya na ang naitala, ayon sa Kontra Daya Southern Tagalog. Humigit-kumulang 2000 vote-counting machines naman ang pumalya sa buong bansa. Bukod pa rito, nakapagtala rin ng mga kaso ng karahasan, red-tagging, vote buying, at illegal campaigning sa buong panahon ng eleksyon. Binigyang-linaw din ng fact-checking initiatives kung paano pumabor kay presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at presumptive vice-president Sara Duterte ang paglaganap ng mga pekeng balita at disimpormasyon, na nakadisenyo para pabanguhin ang imahe ng kani-kanilang mga pamilya (BASAHIN: Southern Tagalog progressives protest vs electoral fraud).

Ang disimpormasyong ito na pumapabor sa kanila ay malubhang pagtalikod sa mga pangalan ng libo-libong inaresto, hinaras, tinortyur, at pinatay noong Batas Militar ni Ferdinand Marcos Sr., at sa mahigit 7000 indibidwal na pinatay sa ilalim ng War on Drugs ni Rodrigo Duterte. Ito rin ay tahasang pambabastos sa mga pangalan nina Ka Manny Asuncion, Pang Dandy Miguel, Chad Booc, at sa marami pang mga lider-aktibistang pinaslang sa malawakang crackdown laban sa mga progresibo sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Gamit ang kanilang malawakang makinarya, sinupil ng mga naghaharing-uri ang ating karapatan sa isang patas na eleksyon–makinarya na pinondohan ng nakaw mula sa kaban ng bayan na 36 taon na nating hindi masingil. Nasaksihan natin kung paano kayang-kayang manipulahin ng ilang naghaharing-uri ang makinarya ng eleksyon para sa kanilang sariling interes. Tinanggalan nila ng kalayaan ang mga Pilipino para maayos at malinis na ipahayag ang kanilang boto. 

Subalit ang pagsupil sa ating kalayaan sa halalan ay hindi na bago sa karakter ng ating lipunan. Matagal nang walang pakundangan sa pandaraya sa eleksyon ang mga naghaharing-uri. Ating alalahanin ang Hello Garci scandal noong 2004 sa ilalim ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Nagkaroon din ng parehong “dagdag-bawas” noong 1995 elections na siyang nagpanalo sa isang senadong kontrolado ng rehimeng Arroyo. Ngunit sa kabila nito, tumakbo pa rin sa 2007 senatorial elections sa ilalim ng alyansang “Team Unity”, at pinatuloy ang pandaraya ng mga naunang eleksyon. Ngayong 2022, sa ilalim ng hungkag na pangako ng “Uniteam”, tumakbo ang tambalang Marcos-Duterte na kita mula sa malawakang dayaan noong 2019 midterm election na walang nag-iba sa kanilang taktika sa nagdaang pambansang halalan.

Matapos ang eleksyon at tatlong araw bago ang Araw ng Kalayaan, higit 93 na progresibong indibidwal ang inaresto ng kapulisan sa Brgy. Tinang, Concepcion, Tarlac. Karamihan dito ay mga pesante at magsasaka, kasama ang mga lider-estudyante at mamamahayag. Ang naturang pagtitipon ay may layunin paingayin ang isyu sa karapatan sa pagkain at sa lupang sakahan, ngunit walang habas na pinaratangan at dinahas ng kapulisan ang mapayapang pagtitipon. Humihingi ng kabuuang Tatlong Milyong Piso ang Concepcion Police Station para sa kalayaan ng mga indibidwal. Isa itong matinding manipestasyon na walang kalayaan ang mga sektor upang mag-organisa, magtipon, at maghain ng hinaing sa ilalim ng panggigipit ng estado. (BASAHIN: 93 pesante, food security advocates, iligal na inaresto sa Tarlac). 

Wala tayong maasahang kalayaan sa tambalang Marcos at Duterte. Mas palalawigin lang ng nagbabadyang rehimeng Marcos at Duterte ang tanikala ng imperyalismo sa bansa. Matatandaang ilang araw pagkatapos ang bilangan ng boto, dali-dali nang nagpaunahan ang mga konsular ng bansang US at China para ilatag ang kanilang imperyalistang interes sa huwad na pangulo. Dalawang araw lamang bago natapos ang unofficial vote tally, tumawag na ang Presidente ng Estados Unidos na si Joe Biden para batiin ang anak ng diktador, habang sa sumunod na araw ay tumawag si Xi Jinping ng China. Halatang nag-aagawan ang mga imperyalistang bansa para magkaroon ng espasyo ang kani-kanilang mga interes sa opisina ni Marcos. Wala pa man ang ika-30 ng Hunyo, agaran nang nakikipagkaibigan at nagpapakatuta si Marcos sa US at sa China. Hindi kailanman dapat kaibiganin ang imperyalistang mga bansa na silang dahilan kung bakit atrasado at hirap sa pag-unlad ang ating lipunan.

Samantala, kitang-kita rin mula sa pag-iwas ni Bongbong Marcos sa mga panayam, pagbabansag sa mga mamahayag bilang biased, at pagkakaroon ng press briefings sa piling pahayagan, nasa peligro ang malayang pamamahayag sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte. Mas pinipili ang mga bloggers at vloggers para magbalita sa hakbang ng palasyo. Alam ng rehimeng Marcos-Duterte na mas kaya nilang kontrolin at bigyan ng pagkiling ang mga lalamanin ng pahayag mula sa bloggers at vloggers. Sa ganitong paraan, sinusupil ng rehimeng Marcos-Duterte ang malayang pamamahayag at ang karapatan ng mga mamamayan sa balanse, tunay, at responsableng impormasyon. 

Hungkag ang kalayaan sa ilalim ng demokrasyang may bahid ng pasismo at panlilinlang. Tiyak natin ang limitasyon ng makinarya ng lipunan, lalo na kung ang galaw ng makina ay nasa kamay ng diktadurya ng naghaharing-uri. Hindi sapat na sukatan ang eleksyon para masabi na mayroon tayong demokrasya. Malabnaw ang pagtingin kung mekanikal na aspeto lamang ang batayan upang masabi na mayroon tayong kalayaan at demokrasya. Kahit na araw-araw pa tayong maglunsad ng halalan, kung silang mga garapal at mapang-aping uri pa rin ang may hawak ng kalakalan ng eleksyon, walang pa ring tunay na kalayaan, at walang tunay na demokrasya na mananaig sa ating lipunan. Hindi malaya ang turing sa isang lipunang hawak ng iilan ang kalayaan ng nakararami. [P]

0 comments on “Walang tunay na kalayaan sa rehimeng Marcos-Duterte

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: