News

Biyaheng #NoToJeepneyPhaseout, patuloy na ipinapasada matapos ang transpo strike

Nakapanayam ng UPLB Perspective ang ilan sa mga miyembro ng El Danda Forestry Jeepney Operator Driver’s Association Incorporated (ELFJODAI) upang alamin ang kanilang kalagayan, isang buwan matapos ang isinagawang transportation strike.

Mga salita nina Joshua Franklin Dula at Gerard Gonzales

Mahigit isang buwan makalipas ang isinagawang transportation strike, problema pa ring maituturing ng mga tsuper sa bansa ang nakaambang jeepney phaseout dulot ng nakaplanong modernisasyon. Sa likod ng kanilang mga hinaing, iisa lang ang kanilang hangarin: inklusibo at epektibong plano para sa mga katulad nilang ilang taon na sa kalsada.

Sa isinagawang relief operation ng Serve The People Brigade (STPB-UPLB) sa tanggapan ng El Danda Forestry Jeepney Operator Driver’s Association Incorporated (ELFJODAI), eksklusibong nakapanayam ng UPLB Perspective ang ilan sa mga miyembro ng asosasyon. 

Inilahad ng mga tsuper ng ELFJODAI ang kanilang mga saloobin sa nakaambang jeepney phaseout at ang kanilang kasalukuyang kalagayan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa. Kabilang rito ang oil price hike, paglobo ng inflation rate, at dagok na dala ng pandemya. 

Nito lamang 2022, ang naganap na taas-presyo ng petrolyo sa unang sampung linggo ay higit pa sa taas-presyo noong buong taon ng 2021 (BASAHIN: “Tayo ang tao”: Pasakit ng oil price hike sa ma tsuper at masa). Kasabay rin nito ang pagpalo ng inflation rate sa bansa na umabot ng 8.7% nitong Enero, pinakamataas na naitala mula noong Nobyembre 2008. 

Hanggang ngayon, hindi pa rin tuluyang nakakabangon ang mga tsuper sa mga dagok na ito kung kaya’t patuloy ang panawagan nilang ibasura ang jeepney modernization program. Kalakip ng programang ito ang unti-unting pagpapalit sa mga tradisyunal na dyip tungo sa makabago at modernong e-jeepney o minibus na hindi bababa sa isang milyong piso

Matatandaang isa ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa nakikitang solusyon ng Department of Transportation (DOTr) sa kabi-kabilang problemang kinakaharap ng sektor ng transportasyon ng bansa. Taong 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte, nang sinimulan ang naturang programa. Ipinagpatuloy ang programa sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. upang ayusin umano ang sektor ng transportasyon sa bansa.

Upang tuligsain ang malawakang phaseout, pinangunahan ng transport groups na Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa (MANIBELA) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang pagsasagawa ng nationwide transportation strike na inumpisahan noong ika-6 ng Marso.

Nakiisa sa malawakang kilos-protesta na ito ang mga tsuper at komyuter mula sa iba’t-ibang parte ng bansa, kabilang na ang Timog Katagalugan (BASAHIN: Sa laban ng drayber, kasama ang komyuter: Tigil-pasada, ikinasa sa Timog Katagalugan).

Tumagal lamang ng dalawang araw ang naturang strike na dapat sana ay isang linggo matapos ang pakikipagdiyalogo ng mga grupo, sa pangunguna ng MANIBELA at PISTON, sa mga opisyal ng Malacañang. 

Ayon sa inilabas na pahayag ng PISTON, nangako ang Malacañang na muling susuriin ang nilalaman ng Omnibus Franchise Guidelines (OFG) hanggang Disyembre 31, kung saan nakapaloob ang PUVMP. Isasama rin umano ang mga tsuper, operators, at komyuter sa buong proseso ng pagsusuri. 

“Panghahawakan namin ang pahayag ng ating mahal na Pangulo Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na bukas ang administrasyon sa pag-aaral at pag-aanalisa ng implementasyon ng PUV Modernization Program upang mapanatili ang kabuhayan ng ating PUV drivers at operators,” ani Mar Valbuena, chairperson ng MANIBELA.

Sa mata ng mga tsuper  

Sa panayam na isinagawa ng UPLB Perspective, ipinaliwanag ni Rolly Perez, presidente ng ELFJODAI, ang katotohanan sa likod ng jeepney modernization program. 

Kalakip ng PUVMP ang pag-oobliga sa mga traditional jeepney drivers at operators na sumali sa isang kooperatiba o gumawa ng isang korporasyon upang maipagpatuloy ang kanilang provisional authority o prangkisa. Sa ganitong sistema, “isinu-surrender” umano ang prangkisa ng dyip sa kooperatiba at sa LTFRB.

Umaabot ng isa hanggang tatlong milyong piso ang presyo ng isang modern jeepney unit, depende sa kinabibilangan nitong class. Upang maging abot-kaya ito sa mga tsuper, kailangan nilang sumama sa kooperatiba kung saan nila unti-unting babayaran ang  bagong unit. Tuluyan ding kukunin sa mga tsuper ang kanilang mga lumang jeepney upang mapalitan. 

Inilahad ni Perez kung bakit dehado ang mga tsuper sa sistemang ito. Aniya, “Ang magiging kawawa d’yan ‘yong jeepney drivers kasi halimbawa sa modernization [program], kukuha ngayon ‘yong kooperatiba. Ang member ng kooperatiba 300 [drivers], so bago ma-approve ‘yon, ipapasa ngayon n’ong kooperatiba ‘yong 300 jeepney driver operators. Sino ang may utang? Edi ‘yong 300 na miyembro. Walang utang ang kooperatiba, ang magbabayad [ay] itong 300 members”.

Dagdag pa rito, makukuha ng kooperatiba ang pondo para sa modern jeepney unit sa pamamagitan ng pautang ng mga bangko kagaya ng Landbank of the Philippines (LBP). Iginigiit ng mga tsuper na paraan ito upang kumita ang bangko at gobyerno.

“Pero sa hanay kasi ng gobyerno, talagang maraming kikita dyan; hindi naman nila ipu-push ‘yan kung walang money involved d’yan e. Napakalaking involved [na pera] d’yan kaya pinu-push nila na itutuloy na kahit hindi pa ready ‘yong gobyerno tungkol do’n sa modernization,” sinabi ni Perez. 

Isa rin sa mga pangamba ng mga tsuper na maaaring mabawasan ang kanilang sahod dahil umano sa itinakdang “quota” na kailangan nilang masunod upang mabayaran ang bagong jeepney unit. 

Samantala, gagamit ng makina na nakatalima sa Euro IV Emission Standard ang mga modern jeepneys, kagaya ng mga sasakyan sa ibang bansa, upang mabawasan ang emissions na binubuga ng tradisyunal na dyip. Makatutulong umano ito upang mabawasan ang polusyon sa bansa, ayon sa gobyerno.

Taliwas ito sa naging pag-aaral ng German Development Cooperation (GIZ) kung saan “formalization” o pag-aayos ng struktura ng sektor ng transportasyon ang nakita nilang solusyon sa polusyon, bago unti-unting ipatupad ang paggamit ng e-jeepneys o e-buses sa bansa. 

“Kasi, pinipilit nila gayahin sa ibang bansa eh. Ginagaya nila sa ibang bansa para gumanda ang Pilipinas. Ang problema, maraming mawawalan ng trabaho, eh hindi nga nagiging sapat. Kung kaya nilang tustusan [o] bigyan ng hanapbuhay, [kaso] hindi naman,” giit ng isa sa mga miyembro ng ELFJODAI.

Pudpod na pasensya

Ibinahagi rin ng mga tsuper ng ELFJODAI ang kanilang naging karanasan noong kasagsagan ng strike. Dumagdag sa kalbaryo ng mga drayber ang presensya ng mga pulis, mula 6:30 ng umaga at hanggang 11 ng gabi.

Hindi umano sila nakakilos nang maayos dahil sa mga pulis na nagmamanman. Dala ng pangamba sa kanilang seguridad, napagdesisyunan ng mga tsuper na huwag na makilahok sa strike. Sa halip, nagtipon-tipon na lang sila sa kanilang tanggapan.

Kinwento rin ng mga tsuper sa nasabing panayam kung paano sila labis na maaapektuhan sa nakaambang phaseout.

Sa patuloy na pagtulak sa jeepney modernization, isa sa matinding maaapektuhan si Tatay Long na dekada na ring namamasada. Ani niya, pagsubok na maituturing ang modernisasyon ng mga tradisyunal na jeepneys dahil malaki ang mawawala sa kikitain niya na tanging nagsasalba sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

“Kaming mga walang natapos, kapag nawala si jeep, totally wala rin kami, wala [rin] [kaming] mapagtatapos na anak dahil doon lang kami kumukuha ng pampaaral sa pamamasada,” paliwanag ni Tatay Long.

Ayon sa inilabas na artikulo ng Bulatlat, aabot sa 2,100 hanggang 2,400 piso ang daily cost para magpatakbo ng modern jeepney kumpara sa 1,200 hanggang 1,500 na daily boundary ng mga nagmamaneho ng tradisyunal na dyip. Tataas rin ang pamasahe sa modern jeepneys na magiging pasanin naman sa mga komyuter. 

Bukod pa rito, hindi rin biro para sa mga kagaya ni Tatay Long ang halaga ng bago at modernong e-jeepneys o minibus

Umaabot lamang sa P100,000 ang halaga ng isang traditional jeepney unit. Sa kabilang banda, hindi bababa sa P1,000,000 ang halaga ng isang minibus.

Kagaya ni Tatay Long, tatlong dekada na ring namamasada si Pangulong Perez. Aniya, ang pagiging jeepney driver ay isang marangal ngunit napakahirap na propesyon. Halo-halong pawis, alikabok, at init ang kasa-kasama niya sa kalsada, ngunit sapat lamang, minsan pa nga ay kulang, ang naiiuwi niya sa kaniyang pamilya.

Bilang pangulo ng asosasyon ng mga tsuper, sumasang-ayon siya sa layunin ng pamahalaan na maiayos ang sistema sa sektor na kaniyang kinabibilangan. Ngunit ang mga kondisyong nakapaloob sa modernisasyon ang nagdudulot ng pangamba para sa mga kapwa niya tsuper.

“Talagang papatayin nila, talagang walang kikitain. Gugutumin talaga [nila] ‘yung pamilya ng [mga] jeepney drivers, hindi lang dito sa Los Banos, buong bansa ‘yan talagang magugutom,” saad ni Perez.

Pagdagundong sa mga panawagan  

“Walang modernization, rehab ang kailangan, hindi kailangan ang phaseout. Rehab ng jeep, pagandahin.” 

Ito ang pangkalahatang panawagan ng mga tsuper na iginiit ni Perez, bilang tugon sa programang modernisasyon ng gobyerno. 

(KAUGNAY NA BALITA: Mga jeepney driver sa Cainta, Rizal, idinaing ang hirap sa pasada ngayong pandemya; nawagang tutulan ang nakaambang phaseout)

Matapos ang nasabing diyalogo sa Malacañang, patuloy ang panawagan ng mga hanay ng tsuper na ibasura ang PUVMP. Matatandaang iniusog sa buwan ng Disyembre ngayong taon, sa halip na Hunyo 30, ang itinakdang deadline para i-phaseout ang mga tradisyunal na dyip.

“Dapat si Pang. BBM nga ang dapat magsalita at magsabi na ‘tigil na ang modernization’. Dapat naglabas siya ng memorandum at talagang black and white na panghahawakan talaga ng mga transport sector para do’n sa no phaseout policy,” diin ni Perez.

Sa isang panayam kay Mody Floranda, National President ng PISTON, iminungkahi niya ang mga posibleng susunod na hakbang ng gobyerno para sa sektor ng transportasyon. Ani niya, gamitin umano ng DOTr at LTFRB ang nagdaang Semana Santa upang “magnilay-nilay” sa kanilang pamalalakad at pagpupumilit sa franchise consolidation. 

Samantala, patuloy ang pagsuporta ng asosasyon ng ELFJODAI sa panawagang rehabilitasyon ng mga tradisyunal na dyip. Ngunit ayon kay Tatay Long, maliit lamang ang kanilang hanay kaya kailangan nila ng mga susuporta sa kanilang panawagan.

“Nananawagan kami sa inyo na tulungan kami. Ituloy lang natin ‘yong laban at sana nasa likod niyo kami para tuluyan nang mawala ‘yong modernization na hinahangad ng gobyerno kasi ang kawawa naman talaga dito [ang mga] jeepney driver sa hanay ng transport [sector]. Ayaw ng hanay ng transportasyon ang phaseout policy, gusto namin ay rehab,” panawagan ni Pangulong Perez. [P]

paglalapat ni Jonas Atienza

1 comment on “Biyaheng #NoToJeepneyPhaseout, patuloy na ipinapasada matapos ang transpo strike

  1. Pingback: Biyaheng #NoToJeepneyPhaseout, patuloy na ipinapasada matapos ang transpo strike — UPLB Perspective | Mon site officiel / My official website

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: