News Southern Tagalog

Hustisya at kalayaan, panawagang bitbit ng human rights defenders sa caravan para sa karapatang pantao

Isang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, nagsagawa ng human rights caravan ang mga delegado ng Timog Katagalugan, kung saan panawagan nila ang kalayaan ng mga bilanggong politikal at hustisya para sa mga pinaslang na mamamayan.

Iba’t-ibang human rights group ang nakilahok sa isang caravan noong ika-9 hanggang ika-10 ng Disyembre mula Timog Katagalugan para sa mga kilos-protesta sa iba’t-ibang opisina at ahensya ng gobyerno sa Metro Manila. 

Sinimulan ng tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog (ST) na si Charm Maranan ang unang programa ng caravan sa Department of Justice (DOJ), upang humiling ng diyalogo sa kalihim nitong si Sec. Boying Remulla, at ipinanawagan na panagutin ang mga may sala noong Bloody Sunday  (BASAHIN: 9 patay, 6 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).

Hinarap ni Remulla ang Defend ST at Karapatan Timog Katagalugan sa isang closed-door dialogue noong kinahapunan. Nagsampa ang pamilya Lemita ng manipestasyon sa nararanasan nilang panghaharas at intimidasyon mula sa estado, mahigit isang taon matapos paslangin ang anak nilang si Chai Evangelista sa Bloody Sunday massacre. 

Matapos nito ay pumunta sa Office of the Ombudsman at ipinanawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa rehiyon, at panagutin ang pwersa ng estado sa Bloody Sunday. 

“Katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao… Ang paninindigan ng mga nasa Southern Tagalog ay hindi nasusukat sa isang beses; ito ay walang katapusang pakikibaka para sa hustisya upang makuha ang tunay na katarungan sa ating bayan”, ani Karapatan Secretary-General Tinay Palabay. 

Kasabay ng isinagawang programa ay naghain ng countercharge si Nimfa Lanzanas, isang human rights worker at naging bilanggong pulitikal noong Bloody Sunday. Anim ang isinampa na kaso ni Lanzanas laban sa mga kawani ng estado, kasama na rito ang illegal arrest.  

(MGA KAUGNAY NA BALITA: No blood spared: A year after Bloody Sunday; Families, friends reiterate demand for justice a month after COPLAN ASVAL’s Bloody Sunday)

Matapos nito ay nagtungo sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga magbubukid at ilang mga progresibong indibidwal upang maghain ng kanilang mga salsaysay ukol sa nararanasan nilang pag-iintimida, harrasment, red-tagging, at threats, isang araw bago gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. 

Kasabay nito, nagsagawa ng silent protest ang delegasyon Timog Katagalugan upang kundenahin ang militarisasyon sa mga probinsya sa nasabing rehiyon.

Sinalubong ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Quezon City at Academic Union ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang delegasyon ng Timog Katagalugan sa isang cultural night upang gunitain ang kaarawan ng martir na si Eden Marcellana. Si Marcellana ay secretary-general ng alyansang karapatang pantao Karapatan TK na dinukot at pinaslang sa Bansud, Oriental Mindoro noong taong 2003 (BASAHIN: Hustisyang 18 taong bimbin: Pag-alala sa ika-18 na anibersaryo pagkamatay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy).

Ika-10 ng Disyembre ng umaga ay natapos ang Human Rights caravan sa Plaza Lacson bago tumungo ang delegasyon sa National Protest Rally sa Liwasang Bonifacio at magmartsa papuntang Mendiola peace arc.

Militarisasyon sa kanayunan

Isa sa naghain ng complaint si Agaton “Gigi” Bautista mula sa Samahan ng Magbubukid sa Batangas (SAMBAT). Ayon sa salaysay ni Bautista, pinuntahan ng isang nagpakilalang sibilyan bilang Captain Marasigan mula sa 201st Infantry Battalion ang kanilang compound sa Calaca, Batangas, at tinanong ang kanilang kapitbahay ukol sa pamilya ni Bautista. 

Matapos ang nasabing pagbisita ay binalikan ang compound ni Marasigan at dalawang nagpakilalang sundalo na nagsasabing konektado si Bautista sa New People’s Army (NPA), at sinasabing kasama siya sa isang engkwentro sa Rosario, Batangas. 

Kasabay maghain ng salaysay ang mga mamamayan ng Kasiglahan, Village sa Montalban, Rizal na kasalukuyang nakakaranas ng militarisasyon at intimidasyon mula sa militar. Dito rin  nagmula ang isa sa napaslang sa Bloody Sunday na si Makmak Bacasno, isang housing rights activist at miyembro ng SIKKAD-K3.

Noong ika-26 ng Hulyo ay pinaslang si Maximino Digno at Kyllene Casao ng 59th Infantry Battalion sa lalawigan ng Batangas. Kung saan sinasabi ng 59th IB na sila ay namatay sa isang engkwento laban sa NPA, pinabulaanan naman uti ng pamilya at mga residente (BASAHIN: Magsasakang si Maximino Digno, batang si Kyllene Casao, pinaslang sa militarisasyon sa Batangas).

Sa kasalukuyan, ang Timog Katagalugan ay mayroong 24 batalyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP)  na nakakalat sa iba’t-ibang probinsya nito, na nasa ilalim ng pamumuno ng Southern Luzon Command (SOLCOM). Sa Timog Katagalugan ay may 75 na bilanggong pulitikal at siyam na indibidwal ang may kaso sa ilalim ng Anti-Terror Law.

(KAUGNAY NA BALITA: Eight detained in Cebu after Anti-Terror Bill protest)

Ang patuloy na panawagan ng mga progresibong grupo sa rehiyon: “Militar sa kanayunan, palayasin!” [P]

0 comments on “Hustisya at kalayaan, panawagang bitbit ng human rights defenders sa caravan para sa karapatang pantao

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: