Features Lathalain

Dekada ng paglaban sa mapagpalayang pamamahayag

Mga Salita ni Norland Cruz

Mula sa tradisyunal na paglilimbag tungong birtwal na espasyo, mula eksklusibong pagpupulong tungong kolektibong sigaw ng panawagan sa lansangan, mahaba ang naging paglalakbay ng College Editors Guild of the Phillippines (CEGP) sa paglaban sa mga isyung hindi lamang nakakulong sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag kundi sa mga panlipunang isyung lubhang nakakaapekto sa sambayanan. At sa pagdiriwang ng ika- 91 nitong anibersaryo ngayong Hulyo, mas mabigat ang gampaning hawak nito ngayong nasa matinding panganib muli ang lagay ng pamamahayag sa bansa sa ilalim ng bagong administrasyon.  

CEGP ang pinakamatanda, pinakamalawak at natatanging alyansang pampaaralang publikasyon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Asya Pasipiko. Itinatag noong 1931, layunin nitong bantayan ang mga isyung panlipunan, ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag, at maging militante sa pagtindig sa patriotiko at demokratikong paraan. Malaki ang naging bahagi ng organisasyon sa paghulma ng pang mag-aaral na peryodismo sa bansa, kaya nananatiling tangan nito ang alab ng paglaban kasama ang 750 kasalukuyan nitong miyembrong publikasyon mula sa iba’t ibang paaralan at pamantasan sa bansa. Subalit, higit sa pagdiriwang ng katatagan ng pundasyon ng CEGP, hinihingi ng panahon sa kanilang hanay ang mas laksang pag aaklas ngayong nanumbalik muli sa kapangyarihan ang anak na diktador na si Ferdinand “Bongbong”  Marcos Jr. na bahagi ng pamilyang mismong kumitil sa kalayaan sa pamamahayag noong Batas Militar ng dekada sitenta. 

“Hinihingi ng kasalukuyang sitwasyon, at hinog na ang panahon upang mas kumilos tayo, hindi rin enough na tama lang ang paninindigan, importante ang emphasis natin dito kaya kinakailangang kilalanin ang isyu ng lipunan at ang masa ngayong mas tumitibay ang nagbabantang resilient dictatorship ng administrasyon”, pahayag ni Juan Sebastian Evangelista, Regional Coordinator ng CEGP Southern Tagalog habang ipinaliliwanag ang mas laksang gampanin ng mga mamamahayag sa ilalim ng pasistang administrasyon. 

Higit sa paglaban sa mapagpalayang pamamahayag na mas sinisikil higit pa man sa ngayon, kailangang ugatin ang kasaysayan ng organisasyon na siyang nagpatag ng pundasyon ng paglaban para sa tunay na kasarinlan sa pamamahayag, silang mga nagbuwis ng buhay,  at pasulong na pagtanaw sa prinsipyong pinanghahawakan ng organisasyon. 

Pagbabalik tanaw ng pakikibaka  

Taong Hulyo 25, 1931 nang itatag ang noon pang College Editors Guild (CEG) na tawag sa mismong kaarawan ni Ernesto Rodriguez Jr, punong patnugot ng National, publikasyon ng National University. Naging ekslusibo muna ang kasapian nito, kabilang ang pahayagang pangkampus Philippine Collegian (UP Diliman), Varsitarian (University of Santo Tomas) at Guidon (Ateneo de Manila University). Layunin nitong pagbuklurin ang lahat ng manunulat pangkampus at linangin ang kakayahan sa pamamahayag. Nahalal na unang tagapangulo si Wenceslao Vinzons, punong patnugot ng Philippine Collegian, na kalaunan ay nagbuwis ng buhay dahil mas piniling makibaka ng dahas noong Ikalawang Digmaang Daigdig. 

Hindi pa man ganoon kalawak ang impluwensya nito sa unang mga bahagi ng pagkakatatag ngunit kinakitaan ito ng malaking potensyal hindi lamang sa pagtataguyod ng pamamahayag kundi sa pagsisilbi sa bayan. Naging abala ito sa mga mga journalism trainings, Educational Discussions (ED), at Relief operations sa mga nasalanta ng kalamidad.  Noong 1932 nang maging pangunahing tagatutol ang mga kasapi ritong kabataang manunulat na dagdagan ang sweldo ng mga mambabatas sa mababang kapulungan.

Dahil sa patuloy na pakikibahagi sa mga panlipunang diskusyon, mabilis na lumawak ang CEGP, at kinilala bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong organisasyon ng kabataan na maaaring maging daluyan upang makilala sa politika at pamamahayag. Subalit, hindi palaging banayad ang progreso ng organisasyon dahil kinaharap nito ang iba’t ibang mga sirkumstansyang parehong nagpahina at nagpapatatag ng alyansa. 

Taong 1941 nang pansamantalang tumigil ang operasyon ng Guild dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naibalik lamang ito matapos ang giyera. Dekada singkuwenta naman nang mamulat ang mga kasapi ng CEGP sa makabayang ideya ni Claro M. Recto, isang manunula –– dahilan upang kwestyunin ang tradisyonal na mga ideya ng pamamahayag na tangan ng Guild at mas kumiling sa progresibong ideya, na siya ring naging dahilan ng malaking puwang ng di pagkakaunawaan. 

“Mananatili bang nyutral ang pamamahayag pangkampus sa panahon ng maigting na paglaban ng mamamayan? Mananatili bang tagapagtala na lamang ng kasaysayan ang mga manunulat o kailangan nang pumanig at makilahok? Ano ang papel ng kabataang mamamahayag sa lipunan?” — ilan lamang sa mga argumentong pinagtatalunan ng organisasyon. 

Ngunit sa panahon ng ligalig, mas nanaig ang progresibong oryentasyon ng Guild dahil sa pangangailangang bumalikwas para sa pagtatanggol sa hanay ng pamamahayag at kabataan. Kolektibong nanawagan sa gitna ng malaking mobilisasyon ang hanay ng CEGP noong First Quarter Storm sa Diliman noong 1970. Mas lumalala ang pampolitikang sitwasyon nang isailalim ni Ferdinand Marcos Sr. ang bansa sa ilalim ng Batas Militar na dahilan ng supresyon ng media at anumang materyal na tumutuligsa sa kanyang pamahalaan. Itinuring na ilegal ang CEGP, subalit sa halip na matakot, matapang na itinaguyod ng mga kabataang manunulat ang alternatibong media na tinatawag na mosquito press. Palihim na binapabasa at pinagpapasa-pasahan ang limitadong kopya ng mga publikasyong naka-mimeographed. Walang kiming inilatag ng mga ito ang mga balitang ikinukubli ng Marcos sa kanyang crony press habang mariing tinutuligsa ang lagim ng Batas Militar

Ilan lamang sa mga daluyan ng alternatibong pamamahayag ang mga publikasyong Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas- Diliman,  Nagreprinta rin ng mga artikulo ang mga publikasyong The Bedan (San Beda College), Guidon, Ang Malaya, at iba pa ng Philippine College of Commerce (na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines), Pandayan ng Ateneo de Manila University, Ang Hasik ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at marami pang iba. Maraming manunulat pangkampus ang dinampot, ikinulong, tinortyur at pinaslang tulad nina Liliosa Hilao ng Ang Hasik,  at Ditto Sarmiento ng Philippine Collegian. Kasabay ng pagtatanggol sa pamamahayag, marami ring nagtungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ilan sa kanila sina Emmanuel Lacaba (Guidon, Ateneo University) Lorena Barros (Advocate, Far Eastern University) at Evelyn Pacheco (Torch, Philippine Normal University). 

Iniluwal ng mga pagkasawi at pakikibakang ito ang pagpapatalsik sa trono ni Marcos. Binawi ng sambayanan ang demokrasyang inagaw ng pamilyang ganid, at sa pamamagitan ng militanteng panawagan ng kabataang estudyante, nabuksang muli ang maraming pahayagan na sumailalim sa matinding pagmamatyag ng militar. Subalit, naihugos man ang diktador, nakamit man ang ninakaw na demokrasya, hindi nito napigtal ang kadena ng intimidasyon ng pamahalaan sa malayang pamamahayag at nananatili pa ring nakapiit ang ang kalayaan ng pamahahayag sa bansa. 

Hakbang paurong, Abante pasulong

Nagpatuloy ang pagkiling ng CEGP sa panawagan ng mamamayan kaya muli itong itinatatag sa mas malawak pang sakop. Itinayo ang  Itinayo ang Mendiola Association of College Editors (MACE) na nagpasimula ng First Metro Manila Student Press Congress. Kalaunan, sumunod rin ang mga pangrehiyonal na sangay ng CEGP at inilunsad ang 16th National Congress na layuning pangunahan ang kanya kanyang kinabibilangang publikasyon at rehiyon, at dinaluhan ito ng 125 patnugot mula sa 43 publikasyon. 

Unti unting nagiging banayad ang sistema, kaya naging aktibo ang Guild sa 

paglulunsad ng teaching o study circles, social investigation at pakikipamuhay sa mga magsasaka, pesante, manggagawa at kalakhang marhinalisado sa lipunan. Mas umigting ang pagtutulungan ng mga kilusang kabataan. Pinamunuan ng CEGP, kasama ang Youth for National Democracy (YND) at Alyansa Laban sa Pagtaas ng Matrikula (League of Filipino Students ngayon), ang kampanya sa pagpapabukas ng mga pahayagang pangkampus at konseho ng mga mag-aaral at pagtatanggal ng military detachments sa mga kampus. Napatunayang kaya namang dinggin ng pamahalaan ang lehitimong hinaing ng mga nagmomobilisa para sa paggiit ng demokratikong karapatan. Ngunit panandalian lang pala ang lahat dahil ikinukubli nito ang higit pang pandarahas sa mga mamamahayag. 

Sa ilalim ng panunungkulang Corazon Aquino, inaasahang tutugon ito sa kabulukang iniwan ng Marcos matapos ang Batas Militar. Isa sa masasabing malaking tagumpay ng CEGP at ng Pampaaralang pamamahayag sa bansa ang pagkakapasa ng Republic Act 7079 o Campus Journalism Act ng 1991 na naglalayong protektahan ang kalayaan ng mga manunulat pangkampus sa pagsisiwalat ng katotohanan sa paaralan, komunidad at bansa. Subalit, kabalintunaan itong maituturing dahil sa halip na pangalagaan ang katotohanan, naging kasangkapan pa ito upang supilin pabalik ang mga manunulat. 

Unang taon pa lamang matapos  maipasa, natigil sa operasyon ang mga pahayagng pangkampus tulad ng The Quezonian ng Manuel L. Quezon University, The White and Blue ng Saint Louis University , Ang Pamantasan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at ang The Blue and Silver ng Philippine Christian University. Samakatuwid, binubusalan ng mga makakapangyarihan, lalo na ng administrasyon ng mga paaralan ang karapatan ng mga mag aaral-manunulat na maglabas ng mga artikulong maglalantad ng kabuktutan sa kanya kanyang pamantasan. Dagdag rin dito ang katotohanan sa probisyon na hindi mandatory ang publication fee para sa mga publikasyon, at dahil dito, maipapasara ang maraming publikasyon dahil sa kakulangan ng pondo at pagpapahalaga ng paaralan at pamahalaan. 

“Hindi necessarily na kailangang palitan ang batas, walang pangil ito kaya matagal na ring ipinaglalaban ng CEGP ang Genuine Campus Press Freedom sa kamara kasabay ng mga complementing documents ng mga tala ng paglabag, layon magkaroon talaga ng tunay at malayang pamamahayag kung saan ang mga schools ay free from threats mula sa administration ng school at ng gobyerno, hindi dinedefund at cinecensor ang mga publikasyon”, pahayag ni Evangelista hinggil sa kung paano hindi napoprotektahan ng nasabing batas ang karapatan ng mga mag aaral-manunulat. 

Upang tangkain hamunin ang atrasadong pagpapatupad ng Campus Journalism Act, pinangunahang iwinasto ng CEGP ang kamaliang ito sa 1996 National Council Meeting. Nabuo dito ang panawagang buksan ang mga saradong pahayagan, magtatag at paigtingin ang publikasyong pamantasan at wakasan ang mga porma ng paninikil sa kalayaan sa pamamahayag. 

Iba-iba man ang kinaharap na kahinaan at pagsubok ng Guild, sinikap nitong magpanibagong sigla at mas bumaba pa sa laylayan. Sa ilalim ng gobyerno ni Ramos, puspusan ang pakikibahagi ng CEGP mula sa pagkondena sa pagtaas ng matrikula, pagtaas ng presyo ng langis, hanggang sa neoliberal na dikta ng IMF-Work Bank sa patakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Sinuong rin nito ang laban ng mamamayan sa pagpapatalsik kay Joseph Estrada na kilala sa pagiging kontra-mamamayan at may mapanlisik na mga mata sa mga peryodista. Pinakamalaking dagok na kinaharap ng CEGP ang pangangalampag ng hustisya sa mga biktima at pananagutan sa pamahalaan hinggil sa 2009 Ampatuan Massacre sa ilalim ng pamahalaang Arroyo— itinuturing na pinakamadugong massacre para sa namatay na 32 na mamamahayag sa kasaysayan ng peryodismo.

Sa pagpasok naman ni Noynoy Aquino bilang pangulo, mga katutubo at magsasaka ang naging target ng pagkitil sa ilalim ng kanyang pamamahala, daan ang dumanak na dugo ng mga katutubong Lumad at lider na itinuring ng estado bilang kalaban ng bayan. Kamay na bakal naman ang inabot ng estado ng pamamahayag sa bansa sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte, na ipinasara ang pinakamalaking media sa bansa, ang ABS CBN, na hindi lamang naging dahilan ng pagkawala ng trabaho ng 13,000 na manggagawang Pilipino kundi pagkitil rin sa Pilipinong pamamahayag.  

Lumipas man ang dekada at adiministrasyon, nananatiling nakatindig ang CEGP sa mga isyu ng bayan sa lansangan man o sa espasyo ng social media. Subalit, mas malala ang bagong upong pangulo dahil hindi lang nito sinisikil ang pamamahayag, binubura rin nito ang katotohanan at kasaysayang matagal ring ipinaglaban at pinagtagumpayan ng hanay. 

Nagbabantang lagim 

May panunumbalik muli ng supresyon na sinapit noong Dekada ‘70 para sa media, ngayong nasa kapangyarihan muli ang anak ng diktador na si Bongbong Marcos at tulad ng kanyang ama, taglay nito ang atrasadong pamahalaan pagkat tahasan ang pambubusal kaagad ang hain nito sa media. Sa pambansang antas, may pagpupumilit ang pamahalaan na ipasara ang Rappler, isang tanyag na media outlet, sa patuloy na pagdidiin sa kasong cyberlibel.  Dagdag pa nito ang pagiging inaksesible ng website ng mga alternatibong media tulad ng Bulatlat, Pinoy Weekly at iba pang 28 na sosyo- sibikong organisasyon sandig sa utos ng National Telecommunications Commision na ipasara ang mga ito sa umanoy pagiging bahagi ng terorismo na wala namang matibay na patunay. 

Kung kayang gawin ito ng bagong pamahalaan sa malalaki at tanyag na media, mas nakababahala ang kaya pa nitong gawin sa mga maliliit na media tulad ng mga pahayagang pangkampus. Sa lokal na antas naman, tuloy ang panawagan ng CEGP sa pagkakadakip kumakailan lamang sa siyam na mag aaral-manunulat mula sa UP Manila, sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac dahil lamang sa pakikiisa sa “bungkalan” kasama ang mga pesante sa nasabing lupain. Kasabay nito ang mga kaso ng red-tagging, at pananakot tulad ng mga naranasan ng mga miyembrong pahayagang ng UP Solidaridad at ng chairperson ng CEGP-Central Luzon. 

Ani ni Evangelista, dala ng maraming tala ng mga paglabag sa hanay, mas pinaiigting ng mga media networks at alternatibong media ang kanilang mga koneskyon sa halip na makipagkompetensya, “ Isang maraming avenues ito to put forward ang mga maraming panawagan, pagpapatibay ng capacitation ng pamamalita sa ibat ibang porma ng media at popularisasyon ng issues na hindi ganoong kaingay sa mainstream”, dagdag pa nito. 

Walang patid ang sigaw ng CEGP hinggil sa iba’t ibang anyo ng pagpapatahimik sa hanay ng media lalo pa’t nangangailangan ang panahon ng mga matatapang na mamamahayag na babasag sa sistematikong disimpormasyon sa espasyo ng social media at distorsyon ng kasaysayan na itinanim ng pamilyang Marcos ilang dekada ang nakararaan na kanilang inaani ngayon. Sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, napipinto na ang akreditasyon ng mga vloggers mula sa Youtube upang maging tagapag ulat ng mga kaganapan sa Malacanang sa halip na mga lehitimong mga mamamahayag. 

Mahahalaw na hindi lamang ito tangkang pagtatanggal-pagkilala sa mga peryodista na iulat ang katotohanan, kundi may pagpupumilit na gawing naturalisado ang panlilinlang at kasalanan na ginawa ng kanyang pamilya, at instrumental ang ilang huwad na media at mga vloggers sa pagpapanatili ng kasinungalingan, pagpapalakas ng kapangyarihan, at pagpapabango ng imahe. Ito ang mabigat na responsibilidad at pangahas na pagtatangka ng mga alagad ng media tulad ng CEGP  na itakwil sa kapangyarihan at panagutin si Marcos Jr sa kanyang atraso sa bayan at tunay na makamit ang mailap na kalayaan sa pamamahayag.

“Malaki ang makinaryang pinatatakbo ng Pamilyang Marcos na nagtatranslare sa sistematikong paglaganap ng disimpormasyon, we also need to recognize na as a journalist, it is a multisectoral problem and dito, nangangailangan rin ito ng multisektoral na pagkakaisa para sa solusyon”  pahayag ni Evangelista hinggil sa isyu ng disimpormasyon.  

Nagbigay rin ito ng payo sa mga nagnanais maging bahagi ng hanay, “ Palaging ugatin kung para kanino ka ba nagsusulat, mas nangangailangan ng malalim na kontesto at relevance ang pagsusulat upang matahi ang mga sitwasyon, sumalamin sa  pakikibaka ng iba’t ibang sektor at magkaroon ng level ng appreciation sa mambabasa at masang pinaglilingkuran “ panapos na pahayag nito.  

Malaon ng kinilala ang CEGP bilang kasangga sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag at ngayong nasa kapangyarihan muli ang mga mismong pamilyang naging dahilan ng malagim na kasaysayan ng bansa, hindi hahayaan ng mga organisasyong mamamahayag na patahimikin muli sila ng administrasyon. Sa huli, ang CEGP bilang pundasyon ng  pampaaralaang pangkampus sa bansa, ay walang paumanhing titindig at lalaban sa patriotiko, demoktratiko at militanteng paraan, at sa wakas, mamayani ang mapagpalayang pamamahayag [P]. 

0 comments on “Dekada ng paglaban sa mapagpalayang pamamahayag

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: